Inday TrendingInday Trending
Tunay na Kalayaan Mula sa Kasalanan

Tunay na Kalayaan Mula sa Kasalanan

Makulimlim ang langit at tila babagsak na ang malakas na ulan. Nakahinto sa isang tabi si Celine at nakapikit ito.

“Panginoon, salamat,” isip-isip niya.

“Celine? Ikaw ba ‘yan? Diyos ko, lumaya ka na pala!” bati ni Lucy na kakagaling lamang sa palengke.

“Oo, Lucy. Ang tagal ko ring hindi nakita ang lugar natin. Malaki na pala ang pinagbago,” sagot naman ni Celine sa ale.

“Ay, oo naman. Marami nang umalis at mga bagong salta. May mga bagong pamilya na rin. Pero tara na at sasamahan kita sa bahay mo. Doon ay wala akong masyadong binago para hindi mo naman masabi na ginalaw ko ang bahay mo. Gusto ko talaga na pag lumaya ka na ay hindi maninibago ang pakiramdam mo,” pahayag ni Lucy at mabilis na nagyakapan ang dalawa.

Si Lucy na ang naging tagapamahala ng bahay ni Celine habang ito ay nasa kulungan. Pati na rin ang palayan at asukalan ay ipinamahala niya sa kaibigan. Ito na lang kasi ang maaasahan niya noon at sayang din kapag pinabayaan.

Malugod namang tinanggap ni Lucy ang pakiusap noon ni Celine sa kaniya. Dito na siya kumuha ng kanilang kabuhayan kaya naman malaki rin ang pasasalamat niya sa babae.

“Lucy, tama ka nga. Maraming salamat at nandito pa rin ang mga gamit ko. Parang walang pinagbago,” naluluhang wika ni Celine sa kaniya habang hinahawakan ang kaniyang mga lumang gamit. Ang mga gamit at puwesto niya sa pagpipinta ay hindi pa rin nababago. Nakaharap pa rin ito sa malawak niyang lupain na minana niya sa kaniyang mga ninuno.

Isa sa pinakamayamang tao si Celine noong dalaga pa siya. Isa sa pinakamaganda at pinakasikat. Pinipilihan ng mga lalaki, hinahangaan ng mga tao at pinapangarap ng marami. Kaya lamang ay nagbago ang lahat dahil sa isang pagkakamali.

“Siya, Celine. Mauuna na muna ako sa amin at magdedeliver kami ngayon ng asukal sa kabilang baryo. May pera sa kwarto mo. Doon ko inilalagay ang lahat ng kita sa negosyo. Alam ko kasing darating ang araw na ito, ang araw na magiging malaya ka na sa lahat ng akusasyon,” sabi ni Lucy tsaka hinawakan ang mga kamay ni Celine.

“Maraming salamat, Lucy. Utang ko sa’yo ang lahat ng ‘to,” sagot ni Celine at tumango sa babae.

Umikot na muna ang ale sa kaniyang mansyon. Tinanaw ang kaniyang palayan at tsaka lumanghap ng hangin.

Lumipas ang ilang linggo at talagang totoo na nga ang nangyayari sa paligid niya. Totoong malaya na siya mula sa bilangguan.

“Hindi ba ‘yan si Celine na mamat*y tao? Paano nakalaya ‘yan? Nakakatakot naman dito sa lugar natin. Normal na nabubuhay ang mga kriminal,” saad ng babaeng nagtitinda ng baboy sa palengke

“Naku, kahit nga nasa kulungan ‘yan ay hindi man lang nabawasan ang yaman. Kahit matanda na ay mapera pa rin at kahit na nakapat*y ay mapera pa rin!” sagot naman ng isang tindera.

Mas pinili na lang ni Celine ang manahimik at hindi na sumagot sa mga bulungan kahit pa nga pakiramdam niya’y wala na siyang ulo habang naglalakad. Mas pinili na lang niyang umuwi kahit pa nga kulang ang pansahog niya sa kaniyang lulutuin.

“Ale, ale, sandali po,” wika ng isang batang humahabol kay Celine.

“Ano ‘yun, hija?” sagot ni Celine sa bata na nasa siyam na taong gulang na. “Nahulog niyo po ‘yong pitaka niyo,” sabi nito sabay abot sa pitaka ng ale.

“Ay, ganun ba, maraming salamat naman kung ganun. Nasaan nanay mo? Kaya mo bang bumalik mag-isa? Malayo na ang palengke rito,” pahayag ni Celine. “Ayos lang po. Kaya ko namang bumalik pauwi sa amin. Mukha naman po pala kayong mabait. Sabi nila bad person daw po kayo,” wika ng bata sa kaniya.

Bahagyang napangiti si Celine, “Mga bata nga naman ngayon magaling nang mag-English,” isip-isip niya.

“Hindi ka ba natatakot sa akin? Gusto mo bang ilibre kita ng ice cream? Pasasalamat ko na rin dahil binalik mo ang pitaka ko,” alok ng babae sa bata.

