Inday TrendingInday Trending
Patawad, Hindi Ako Kasing Galing Mo, Inay

Patawad, Hindi Ako Kasing Galing Mo, Inay

“Bakit tatlo ang mali mo dito sa test mo sa math, Abby? Hindi ka ba nag-aral kagabi? Napakadali lang nito at paulit-ulit niyo na ‘tong pinag-aaralan ay hindi mo pa rin makabisado!” nanggagalaiting wika ni Olga sa kanyang nag-iisang anak na si Abby.

“Patawad po, mommy. Sa susunod po ay itatama ko na po lahat ng sagot ko,” tugon naman ni Abby habang nangingilid na ang kanyang luha.

Labing isang taong gulang lamang si Abby at nasa ikaanim baitang. Kahit pinipilit niya na paghusayan sa pag-aaral ay hindi niya makuha-kuha ang unang karangalan na lubusan namang ikinayayamot ng kanyang ina. Mataas kasi ang pinag-aralan ng kanyang ina. Mula kinder hanggang makatapos ito ng kolehiyo ay lagi itong honor student. Pagkatapos sa kolehiyo ay kumuha pa siya ng masteral and doctorate degree sa isang tanyag na unibersidad. Kaya hindi matanggap-tanggap ni Olga na hindi ganito ang sinasapit ng kanyang anak.

“Pag-igihan mo pa ang iyong pag-aaral kasi. Simula ngayon ay kahit isang minuto ay hindi ka na pwedeng manood ng telebisyon. Hindi ka na rin maaaring makipaglaro muna sa iyong mga kaibigan sa labas. Kailangan mong tutukan ang iyong pag-aaral, Abby! Ano na lang ang sasabihin ng iba? Sasabihin nila na hindi kita tinuturuan? Na nagkaanak ako ng hindi matalino?” halos magsalubong ang kilay ng ginang sa galit habang pinangangaralan ang anak.

“Mommy, ginagawa ko naman po ang lahat ng sinasabi niyo. Matagal na nga po akong hindi nakakanood ng telebisyon dahil pagkatapos sa eskwela ay agad pa rin po akong nag-aaral dito sa bahay,” mahinang tugon ng anak.

“Kung ganoon ay bakit hindi mo pa na-perfect ang test mo kanina? Bakit kailangan ay may tatlong mali pa?” naiinis na sambit na naman ni Olga. Hindi na muling umimik pa ang bata sapagkat hindi niya alam ang kanyang sasabihin sa ina.

“Tignan mo, Abby, ang lahat ng ito!” wika ni Olga habang itinuturo ang kanyang mga plake at medalya. “Ayaw mo bang magkaroon ng mga ganiyan? Hindi ka ba naiinggit sa mga kaklase mo na taun-taon ay pumapanhik ng stage at sinasabitan ng medalya dahil sa kanilang talino? Sumagot ka!” halos maputol ang litid ni Olga sa pagsigaw sa kanyang anak.

“G-gusto ko po, mommy, na magkaroon din ng mga medalya,” nanginginig sa takot na wika ng anak. Sa puntong ito ay hindi na napigilan pa ni Abby ang umiyak. “Hayaan mo po mommy, sa susunod po ay gagalingan ko na po sa test,” hindi mapatid ang pag-iyak ng bata. Pumanhik na si Abby sa kanyang silid at ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral para sa pagsusulit kinabukasan.

Kinabukasan ay maaganag pumasok sa paaralan si Abby. “Nakapag-review ka na ba para sa pagsusulit natin sa science, Abby?” tanong ng kanyang kaklaseng si Liyan.

“Oo, napuyat nga ako kakaaral kagabi. Napagalitan pa na ako ni mommy. Nadismaya kasi siya nang makita niya na may tatlong mali ako sa test sa math. Kailangan daw ay walang mali ang aking mga pagsusulit kaya naman kinakabahan ako. Baka mamaya ay magalit na naman siya sa akin,” pangamba ni Abby.

Nang dumating na ang kanilang guro na si Mrs. Reyes ay agad niyang pinasagutan sa estudyante ang pagsusulit. Pagkatapos nilang masagutan ay agad din namang tsinek ng guro ang kanilang mga sagot. Matapos ang lunch break ay bumalik si Mrs. Reyes sa kanilang silid-aralan.

“Mga bata, ito na ang inyong test papers,” wika ng kanilang guro habang hawak ang mga papel. “Hindi ko pa ito nai-rekord. Pagkatapos ninyong tignan ang inyong mga marka ay mangyari lang na ibalik ninyo itong lahat sa akin upang maitala ko,” habang pinamimigay ng guro ang mga test papers ay may kumatok na isa pang guro. “May biglaang meeting daw tayo sa opisina ng prinsipal,” pabulong na wika ng isang guro.

