“Hindi namin kailangan ang tulad mong sobrang arogante dito sa opisina na ‘to! Papasok ka lang kung kailan mo gusto at pagkatapos hindi mo agad inire-remit ang mga nasingil! Dinaig mo pa ko, ah! Tapos ikaw pa ang may ganang mag-angas diyan!” nanggagalaiting sigaw ng may-ari ng lending office kay Jojo.
“Lalong hindi ko naman kailangan ang isang tulad mo na kuripot magpasahod! Tsaka ang init-init gusto niyong mag-motor ako para maningil!” pasigaw na tugon din ng binata.
“Eh, sira ulo ka pala, eh! Iyon ang trabaho mo, g*go! Bakit ka nagrereklamo?” Halos mapatid ang litid ng boss sa galit nito kay Jojo.
Paulit-ulit na lang ang ganitong eksena sa buhay ni Jojo, tatlumpu’t dalawang taong gulang. Dahil sa katamaran at kagaspangan ng kaniyang ugali ay hindi siya nagtatagal sa trabaho. Wala pang apat na buwan na nagtatrabaho ang binata bilang tagasingil sa isang maliit na pautangan sa Malabon ay agad na naman siyang napatalsik.
“Lets*ng matabang boss na ‘yun. Akala mo kung sino! Makakahanap agad ako ng trabaho, noh. Kung makapag-utos akala mo Diyos!” sambit ni Jojo sa kaniyang sarili habang pauwi.
Nang makarating sa bahay ay agad naman siyang sinalubong ng tanong ng kaniyang ina na sa mga sandaling ‘yon ay naghahanda na ng pananghalian.
‘O, bakit ang aga mo naman ata, Jojo? Hindi ba kakaalis mo lang?” sambit ng ina ng binata pagkakita pa lamang sa kaniya sa tarangkahan ng kanilang bahay. “Huwag mong sabihin sa akin na natanggal ka na naman!” muling bulalas ng ina.
“Naku, Jojo, sa ugali mong iyan ay hindi ka talaga magtatagal sa trabaho. Mahihirapan ka talagang magkaroon ng permanenteng hanapbuhay kung ganiyan ang inaasal mo. Sinabi ko naman sa’yo na iwasan mo ang lumiban sa trabaho at sumunod ka lagi sa iyong boss. Tignan mo ngayon ang nangyari,” dagdag pa ng nayayamot na ginang.
“Matanda ka na, Jojo! Baka wala nang tumanggap sa’yo. Matanda na rin kami ng tatay mo at hanggang ngayon ay sa amin ka pa rin nakasandal.” Hindi na napigilan ng ina na maglabas ng kaniyang saloobin sa anak.
“Sus, nay, mabilis naman akong makakahanap ng trabaho. Pero sa ngayon baka puwedeng magpahinga na muna ako. Tsaka para sabihin ko sa inyo, nay, hindi ako ang arogante, ‘yong boss ko. Maliit na nga magpasweldo kung anu-ano pa ang iniuutos. Akala mo kung sino!” mariing pahayag ng binata.
“Ganiyan ka naman, eh! Lagi kang nakakahanap ng palusot mo! Lagi mong ibinibintang sa iba ang pagkakamali mo! Matanda na kami, anak. Panahon na para makatulong ka naman sa amin.” Hindi matapus-tapos ang pangaral ng ina.
“Oo na, nay! Bukas na bukas ay hahanap na ako ng trabaho. Maligaya ka na ba?” naiinis na tugon ni Jojo sa kaniyang ina. Padobog siyang pumasok ng kaniyang silid.
Nanggagalaiti man sa galit ay lubusan naman ang pag-aalala ng ina sa binata sapagkat alam niya na dahil sa pangit na pag-uugali ng anak ay imposibleng may tumanggap pa dito. Kung mayroon man ay imposible din na magtagal doon ang anak. Ang tanging solusyon lamang ay kung magsisimula nang magbago ang binata.
Kinabukasan ay agad naghanap si Jojo ng mapapasukan. Nagtanung-tanong siya sa kaniyang mga kakilala ngunit ilag sila na irekomenda ang binata sapagkat kilala nila ang ugali nito.
“Anak, nangangailangan daw ng taga-deliver doon sa opisina ni Mareng Dolly sa Kamuning. Online shop daw ata ‘yong tawag sa ganoon. Puntahan mo kaya at subukan mong mag-apply?” tanong ng ina.
“Maaari mong puntahan bukas. Saktong alas nuwebe daw ng umaga. Sasabihin daw ni Mareng Dolly doon sa opisina na may irerekomenda siya kung gusto mong subukan. Nakalista daw dito ang address at mga kailangan mong dalhin para sa interview,” wika pa ng ina habang iniaabot ang isang pirasong papel kay Jojo.
“Naku, wala akong katiwa-tiwala diyan kay Aling Dolly. Baka mamaya mahirap na naman ‘yong trabaho at tsaka mababa ang sweldo,” nayayamot na tugon ng binata.