Mabilis silang naupo sa isang tabi habang kumakain ng sorbetes. Lihim na natutuwa si Celine dahil hindi niya inaasahang isang bata pa pala ang magiging bago niyang kaibigan o makakausap man lang.

“Sino po ba ‘yong pinat*y niyo? Galit ba kayo sa kaniya kaya niyo ‘yon nagawa?” mabilis na tanong ng bata.

Halos masamid si Celine sa kaniyang narinig at kinalma ang sarili.

“Saan mo naman nalaman ‘yan? Tsaka ano nga pala ang pangalan mo?” tanong ni Celine sa bata.

“Ako nga po pala si Adriana. Dati pa pong kuwento ‘yon dito sa atin. Tsaka kilalang-kilala po kayo. Lagi kayong panakot ng mga nanay sa mga anak nila kapag ayaw makinig sa kanila,” saad ng bata.

“Eh, parang hindi naman po kayo nakakatakot,” dagdag pa nito at tinignan siya ng diretso sa mata.

“Naaalala ko pa nun. Halos mag-iisang buwan nang nilalantakan ng peste ang mga palay namin at kinakain din ang mga mais. Mga dagang bukid. Tapos biglang umugong ang usapang may naligaw na usa dito sa lugar natin,” paliwanag ni Celine sa bata.

“Kaya naman isang gabi ay napagpasyahan kong magbantay ng bukid mula sa veranda namin at kinuha ko rin ang gamit ng pangangaso, ang baril ng aking lolo,” malungkot na wika ni Celine.

“Gusto mo pa bang ituloy ko, hija? O, natatakot ka na at gusto mo nang umuwi?” singit na tanong ng ale. “Nakikinig po ako,” sagot ni Adriana.

“Kaya ayun, naghintay ako buong magdamag. Lalo na nga nung sinabi nilang palagi raw nagpupunta ang usa sa aming palayan. Sakto namang may gumalaw mula sa malayo kaya agad kong itinutok ang baril ko. Sigurado akong usa iyon dahil nakita ko ang sungay niya. Mabilis kong tinutok ng baril sa kinaroroonan ng usa at boom, pinutok ko ito,” saad ng ale at isinalarawan pa niya ang pagbaril.

“Kaso nagulat ako nang mabilis na nakatakbo ang usa. Napasigaw pa ako dahil hindi ko naman pala tinamaan. Pero laking gulat ko nang may lumitaw na isang bata, duguan. Siya ang tinamaan ng baril ko dahil doon pala siya nagtatago. Naglayas daw sa kanila.”

“Pinilit ko siyang itakbo sa ospital pero huli na. Malala ang naging tama ng baril sa bata na siya niyang ikinasawi. Pinagbayaran ko iyon sa loob ng 35 taon sa kulungan pero alam kong hindi pa rin sapat para mapatawad ako ng bata o ng mga tao rito sa atin,” lumuluhang pahayag ni Celine.

“Kung maibabalik lang ng buhay ko ang buhay ng batang iyon ay gagawin ko. Kung nasaan man siya ngayon humihingi ako ng tawad sa kaniya. Kaya nga ako namalengke dahil ngayon ang araw ng kamat*yan niya at nais ko sanang mag-alay ng kaunting pagkain,” dagdag pa nito.

“Pinapatawad na po kayo ng kuya ko,” saad ni Adriana sa ale habang umiiyak ito.

“Ha?” tanong ni Aling Celine.

“Kuya ko po ‘yong nabaril niyo dati at kasama ko rin po siya ngayon. Ayan nga po siya sa harapan niyo, o. Nakangiti,” dagdag pa ni Adriana.

Mabilis na tumindig ang balahibo ni Celine sa sinabi ng bata at mas tumindi pa ito nang maramdaman niyang may malamig na elemento sa kaniyang harapan.

“Sapat na raw ho ang pagsisisi niyo sa kulungan at ang mga dasal na alay niyo para sa kaniya. Pinapatawad na niya po kayo at sana mabuhay na po kayo ngayon ng normal at maging masaya,” dagdag pa ni Adriana.

Napaluha na lang si Celine at tsaka pumikit. Pagdilat niya ng kaniyang mga mata ay kumakaway na palayo si Adriana at may nakita nga siyang kasama nito. Isang imaheng puti na kumakaway rin sa kaniya palayo.

Tila nabunot ang mga tinik sa puso ng ale at nakahinga siya ng maluwag. Buong buhay niyang pinagbayaran ang pagkakamaling nakatapos sa buhay ng batang walang alam at ngayon ay nabigyan siya ng pagkakataong magbago at maging malaya.

Mabilis na umuwi si Celine para magluto at nag-alay siya ng pagkain sa bata. Ngayon ay bumalik siya sa pagpipinta at nabubuhay ng may kapayapaan sa kaniyang puso.

Advertisement