“Abby, pakikolekta mo ang lahat ng iyan at pakipatong na lamang sa aking mesa sa faculty room. May kailangan lamang kaming gawin,” pakiusap ni Mrs.Reyes kay Abby.

Nang makita ni Abby ang kanyang nakuha sa pagsusulit ay agad siyang kinabahan. “Lima ang mali ko. Magagalit na naman sa akin si mama,” balisang wika ni Abby sa kanyang sarili. Habang malalim ang iniisip ay isa-isa namang iniaabot ng kaniyang mga kaklase ang kanilang test paper kay Abby. Nang makolekta na niya ang lahat ay naglakad siya patungo sa faculty room.

“Sabihin ko na lang kaya kay mommy na hindi pa kami nag-test ngayong araw o hindi naman kaya ay ‘wag ko na lang ipakita sa kanya ang nakuha kong marka sabihin ko ay nawala,” pag-iisip ni Abby. “Pero malabo. Malalaman at malalaman din niya kapag nagtanong siya sa iba kong kaklase,” bulong niya sa sarili.

Nang makarating na siya sa faculty room ay kumatok muna siya sa pintuan at dahan-dahan niya itong binuksan. Tumingin-tingin siya sa palagid ngunit walang tao sa loob ng silid. Hinanap niya ang mesa ni Mrs. Reyes at nang makita ito, agad niyang pinuntahan. Habang inilalapag niya ang mga test papers sa mesa ng guro ay nakita niya ang mga blangkong test papers. Agad pumasok ang isang ideya sa isip ng bata.

Kinuha niya ang test paper at mabilis niyang sinagutan muli ito. Pagkatapos ay kinuha niya ang pulang ballpen sa lalagyanan ng guro at agad niyang tsinekan ang kanyang gawa. Pilit niyang ginaya ang sulat ng guro. Sa test paper na ito ay perfect ang marka ni Abby.

Hinanap niya ang kanyang lumang test paper at agad itong nilamukos at nilagay sa kanyang bulsa. Dali-dali naman niyang isiningit sa mga test papers ng kanilang klase ang bagong gawa niyang pagsusulit. Palinga-linga sa paligid si Abby sa takot na baka siya ay mahuli. Nang maisagawa na niya ang pagpapalit ng test paper ay mabilis siyang lumabas ng faculty room at muling bumalik sa kanilang silid-aralan.

“Okay ka lang ba, Abby? Parang humahangos ka,” sambit ng kanyang isang kaklase, sapagkat halata ang pagkabalisa sa kilos nito.

“Wala siguro ay mainit lang sa labas. Nakakita din kasi ako ng gagamba kaya natakot ako. Okay lang ako, wag mo akong intindihin.,” tugon naman niya.

Nang makauwi ay agad siyang sinalubong ng tanong ng kanyang ina. “Kumusta ‘yung test mo? Ilan ang nakuha mo?” pag-usisa ni Olga.

“P-perfect po, mommy, Kaso po ay hindi pa po binabalik sa amin ang test paper. Baka bukas po ay maiuwi ko na,” pilit na itinatago ni Abby ang kanyang pangamba. Laking tuwa naman ng kanyang ina nang marinig ang balita.

“Ayan! ‘Yan ang gusto ko! Anak nga talaga kita!” masayang wika ni Olga. Agad pumanhik si Abby sa kanyang silid. Hindi mawala sa kanyang isip ang maling ginawa. Ngunit hindi rin niya maialis sa kanyang isip ang itsura ng kanyang ina ng malaman na tama lahat ng kanyang sagot.

Kinabukasan ay nakatanggap ng tawag si Olga mula sa guro ni Abby na si Mrs. Reyes. “Abby, gusto daw akong makausap ng iyong guro. May nais daw siyang sabihin sa akin na mahalaga. Siguro ay tungkol ito sa pagiging honor mo, ano?” nagagalak na tanong ng ginang. Hindi naman makaimik sa kaba si Abby.

Nang makarating sila sa eskwelahan ay agad silang tumuloy sa opisina ng guro upang magka-usap. “Ginang, tungkol po ito kay Abby,” wika ni Mrs. Reyes habang nakaupo sa tapat ng kanyang mesa ang mag-ina. Napangiti naman si Olga sapagkat umaasa siya na maganda ang ibabalita ng guro sa kanya.

“Abby, gusto ko sanang magsabi ka ng totoo sa akin.” pakiusap ng guro kay Abby. “Ikaw ba ang gumawa nito, Abby?” aniya habang pinapakita ang test paper ng bata. Namangha naman si Olga sa kanyang nakita.

“Wow, anak, totoo ngang naka-perfect ka sa inyong pagsusulit!” tuwang tuwang reaksiyon ng kanyang ina.

“Ginang, malungkot ko pong sasabihin sa inyo na hindi po naka-perfect ang inyong anak sa pagsusulit na ito. Hindi po ako ang nagtsek at naglagay ng marka dito sa test paper ng anak ninyo,” pahayag ng guro.

