“Alfred, kailangan ko ng pera para sa mga anak mo. Nagkulang ako ng budget ngayon.” Kausap ni Karen ang kaniyang asawang si Alfred sa selpon.
Isang taong mahigit na silang hiwalay at ang usapan nga nila ay susuportahan ni Alfred ang tatlong anak nila. Ngunit ang nakakainis lang ay hindi ito nagbibigay ng kusa. Kailangan pa talagang puntahan o tawagan ito bago magbibigay. Nasa probinsya ang mga anak nila dahil kailangan niyang magtrabaho upang maibigay niya ang mga pangangailangan ng mga anak.
“Pumunta ka sa bahay para makuha ang perang kailangan mo. Hindi ako ang pupunta diyan sa bahay mo para lang ibigay ang pera sa’yo. Ayokong makita ang mga lalaki mo,” wika ni Alfred.
Imbes na patulan ay mahinahong sinagot ni Karen si Alfred. “Ipadala mo na lang, Alfred, kasi pagod ako ngayon at wala ako sa mood bumiyahe,” tugon ni Karen.
“Bakit ka napagod? Nakakapagod na ba ngayon ang magpak*ntot? Kaya hapung-hapo ka ngayon?” buwelta ng lalaki dahilan upang magsitaasan ang kilay ni Karen sa inis. “Anong sinasabi mo! Ano ako p*kpok?”
“Bakit? Hindi ba? Kaya mo nga ako iniputan sa ulo, ‘di ba? Kasi hindi ka marunong makuntento,” wika ni Alfred.
Hindi na niya sinagot ang asawa. Pinatay na niya ang tawag nito at agad na nagbihis upang puntahan ang lalaki sa inuupahan nito. Kung kanina ay wala siyang ganang gumalaw ngayon ay bigla siyang naging masigla.
Naiinis siya dahil tuwing hihingi siya ng sustento rito ay lagi na lamang nitong ibinabalik ang naging kasalanan niya rito noon. Nagawa lang naman niya ang bagay na iyon dahil ang buong akala niya’y may naging kalaguyo ito. Ngunit nang mapatunayan niyang wala naman pala ay buong pagsisisi siyang humingi ng tawad sa asawa na akala niya’y pinatawad siya. Pero mula noon kapag nalalasing si Alfred ay laging nitong ipinamumukha sa kaniya na nakiapid siya sa iba at minsan ay napagbubuhatan pa siya nito ng kamay. Handa naman siyang tiisin ang lahat kaso ito na rin ang kusang kumalas sa kaniya.
“Alfred!” tawag ni Karen sa pangalan nito habang kinakatok ng malakas ang pinto. Nang buksan nito ang pinto ay agad niya itong sinalubong ng sampal. “Ang kapal ng mukha mong sabihin sa’kin na p*kpok ako!”
“Sumugod ka lang dito para sabihin ‘yan sa’kin? Akala ko ba nanghihina ka at wala ka sa mood na bumiyahe. Bakit nandito ka ngayon?” tanong ng lalaki.
“Hindi ako p*kpok! Bakit ba kailangan mong ulit-ulitin sa’kin ang kasalanan ko! Nanghihingi lang naman ako ng sustento para anak natin. Bakit ba ang baba nang tingin mo sa’kin?” wika ni Karen habang panay ang suntok at kurot niya sa asawa. Sobra-sobra na ang inis niya dito kaya wala na siyang pakialam kung nakakaeskandalo na siya sa buong paligid.
“Umuwi ka na, Karen! Huwag mo akong pinapahiya rito,” sambit ni Alfred habang panay ang ilag sa suntok at kurot ni Karen.
Ngunit hindi pa rin ito huminto kaya nainis na si Alfred. Nagdilim ang paningin niya at nasuntok niya si Karen sa kanang bahagi ng mata na agad naman niyang pinagsisihan nang makita niya itong natumba. Lalapitan na sana niya si Karen nang agad siyang itinulak nito at humagulgol nang iyak.
