“Hay, ang kalat na naman ng pamamahay! Daisy, anak, halika ka muna nga rito at tulungan mo akong sinupin ang mga laruan ng kapatid mo. Daisy!” tawag ni Aling Sonya sa kanyang panganay na anak.
“Saglit lang po, mama! May ginagawa pa po ako sa kompyuter!” tugon naman ng anak.
“Hindi na natapos ang mga kalat ng mga batang ‘to. Hindi tuloy matapus-tapos ang mga gawain ko. Ang sakit pa naman ng ulo ko,” sambit ng ginang sa kanyang sarili habang pinupulot ang mga laruan ng kanyang bunso.
Isang tipikal na maybahay si Aling Sonya. Ang kanyang mister naman na si Mang Rolando ay nagtatrabaho limang araw sa isang Linggo. May dalawa silang mga anak na sina Daisy na labing isang taong gulang at si Macmac na dalawang taong gulang pa lamang.
Alas kuwatro y medya pa lamang ay gising na ang ginang upang ipaghanda ng almusal si Rolando at Daisy. Gabi pa lamang ay nakahanda ang mga susuotin nila papasok ng opisina at eskwela. Pagkaalis ng mga ito ay siya namang gising ng kanyang bunsong anak. Pakakainin niya ito ng almusal at saka paliliguan. Dere-deretso ang kaniyang mga gawain at hindi siya nakakapahinga ng maayos. Sinabayan pa ang kanyang pagod ng iniinda niyang matinding sakit ng ulo.
“Rolando, pakihawakan mo nga muna itong si Macmac at maghahanda ako ng hapunan,” pakiusap ni Sonya sa kanyang asawa.
“Ibababa mo na lang d’yan at hayaan mong maglakad-lakad,” tugon ng mister habang abala na nanonood ng basketball sa telebisyon.
“Kapag binitawan ko nga ay baka kung ano ang isubo o baka masaktan. Sige na naman Rolando! Ang sakit-sakit ng ulo ko. Gusto ko na makatapos sa gawain upang makapagpahinga na,” muli niyang pakiusap.
Kahit na iniabot niya ang anak sa mister ay hinayaan lamang ito ni Rolando na maglilikot. “Sige, gawin mo ang gusto mong gawin d’yan bata. Kailangan kong tutukan itong pinapanood ko at malaki-laki ang tatamaan ng tatay sa ending kapag nanalo ang numero ko,” pabulong na sambit ni Rolando sa bunsong anak at muling bumalik sa kanyang panonood.
“Daisy! Daisy! Iabot mo nga ‘yung gamot sa sakit ng ulo ko. Pakitignan mo d’yan sa may tukador,” utos ng ginang sa kanyang anak. “Napakasakit talaga ng ulo ko. Pagkatapos nating maghapunan, anak, maaari bang ikaw na ang maghugas ng pinagkainan natin?” tanong ni Sonya kay Daisy.
“Nay, marami pa po akong gagawin. Sa susunod na lang po ako maghuhugas. May tatapusin pa po kasi ako. Bukod doon bagong kyutiks po ang kuko ko. Pangako po, bukas talaga!” tugon naman ng kanyang anak. Kahit anong pakiusap ni Aling Sonya sa anak ay hindi siya nito sinusunod.
*Blag*
“Ano ka ba namang bata ka!” pasigaw na wika ni Mang Rolando. “Sonya, linisin mo nga ito at natabig ni Macmac ang baso ko. Nabasag! Saka kumuha ka na rin ng basahan!” utos ng mister. Kahit may nararamdaman ay pilit pa ring nilinis ng ginang ang mga bubog sa naglalawang sahig.
“Rolando, napakasakit talaga ng ulo ko. Pwede bang ikaw na muna ang maglinis kay Macmac para makatulog na siya. Uupo lang ako saglit,” muling pakiusap niya sa asawa.
Habang nililinis naman ni Rolando si Macmac ay patuloy sa pag-iyak ang bata. “Sonya! Ikaw na nga rito at nakukunsumi ako sa anak mo! Ayaw sumunod sa akin gusto atang paglaruan ang tubig!” Walang nagawa si Sonya kundi pumunta ng banyo at kuhain ang anak sa kanyang asawa. Bandang huli ay siya pa rin ang naglinis sa katawan ni Macmac.
“Rolando, kung maaari lang sana ay ikaw na ang magsara ng bahay. Itutulog ko na itong sakit ng ulo ko. Hindi ko na kasi makaya talaga,” wika ni Sonya sabay abot ng susi. “Ilabas mo muna ang mga basura kasi lalangawin ‘yan dito sa loob. ‘Wag mo ring kalimutan na tignan kung may nakabukas na gripo. Pakisara mo na rin ang mga ilaw at hayaang mo lamang nakabukas ang ilaw sa bakuran. Ako na magliligpit ng mga natitirang kalat bukas. Itutulog ko na talaga itong sakit ng ulo ko,” aniya. Walang sinunod si Rolando sa bilin ng kanyang asawa kundi ang ikandado ang mga pinto.
Kinabukasan ay maagang gumising muli si Sonya. Bumungad sa kanya ang mga gawain na inihabilin niya sa asawa. “Ang sakit pa rin ng ulo ko, Rolando,” bungad niya sa kanyang asawa.
