Tatlong taong gulang pa lang si Irish nang umalis ang mama nila upang makipagsapalaran sa ibang bansa. Ang tatay nilang si Nonoy ang naatasang mag-alaga sa kanilang limang magkakapatid.
Pangalawa sa bunso si Irish kaya hindi katakataka kung pati ang kanilang bunsong si Iya ay nakalimutan na rin ang kanilang mama. Bente tres anyos na si Irish ngayon habang si Iya ay bente anyos na. Ang panganay naman nilang si Ino ay bente syete anyos habang ang dalawang babae pa niyang kapatid ay bente sais at bente kwarto. Oo, masipag kasing gumawa ang mga magulang nila kaya hindi nagkakalayo ang edad nilang magkakapatid.
Mula nang umalis ang mama nila at nag-abroad ay lima o anim na buwan lamang itong nagparamdam sa kanila at dalawang beses lang yata nakapagpadala ng pera. Maliban doon ay wala na silang balita pa rito magpasa hanggang ngayon. Malaki ang pasasalamat nilang magkakapatid sa papa nila dahil hindi sila nito pinabayaan.
Ngunit isang araw ay may biglang tumawag sa selpon ng kuya ni Irish, isang roaming number. Natataranta naman itong sinagot ng kaniyang Kuya Ino.
“Hello,” kausap nito sa ‘di kilalang tumatawag.
“Hello, ito na ba si Ino?” tanong ng isang boses ng babae. “Opo, ito nga po,” nagtatakang sagot ng kaniyang kuya.
“Ino, ako ito. Si mama niyo. Si Belinda. Naaalala niyo pa ba ako?” tanong nito na sabay-sabay namang sinagot ng mga kapatid ni Irish maliban kay Iya. “Miss na miss ko na kayo, mga anak.” Hindi man nila nakikita ang mukha ng ina ay alam nilang umiiyak ito dahil sa pumipiyok nitong boses habang kausap sila.
“Mama, ang tagal po namin kayong hinintay. Miss na miss na rin po namin kayo, mama,” umiiyak na wika ng tatlo.
Walang maramdamang emosyon si Irish. Manhid na siguro siya. Hindi niya na kasi matandaan ang ina dahil sa matagal na panahon itong nawala.
Kasalukuyang nasa NAIA Airport ang magkakapatid upang sunduin ang kanilang mama. Hindi sumama ang kanilang papa dahil hindi ito pinayagang lumiban sa trabaho. Hindi sana sasama si Irish kaya lang ay pinagalitan siya ng kaniyang Kuya Ino.
Mayamaya ay nakita na ng mga kapatid ni Irish na papalapit na ang kanilang mama. Nasasabik na nagtatatalon ang mga ito at agad na nagyakapan maliban sa kanilang dalawa ni Iya na nanatiling nakatayo sa gilid habang pinagmamasdan ang mga ito.
“Ikaw na ba si Irish at ito na ba si Iya?” tanong ni Belinda na agad namang tinanguan ni Irish kaya agad silang hinapit nito at mahigpit na niyakap. Iaangat na rin sana ni Irish ang kaniyang mga braso upang yakapin ang ina nang may tumawag dito.
“Mama, bakit mo ko iniwan?” wika ng isang lalaking mukhang Hapon at halos ka-edad lang ni Iya. Lumapit ito sa puwesto nila at ipinakilala ng kanilang ina. “Mga anak ito nga pala si Akiro ang bunso niyong kapatid.”
Kulang ang salitang shock para ilarawan ang nararamdaman ni Irish ngayon. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang nararamdaman niya para sa sariling ina.
Magiliw na binati ng magkakapatid si Akiro maliban kay Irish.
“Ito ang katotohanan. Nag-abroad ang mama nila hindi para mapaganda ang buhay nila kung ‘di para mapaganda ang sarili nitong buhay!” Dahil sa naisip ay nakaramdam ng galit si Irish sa kaniyang ina.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Masaya ang lahat dahil pakiramdam ng mga ito ay buo na ulit sila pero hindi iyon ang nararamdaman ni Irish. Hindi siya masayang makita ulit ang mama nilang pinabayaan sila nang halos dalawampu’t taon.
“Irish, halika na sabay-sabay na tayong kumain,” yaya ni Belinda. “Mauna na po kayo. Mamaya na ako kakain,” sagot ng dalaga na hindi man lang tinatapunan ng tingin ang ina.
“Irish, napapansin ko ang layu-layo ng loob mo sa’kin. Hindi katulad ng mga kapatid mong nakikita kong masaya sila dahil nakita nila ako,” sita ni Belinda.
“Hindi naman po. Busy lang talaga ako, ma,” nahihirapang sambit ni Irish sa salitang “mama.”
“Pero hindi iyan ang nakikita ko, anak. Pakiramdam ko ay ayaw mong nandito ako. Mag-usap tayo, anak. Sabihin mo kung anong gusto mong gawin ko,” mahinahong sambit ni Belinda sabay hawak ng braso ni Irish na agad naman nitong iniwas.
“Okay lang po talaga ako,” sagot ni Irish. Ayaw niyang magsalita pa dahil baka makapagbitiw siya ng mga salitang hindi niya dapat sabihin.
“Ayaw mo bang nandito ako, Irish? Gusto mo bang umuwi na lang ulit kami ng Japan ni Akiro?” muling sambit ni Belinda.