“D*monyo ka talaga! Ipapakulong kita,” wika ni Karen sabay tayo at lakad palayo.
Ipina-barangay ni Karen ang asawa pero hindi pa rin sila nagkasundo kaya umakyat ang kaso sa piskal.
“Ipapakulong ko po ang asawa ko dahil sa pananakit na ginawa niya sa’kin at sa hindi niya kusang pagbigay ng sustento sa tatlong anak namin. Ito po ang ebidensya ng pananakit niya!” turo ni Karen sa black eye na natamo niya. “Bukod po doon kapag hinihingian ko siya ng sustento ay lagi niyang sinasabi sa’kin na p*kpok daw po ako,” mangiyak-iyak na wika pa nito.
“Hindi ko intensyon na saktan ka, Karen, alam mo iyan. Sumusobra ka na kasi sa pananakit mo sa’kin, pisikal man o emosyonal. Sinuntok mo ako at ipinahiya sa ibang tao. Lalaki ako pero tao rin ako, Karen! Nasasaktan! Wala kang respeto sa’kin. Sabagay kailan ka nga ba nagkaroon ng respeto sa’kin?” depensa ni Alfred.
“Lolokohin mo ba ako kung nirerespeto mo ako bilang asawa mo? Pinatawad kita kahit nanlalaki ka pero hindi ko na nakayanan ang ugali mo. Masyado kang mapagmataas porke’t isa lamang akong hamak na construction worker. Pinatawad na nga kita kahit nagkalamat ang relasyon natin dahil sa panlolokong ginawa mo. Pero pakiramdam ko ay patuloy mo pa rin akong niloloko dahil tinatago mo sa’kin ang selpon mo.” pagpapatuloy ng lalaki.
“Hindi ka naging transparent sa’kin, Karen. Kaya sabihin mo sa’kin kung paanong hindi kita matatawag na p*kpok kung bago pa tayo naging magkasintahan ay marami na akong naririnig na mga ‘di kaaya-ayang kuwento tungkol sa’yo,” mahabang wika ni Alfred.
“Wala po akong alam sa batas pero alam ko po na malaki ang kasalanan ko sa kaniya dahil nasuntok ko siya at may ebidensiya siya sa pananakit ko sa kaniya na labis ko namang pinagsisisihan,” saad pa ng lalaki.
Humihingi ako ng kapatawaran sa kaniya at handa po akong makulong kung iyon ang magiging hatol niyo sa’kin. Pero hanggang doon lang ang hinihingi kong tawad sa asawa ko dahil kung tutuusin ay mas marami pong pananakit na ginawa sa’kin si Karen. Wala nga lang akong hawak na ebidensiya para patunayan iyon,” nakayukong dugtong ni Alfred dahilan upang matahimik si Karen.
Dahil pareho naman silang may kasalanan ay iminungkahi na lamang ng hurado na sila na lamang ang mag-ayos ng kanilang gusot imbes na ituloy ang kaso sa korte para na rin sa kanilang mga anak. Pinayuhan din sila na kung hindi na sila masaya sa kanilang pagsasama ay mag-file na lang sila ng annulment of marriage.
Noong araw ding iyon ay isang kasunduan ang nabuo sa pagitan ng mag-asawa. Ayon sa kasunduang kanilang pinirmahan ay kusang magbibigay ng sustento si Alfred sa tatlo nilang anak at hindi ipagdadamot ni Karen na makasama ni Alfred ang kanilang mga anak. Naging magaan ang lahat dahil sa kasunduang iyon at tuluyan nang natuldukan ang relasyon ng mag-asawa dahil napagdesisyunan din nilang maghiwalay na ng landas.
Kapag ang babae ay pisikal na sinaktan ng lalaki isa na iyong napakalaking kasalanan. Pero minsan din kasi ay sumusobra na ang babae kaya napapatulan na ito ng lalaki. Respetuhin natin ang ating mga asawa. Pare-pareho lang tayong mga tao. Kung nasasaktan ka malamang ay nasasaktan din sila.