“Hindi ko po maintindihan ang sinasabi n’yo, Mrs. Reyes,” pagtataka naman ni Olga. “Hayaan na lamang natin si Abby ang magsabi ng katotohanan,” malumanay na wika ng guro.

“Patawarin ninyo po ako. Ako po ang gumawa niyan!” napahagulgol si Abby sa kanyang sinabi. Laking gulat naman ng kanyang ina.

“Abby, anong kahihiyan ‘tong ginawa mo? Anong kasinungalingan ‘to?” napatayo sa galit si Olga nang marinig niya ang pag-amin ng anak.

“Sandali lang po, ginang. Pakinggan po natin ang sasabihin ni ng inyong anak. Alam ko na may dahilan siya sapagkat mabait naman siyang bata at hindi ko rin po inaasahan na magagawa niya ito,” pigil naman ni Mrs. Reyes kay Olga.

“Patawad po!” patuloy pa rin sa pag-iyak ang bata. “Takot na takot po kasi ako sa inyo, mommy! Lima po ang mali ko sa pagsusulit. Ginawa ko na po ang lahat pero hindi ko pa rin po nasagutan ng tama ang lahat. Sa sobrang takot ko po naisip ko pong palitan ang test paper ko para walang mali. Natatakot po kasi ako, mommy, na pagalitan ninyo po ako ulit.

Dapat kagabi po talaga ay sasabihin ko na po sa inyo ang totoo, pero sa tuwing maaalala ko po ang itsura ninyo nang sabihin ko sa inyo na naka-perfect ako, hindi ko na po nagawa. Kasi noon ko lang po naramdaman na ipinagmamalaki ninyo ako. Sa wakas ay hindi na kayo nadidismaya sa akin. Patawarin n’yo po ako kung nagawa ko man po ang magsinungaling. Patawad po, mommy, at hindi po ako kasing galing ninyo!” halos maubusan ng luha si Abby sa kakaiyak.

Natigilan naman si Olga sa kanyang narinig. Hindi niya akalain na dahil sa lubusan niyang pagnanais na magkaroon ng karangalan ang anak ay nagawa ni Abby ang ganitong bagay. Napayakap na lamang siya sa kanyang anak.

“Ako man ay patawarin mo, anak,” napaluha na rin si Olga. “Patawarin mo ako at hindi ako nagtitiwala sa iyong kakayahan. Patawarin mo ako sa lahat ng masakit na salita na nasabi ko sa’yo at patawad anak kung lubusan kong ninais na mapantayan mo ang lahat ng naabot ko. Nakalimutan ko na may sarili ka nga pa lang diskarte at talino,” maluha-luhang sabi naman ni Olga.

“Dahil sa iyong pag-amin sa akin ay hindi na ito makakaakyat pa sa nakakataas. Ngunit kailangan ko pa ring itala ang orihinal na nakuha mong marka. Alam kong hindi na ito mauulit pang muli at malaki ang tiwala ko sa’yo, Abby,” pahayag ni Mrs. Reyes.

“Para a inyo naman, ginang, gusto ko lamang po sabihin sa inyo na hindi po natin kailangan lubusan na pilitin ang bata. Huwag natin po siyang ikumpara kahit kanino sapagkat iba-iba po tayo. Ang madali sa iyo ay maaaring mahirap sa kanya o kabaligtaran.

Kung ngayon man ay hindi siya nabibilang sa mga mag-aaral na may karangalan ay hindi naman ibig sabihin po noon ay hindi na siya magaling at hindi na siya matalino. Hindi po ibig sabihin noon ay wala na siyang magandang hinaharap sa kanyang buhay. Hindi po basehan sa lahat ng oras ang talino dito sa paaralan at alam kong alam ninyo po ‘yan. Iba-iba po ang talino ng bata at may kani-kaniya po silang panahon,” paliwanag pa ng guro.

“At bago ko makalimutan, kahit lima ang mali mo sa pagsusulit, Abby, ay ikaw ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa buong klase,” nakangiting pagtatapos ni Mrs. Reyes.

Humingi ng kapatawaran si Olga sa kanyang mga nagawa sa anak. Nangako siya na hindi na siya magiging mahigpit pagdating sa pag-aaral ni Abby Hinding-hindi na rin niya ihahambing ang kanyang kanyang anak sa kanyang sarili sapagkat ayaw na niyang muling masaktan pa ang damdamin ng anak.

Maluwag na niyang tatanggapin ang anumang marka na makukuha ng anak sapagkat alam niyang masipag mag-aral at sadyang matalino naman si Abby. Lumabas sila ng silid nang may ngiti sa kanilang mukha. Lubusan ang kanilang pasasalamat sa mga aral na ibinahagi sa kanila ni Mrs. Reyes.

Advertisement