“Nasaan ka nung kinailangan namin ng mga kapatid ko ng ina? Nasaan ka noong panahong hirap na hirap si papa na alagaan kami? Tapos ngayon babalik ka na parang walang nangyari? Babalik ka at gusto mong maging masaya kami kasi at least nakita ka namin? Salamat, ma. Maraming salamat kasi kahit papaano ay naaalala niyo pa rin kami. Ilang taon ka lang namang hindi nagparamdam, kahit tawag lang. Tapos tumawag ka isang araw para sabihing maging masaya kayo dahil nandito na si mama. Kailan ka ba naging ina sa’ming lima?” sumbat ni Irish.
Talagang naubos ni Belinda ang pasensya ni Irish.
“Bahala po kayo sa buhay niyo. Ano bang inaasahan mo? Maging normal ang lahat kagaya ng pakikitungo nila sa inyo? Bente tres na po ako ngayon samantalang tres anyos lang ako nung iniwan mo kami. Nasaan ka sa nakalipas na benteng taon? Nasa Japan. Nagpapakasarap at muling nag-asawa kaya ngayon may bibit kang anak.”
Tahimik ang lahat at walang may lakas ng loob na magsalita. Tanging hagulgol lamang ng mama nila ang maririnig.
“Bumalik ka ng Japan. Sanay naman kaming wala ka,” dagdag pa ni Irish tsaka nilampasan ang kaniyang ina.
Lumipas ang dalawang linggo. Hindi na muling kinulit ni Belinda si Irish. Kakausapin lang niya ito kapag kakain na at kapag may kailangan siyang gawin. Hindi na nito pinipilit ang gusto nitong mangyari kaya bahagyang nagulat si Irish nang kinatok nito ang pintuan ng kaniyang silid.
“Puwede ba akong pumasok, Irish?” paalam ng ina. “Sige po.”
Isang malalim na buntong-hininga muna ang pinakawalan ni Belinda bago nagsalita. “Irish, nandito ako para humingi ng tawad sa’yo. Alam mo ang totoo niyan nag-abroad talaga ako para maiahon ang pamilya natin sa hirap. Iyon talaga ang bitbit ko noong nagdesisyon akong lumayo sa inyo,” nagsisimula nang umiyak ang ina ng dalaga.
Ayaw ni Irish na tignan ito dahil baka pati siya ay maiyak na rin.
“Sobrang hirap ‘yong dinanas ko doon. Naloko kasi ako ng recruitment agency. Akala ko magandang kinabukasan na ang naghihintay sa’kin ngunit hindi pala. Matapos ang anim na buwan kong pagtatrabaho sa factory tsaka ko lang nalaman na peke pala ang visa na ibinigay nila sa’kin. Tourist lang pala ako sa lugar na iyon at pinapa-deport na ko sa Pinas,” malungkot na saad ni Belinda.
“Ayokong umuwi noon kasi wala pa akong naiipon. Magiging walang silbi ang lahat kapag umuwi ako kaya tumakas ako at nagtago hanggang sa nakilala ko ang papa ni Akiro. Tinulungan niya ako at naging citizen ako ng Japan. Ang akala ko ay magiging maayos na ang lahat ngunit nam*tay si Washi at sinabi nang pamilya niyang nilason ko ang asawa ko para kamkamin ang yaman nito. Hindi ko alam na buntis na pala ako nung mga panahong iyon. Nakulong ako. Nanganak sa kulungan kaya lumaki si Akiro sa kulungan. Noong nakaraang taon ko lang napatunayan na inosente ako kaya nila ako pinalabas at ibinigay sa’min ang naiwang kayamanan ni Washi,” pagpapatuloy ng babae.
“Patawarin mo ako, anak, kung hindi ako naging ina sa inyo. Hindi naging madali ang buhay namin ni Akiro sa Japan. Wala siyang kasalanan pero pati siya’y nakakulong. Wala naman kasing puwedeng kumupkop sa kaniya kaya nagtiis kaming dalawa sa kulungan. Noong edad kinse na siya ay tsaka lang siya pinalabas at mas lalo akong nag-alala kasi baka kung anong mangyari sa kaniya. Pero may awa ang Diyos. Hindi siya napahamak at napatunayan kong inosente ako,” humahagulgol nitong wika.
Kanina pa umiiyak si Irish dahil sa inamin ng kaniyang ina kaya hindi na siya nagsalita pa sa halip ay niyakap niya ito nang mahigpit.
“Sorry, ma. Hindi ko alam ang nangyari sa inyo. Sorry po talaga, ma,” umiiyak na wika ni Irish habang yakap-yakap ang kaniyang ina.
“Okay lang, anak. Naiintindihan kita. Patawad, anak. Sana mapatawad mo pa ako. Magsimula ulit tayo. Pangako babawi ako. Babawi ako sa lahat ng pagkukulang ko sa inyo,” wika ni Belinda.
Kung ang akala ni Irish ay sila lang ang nahirapan ay nagkakamali siya dahil mas nahirapan ang kaniyang mama sa banyagang bansa.
Minsan ang akala natin ay pinabayaan at kinalimutan na tayo ng ating mga magulang. Hindi natin alam na may mga isinakripisyo sila para sa’tin. Nararapat lamang na mahalin natin sila. Palagi nating iparamdam sa kanilang kung gaano sila kahalaga sa ating mga buhay.