“Tigilan mo na nga ‘yang kakaganiyan mo! Wala naman talagang madaling trabaho! Kung gusto mo ng malaking sahod dapat ginagalingan mo! Pero ang gusto mo ay tutunganga ka lang at susweldo ka. Ano ka sinusuwerte?” Halos hindi na mapigilan ng ina ang galit.
“Bahala ka kung ayaw mong puntahan! Pero siguraduhin mo na makakahanap ka ng trabaho agad dahil malapit na akong mapuno sa’yo!” saad pa ng ginang.
Kinabukasan ay pasado alas siyete na ngunit natutulog pa rin si Jojo
“Hoy, Jojo! Bumangon ka na nga riyan! Aba, anong oras na, ha! Hindi mo ba pupuntahan ‘yong interview? Malayu-layo ang byahe mo kaya gumising ka na riyan!” pasigaw na wika ng ginang habang ginigising ang anak.
“Pambihira naman, nay. Daig mo pa ‘yong armalite kung makapagbunganga ka! Kay aga-aga! Pasado alas siyete pa lang, o! Bad trip, eh. Natutulog pa ‘yong tao!” nayayamot na tugon ni Jojo na tila babalik na naman sa pagkakatulog.
“Bahala ka. Nagsasawa na ako sa ugali mo! Malapit na akong maniwala sa sinasabi ng ibang tao na wala ka ng pag-asang umasenso,” napabuntong-hininga na lamang ang ginang.
“Oo na, nay! Babangon na! Walang pag-asang umasenso. Oo na! Kayo na ang magaling! Ang gagaling niyo, eh!” tahasang pambabastos ni Jojo sa kaniyang ina. Napailing na lamang ang ginang.
Tatamad-tamad na bumangon ang binata at dumiretso sa banyo upang maligo. Kumain siya saglit ng almusal at nang matapos na makapag-ayos ay agad siyang umalis at sumakay ng dyip.
“Bayad ho. Makikisuyo!” wika ng isang matandang babae. “Boy, makikisuyo lang,” sambit muli ng matanda kay Jojo. “Teka lang, noh! May inaayos ako! Ikaw na nga ang nakikiabot hindi ka pa makapaghintay! sigaw ni Jojo sa matanda. Napailing na lang ang matanda sa kaniyang ginawa.
Nang makarating sa MRT ay inunahan pa ni Jojo ang matandang babae na bumaba ng dyip. “Ang bagal mo, eh!” sambit pa niya.
Pag-akyat ni Jojo ng istasyon ng tren ay nakita niya ang haba ng pila ng mga tao kaya walang pasintabi siyang sumingit. Nagagalit man ang mga tao sa kaniya ay tila wala siyang naririnig. Patuloy lang siya sa kaniyang maling ginagawa. Nang makarating siya sa bilihan ng tiket ay agad siyang pumila upang hindi masita ng mga nagbabantay.
May isang ginang na may dalang bata ang nakiusap sa kaniya na kung maaaring siya na ang mauna. “Pumila kayo kagaya namin!” Iyan lang ang kaniyang sinabi. Napahiya naman ang babae at walang nagawa kung ‘di ang bumalik sa kaniyang likuran.
Inip na inip na si Jojo sa pila. “Bilisan niyo naman dyan! Ang babagal niyo! Huli na kaming lahat sa mga kailangan naming puntahan!” Sigaw niya sa mga kahera.
Nang makabili ng ticket ay agad siyang pumasok sa hintayan ng tren. Dahil marami pa ring taong naghihintay ay sumingit na naman siya. Nang may dumating na tren ay nakipag-unahan siyang pumasok kahit marami pa ang palabas na tao sa bagon. Nasiko niya ang isang lalaki na naghihintay na makapasok sa tren. Nang sitahin siya nito ay siya pa ang nagalit.
“Nakaharang ka kasi diyan! Kita mong nagmamadali ‘yong tao!” sigaw ni Jojo. “Lahat naman tayo ay nagmamadali dito, iho. Ano ba naman ‘yong kaunting delikadesa man lang,” malumanay na tugon ng lalaki.
Nagmamadali ang lahat na makapasok sa tren. Dahil sa dami ng tao ay hindi na maisara ang pintuan ng bagon kung nasaan si Jojo. Nakita niya ang lalaking nakaalitan na nakasiksik malapit sa pintuan. Sa pagnanais na makaalis na ang tren ay sinipa ni Jojo ang lalaking kaniyang nasiko palabas ng bagon. Nasubsob ang ginoo sa sahig.
“Iyan ang nararapat sa’yo! Ul*l! May delikadesa ka pang nalalaman d’yan!” nakangisi pa niyang sambit sa lalaki. Bago magsara ang pinto ay nagsalita ang ginoo. “Ang sama ng ugali mo. Tandaan mo. Bilog ang mundo!”
Natawa lamang si Jojo sa sinabi ng lalaki. “Siraulo. Eh, ano ngayon kung bilog ang mundo?” bulong niya sa sarili. Dahil sa kaniyang ginawa ay hindi maiwasan ng mga tao na siya ay tignan at pag-usapan ngunit tila wala siyang naririnig at nakikita.
