Lahat nang pag-uunawa ay ibinigay niya sa kaniyang asawang seaman. Kapag sinabi nitong maliit lang muna ang ipapadala nito dahil magpapadala pa ito sa kaniyang pamilya ay lagi niya itong inuunawa kahit na minsan ay naiinis na siya kasi ang pakiramdam niya ay hindi sila prioridad ng asawa. Pumapangalawa lamang sila ng kaniyang mga anak.
“Marie, hindi mo na ako magpapadala ngayon sa inyo, ah, kasi bibilhan ko muna ng tricycle sina mama at papa. Kailangan kasi nila, eh,” wika ni Daniel sa kabilang linya.
“Pero paano naman kami ng mga anak mo? Alam mo naman na pinapadede ko pa si bunso,” reklamo ni Marie. Kapag hindi ito nagpadala ng pera si Daniel ay mapipilitan si Marie na bawasan ang iniipon niyang pera para sa pagpapatayo ng kanilang bahay.
Ang isa pang ikinakatampo ng babae sa kaniyang asawa ay mas inuna pa nitong patayuan ng bahay ang dalawang kapatid kaysa sa kanila. Asawa siya at kasal sila pero ang binili nilang lupa na patatayuan sana nila ng kanilang bahay ay napunta sa kaniyang mga biyenan. Nais man niyang pumalag pero hindi niya ginawa dahil ayaw niyang isipin ng pamilya nito na pera lang ang habol niya sa kaniya.
Sa bente mil na ipinapadala ng asawa kada buwan singko mil ang agad na itinatabi ni Marie para sa pagpapatayo nila ng sariling bahay. Nakikitira pa rin kasi sila ng mga anak niya sa bahay ng kaniyang mga magulang dahil ayaw niyang tumira sa kaniyang biyenan. Mababa kasi ang tingin ng mga ito sa kaniya. Palibhasa ay hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo.
“Manghiram ka na lang muna sa mama at papa mo, Marie. Magkukulang talaga ako sa budget ngayon. Babayaran ko na lang sa next sahod,” saad ni Daniel.
“Lagi mo na lang sinasabi iyan sa’kin, Daniel, pero hindi mo naman binabayaran ang mga magulang ko. Alam mo naman na sakto lang din ang pera nina mama at papa kaya nahihiya na akong manghingi sa kanila,” tugon ng babae.
“Anong gagawin ko, Marie?” desperadong sambit ni Daniel.
“Pamilya mo lang ba ang obligasyon mo? Paano naman kami ng mga anak mo?” may halong panunumbat na wika ni Marie.
“Napag-usapan na natin ito, ‘di ba? Tutulong ako sa pamilya ko,” wika ng lalaki.
“Hindi pa ba sapat ang lahat nang naitulong mo sa kanila? Napatayuan mo na ang mga magulang mo ng bahay. Ang dalawa mong kapatid ay may sariling bahay na rin. Tapos kami ng mga anak mo hanggang ngayon nakikitira pa rin sa mga magulang ko. Hanggang kailan ka ba tutulong sa pamiliya mo at isasantabi kami ng mga anak mo?” reklamo ng babae.
Laging inuunawa ni Marie ang asawa pero ngayon ay nahihirapan na siyang unawain ito.
“Bakit parang lumalabas ngayon, Marie, na pera lang ang habol mo sa’kin?” wika ni Daniel na lalong nagpagalit kay Marie.
“Ngayon lang siya nagreklamo sa loob ng pitong taong pagsasama nila tapos sasabihin nitong pera lang ang habol niya. Kaya ba hindi nito ipinagkakatiwala sa kaniya ang titulo ng kanilang lupa at budget lang ang perang ipinapadala nito sa kaniya ay dahil iniisip nitong pera lang ang habol niya?” isip-isip ni Marie.