“Unahan mo na at inuman mo na ng gamot. Hindi mo pa pala ako napaghahanda man lang kahit ng kape. Hindi pa rin nakakaluto. Wala akong babaunin ngayon? Asan na rin pala ang aking uniporme?” reklamo ng kanyang mister.
“Pasensya na kasi ang sa–” hindi pa natatapos ang sinasabi ni Sonya ay nawalan ito ng malay at napahiga sa sahig.
“Sonya! Sonya!” pilit na paggising ni Rolando sa misis niya ngunit wala pa rin itong malay.
“Daisy tumawag ka ng sasakyan at dadalhin natin ang nanay mo sa ospital!” natatrantang utos niya sa dalaga. Agad naman silang nakahanap ng masasakyan at tuluyan na nilang naihatid ang ginang sa ospital. “Dok, tulungan ninyo po ang asawa ko! Nawalan po siya ng malay kaninan hanggang ngayon po ay hindi pa rin siya nagigising,” takot na takot na sambit ni Rolando. Inasikaso naman ng mga doktor ang kanyang asawa. Maraming pagsusuri ang ginawa kay Sonya upang malaman kung ano ang nangyari sa ginang.
“Mister, lubamas na po ang resulta ng mgapagsusuri. Ayon po dito ay may aneurysm ang inyong asawa. Nagkaroon po ng abnormal na daloy ng dugo sa mga ugat sa kanyang utak. Kinalulungkot ko ring pong sabihin na nagkaroon din po ng konting impeksyon. May mga gamot naman po at mga procedures na gagawin sa kanya na makakatulong na mapabuti ang kanyang kalagayan. Sa ngayon po ang magagawa na lamang po natin ay magdasal at hintayin na siya ay magising. ‘Wag po kayong mag-alala dahil gagawin po namin ang lahat ng makakaya namin,” pahayag nhg doktor na tumitingin kay Sonya.
Lubhang nalungkot si Rolando sa kanyang narinig. Maaari kasing mawalan ng buhay ang kanyang misis kung magkataon. Panay ang dasal ng mag-anak na sana ay magkamalay na si Sonya. Sa kabilang banda naman habang nakaratay sa karamdaman ang ginang ay si Rolando ang nag-aasikaso sa kanilang mag-anak.
Hindi niya akalain na sobrang hirap at pagod pala ang dinadanas ng kanyang asawa sa pag-aasikaso sa kanila. Pinagsabihan din niya ang kanyang panganay na tumulong kahit paano sa pag-aalaga ng kapatid at sa ibang gawaing bahay.
Naaalala ni Rolando ang mga bawat sandali na binalewala niya ang mga pakiusap ng kanyang asawa. Ang mga sandali na nakikiusap ito ng kanilang pag-alalay upang gumaan ang mga gawain upang saglit na makapagpahinga. Nangako siya sa kanyang sarili na kung si Sonya man ay muling gigising ay gagawin niya ang lahat upang hindi na ito mapagod ng husto.
Makalipas ang apat na araw ay naroon muli ang kanilang pamilya sa ospital. Humahangos ang isang nurse na tumungo kay Rolando na noon ay nasa waiting area. “Mister Rolando, ang asawa po ninyo!” humihingal na sambit ng nars. Takot na takot naman ang ginoo baka kasi may masamang nangyari na sa kanyang asawa.
“Ang inyong misis po, Mister Rolando, nagkamalay na po siya!” tuwang tuwang wika muli ng nars. Patakbong nagtungo si Rolando sa silid ng asawa nang marinig niya ang balita.
Pagpasok niya sa silid ay bumungad agad sa kanya ang asawang na mayroon ng malay. “Salamat sa Diyos at gising ka na, Sonya!” agad na lumapit si Rolando sa kanyang misis. “Patawad dahil hindi ko man lang pinakinggan ang mga daig mo noon. Imbis na tulungan kita ay dumagdag pa ako sa iyong mga intindihin.” naluluhang sambit ng mister habang nakahawak sa kamay ng asawa.
“Salamat sa Diyos din, Rolando at nabigyan pa ako ng pangalawang buhay. Ayoko pa kayong iwanan sapagkat alam kong kailangan ninyo ako,” tugon naman ni Sonya.
“Simula ngayon, Sonya, pangako ko sa iyo ay tutulungan na kita sa iyong mga gawain. Habang ikaw ay wala pang malay ay ako muna ang umasikaso sa ating bahay. Mahirap at nakakapagod pala ang maging isang maybahay. Hanga ako sa iyo sapagkat nakakaya mo ang lahat. Hindi ko mapantayan ang paglilinis mo at ang pag-aasikaso sa ating mga anak. Pasensiya ka na sa akin kung hindi ko binigyang pansin ang mga dinadaing mo. Hindi ako naging mabuting asawa. Hayaan mo na sa pagkakataon na ito ay makabawi ako,” wika ni Rolando.
Ilang araw pa ang lumipas at tuluyan ng nakalabas si Sonya sa ospital. Patuloy pa rin ang pag-inom ng ginang ng kanyang mga gamot upang hindi na bumalik ang tumama sa kanyang karamdaman. Tinupad naman ni Rolando ang kanyang pangako sa asawa. Mula noon ay tulong-tulong na isa sa pagsasaayos ng kanilang tahanan. Laking tuwa naman ni Sonya sa pagbabagong ito ng kanyang mag-anak.