Nang makarating siya sa Kamuning ay patakbo siyang bumaba ng tren at agad nagtungo sa opisina na kaniyang paga-applayan.
“Ako po si Jojo Bautista. Inirekomenda po ako ni Ginang Dolly Salazar. Ito po ang aking resume at nandito po ako para sa isang interview,” wika niya sa receptionist. Kinuha ng babae ang resume ni Jojo. “Sige, Mr. Bautista, maupo muna kayo diyan,” saad ng babae habang tinuturo ang waiting area. “Wala pa po kasi si Mr. Santiago. Papunta na siya ngunit mahuhuli lang daw sandali,” Laking tuwa naman ni Jojo sa kaniyang narinig dahil tamang-tama lamang pala ang kaniyang dating.
“Miss, itong si Mr. Santiago na mag-iinterview sa akin mabait ba siya?” tanong ni Jojo sa receptionist. “Walang kasing bait po. Napakasuwerte ninyo at siya ang mag-iinterview sa inyo. Siguro ay ang pinakamasamang tao na lamang ang hindi papasa sa interview niya. Lahat kasi ay binibigyan niya ng pagkakataon lalo na kung nakikita niya na determinado ito at may mabuting kalooban,” tugon naman ng babae.
Napangiti muli si Jojo. “Mukhang masuwerte ako ngayong araw na ‘to, ah. Makikita ni nanay. Pag-uwi ko ay may trabaho na ako. Tignan natin kung sino ang walang pag-asang umasenso ang buhay!” bulong niya sa sarili.
Mayamaya ay dumating na si Mr. Santiago. “Magandang umaga po, sir!” bati ng receptionist. “Pasensiya na at nahuli ako. Sobrang trapik sa daan kaya napilitan akong mag-MRT.” paliwanag ng ginoo.
“Sir, nandito na po ‘yong iinterviewhin niyo na nirekomenda ni Miss Dolly na kakilala niya. Nasa mesa na po ninyo ang kaniyang resume. Nasa waiting area po siya ngayon,” wika ng babae. “Sige, tutuloy na ako sa aking opisina. Papasukin mo na lang sya,” nakangiting wika ni Mr. Santiago.
“Mr. Bautista, nandito na po si Mr. Santiago. Maaari na daw po kayong pumasok sa kaniyang opisina,” saad ng babae.
“Ayos!” nakangiting wika ni Jojo. Agad siyang nagtungo sa opisina. Nang buksan niya ang pinto ay nagulat na lamang ang binata sa kaniyang nakita. Halos nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan.
“Magandang umaga, iho.” nakangiting pagbati ni Mr. Santiago. Hindi naman makaimik si Jojo.
“Pasensiya na at pinaghintay ata kita,” paghingi ng paumanhin ng ginoo. “Hindi ko kasi inaasahan ang bigat ng trapiko kaninang umaga. Naipit ang aking sasakyan sa trapik kaya kinailangan kong bumaba ng aking sasakyan at sumakay ng tren upang umabot ako sa takdang oras ng pasok ko dito sa opisina,” paliwanag ni Mr. Santiago.
“Kaso ay hindi ko inaasahan na sa dami ng tao ay may makakaalitan ako. Isang aroganteng binata ang sumiko sa akin upang mauna lamang siya sa pagpasok ng tren. Hindi pa siya nakuntento. Sinipa niya ako palabas ng bagon para maisara ang pinto,” nakangiti pa rin ang ginoo habang nagkukuwento.
Hindi pa rin makaimik sa kahihiyan si Jojo sapagkat ito pa lang si Mr. Santiago ay ang lalaking kaniyang nakaalitan sa MRT kanina.
“Sa tingin mo ba, Mr. Bautista, ay kailangan ko ng tauhan na may ganiyang pag-uugali?” tanong ng ginoo kay Jojo. “Hindi importante sa akin kung ano ang kaya mong gawin sa opisinang ito sapagkat natututunan ang mga bagay na iyon. Ang mahalaga sa akin ay ang wastong pag-uugali at mabuting kalooban sapagkat ito ang bubuo ng iyong pagkatao. Paumanhin sa’yo, iho, ngunit makakaalis ka na,” saad ni Mr. Santiago.
Kahit pa humingi ng kapatawaran si Jojo sa kaniyang mga nagawa sa ginoo ay huli na ang lahat. Labis ang pagsisising nararamdaman ng binata. Isang pagkakataon ang kaniyang sinayang dahil lamang sa kagaspangan ng kaniyang ugali. Umalis siya ng opisina na mabigat ang kalooban.
Isang mahalagang aral ang natutunan ni Jojo noong araw na iyon. Kailangan niyang baguhin ang kaniyang pag-uugali.
Simula noong araw na iyon ay unti-unti nang tinanggal ng lalaki ang arogante niyang pag-uugali. Naging mas mapagkumbaba na siya at marunong na rin siyang rumespeto ng kaniyang kapwa kaya nung muli siya nakahanap ng trabaho ay hindi na siya napatalsik sa kompaniya sa halip ay nagtagal na siya sa kaniyang pinapasukan.