“Kung pera lang ang habol ko sa’yo, Daniel, hindi kita pagtiyatiyagaan. Kung tutuusin ay wala naman akong napapala sa’yo! Seaman ka pero kaming pamilya mo wala pang sariling bahay. Ang lupa natin nasa nanay mo. Anong kakamkamin kong pera sa’yo? Iyong pinapadala mong bente mil kada buwan? Para nga lang iyon sa mga anak mo at halos wala nang natitira para sa’kin. Narinig mo ba akong nagreklamo? Tapos ngayon malalaman kong pinagdududahan mo pala ako? Bakit mo pa ko pinakasalan?” naiinis na saad ni Marie.
“Sa mga sinasabi mo kasi…” mahinang wika ni Daniel.
“Nagrereklamo ako dahil lagi mo na lang inuuna ang pamilya mo na para bang wala ka pang sariling pamilya! Isipin mo rin kami, Daniel. Ang mga kapatid mo isang hingi lang sa’yo nanginginig ka kaagad pero kami ng mga anak mo wala kang paki kahit magutom kami! Alam mong wala akong trabaho kasi mas gusto kong alagaan ang mga anak natin pero ang mga kapatid mo malalaki na at may mga trabaho at sahod pero mas inuuna mo sila. Napakawalang kwentang mong asawa at ama! Sige lang. Unahin mo sila. Pamilya mo sila at hindi ka nila peperahan. Hindi katulad kong sampid lang!” sigaw ni Marie. Hindi na niya hinintay pa ang sagot ng asawa. Pinutol na niya agad ang tawag.
Kung magpapadala si Daniel ng pera, salamat. Kung hindi naman ay salamat pa rin. Nakakasawa nang umasa sa taong may duda kung saan mo ginagamit ang pera nito. Hahanap na lang siya ng ibang paraan para matustusan ang mga pangangailangan ng dalawang anak.
Nagpapadala pa rin ng pera si Daniel matapos ng kanilang matinding pagtatalo sa telepono pero hindi na ito tumatawag at hindi din gumawa ng paraan si Marie para makausap pa ito.
Makalipas ang anim na buwan ay bigla na lang sumulpot si Daniel sa harapan ng kanilang bahay.
“Sorry, Marie, alam kong ako ang nagkamali. Sana mapatawad mo pa ko. Naisip kong tama ka. Wala nga siguro akong kwentang asawa at ama kasi mas inuuna ko sila kaysa sa inyo. Pangako simula ngayon mas uunahin ko muna ang kapakanan ng sarili kong pamilya bago ang kapakanan nila. Sana mapatawad mo pa ko,” malungkot na wika ni Daniel.
Sa labis na pangungulila at sayang nararamdaman na muling makita ang asawa ay hindi na nakapagsalita pa si Marie. Sa halip ay niyakap na lang niya ang asawa. Asawa niya si Daniel at kahit anong mangyari ay patuloy niya itong mamahalin. Nangako siya na kahit ilang beses pa siyang masaktan ng asawa ay paulit-ulit niya pa rin itong patatawarin. Kaya kahit hindi pa man ito nakakahingi ng kapatawaran ay matagal na niya itong napatawad.
Matapos nilang mag-usap at magkapatawaran ay ipinaalam ni Daniel sa kaniyang pamilya na mas prioridad na niya ngayon ang kaniyang asawa at mga anak. Walang paglagyan ang sayang nararamdaman ni Marie. Kung hindi pa siya nagreklamo ay hindi pa matatauhan ang asawa niya sa pagbabalewala nito sa kanila. Kailangan mo rin palang pumalag minsan para malaman nilang hindi ka laging maunawain at mabait.
Sumakay ulit ng barko si Daniel at simula noon ay hindi na ito pumapalya sa pagpapadala ng pera sa asawa. Hindi rin naman ito tumigil sa pagtulong sa kaniyang mga magulang pero hindi na katulad dati dahil mas inuuna na ni Daniel ang kaniyang asawa at mga anak.