“Karlo! Nakita mo ba ‘yung dalawang daang piso dito sa ilalim ng unan ko? Pambili ko iyon ng uniform ng anak mo, eh,” tanong ni Auring sa asawang kakagising lamang.
“Wala akong nakita. Tsaka kakagising ko lang ako agad ang pinagbibintangan mo. Hanapin mong maigi. Baka naman nalaglag lang diyan sa ilalim ng kama,” inis na sagot ng lalaki tsaka ipinikit muli ang kaniyang mata.
“Hindi naman kita pinagbibintangan. Tinatanong ko lang baka sakaling nakita mo. Kanina ko pa kasi hinahanap pagkagising ko kaso wala talaga, eh. Hinanap ko na rin sa ilalim ng kama. Winalis ko na nga, eh. Ang nakita ko lang ay isang lighter. Sa’yo ba iyon? Naninigarilyo ka na naman ba?” pag-uusisa pa ng ginang dahilan para mapaupo ng wala sa oras ang lalaki upang depensahan ang sarili.
“Diyos ko, naman, mahal. Lahat na lang ibinintang mo sa akin. Matagal na akong tumigil sa paninigarilyo, ‘di ba? Baka dati pa ‘yan nandiyan. Ngayon ka na lang kasi ulit nakapagwalis sa ilalim ng kama,” saad ng lalaki tsaka humiga muli. Nagtalukbong pa ito ng kumot. Tila naiinis na siya sa asawa.
“Sigurado ka, ha? O, sige, bumangon ka na diyan. Tulungan mo akong maghanap. Kapag hindi natin iyon nahanap mapipilitan akong mangutang ulit. Kailangan na iyon ng anak mo bukas,” utos naman ng ginang. Wala namang nagawa si Karlo kung ‘di bumuntong-hininga at tuluyan nang bumangon.
“Sige, may sideline naman ako mamaya. Mababayaran natin iyon,” sagot ni Karlo tsaka tinulungang magtiklop ng kumot ang asawa.
Matagal ng kasal ang dalawa. Mayroon na rin silang isang anak na lalaki na kasalukuyan ng nasa kolehiyo kaya naman todo kayod ang mag-asawa upang matustusan ang pangangailangan ng anak. Ngunit tila sinubok sila ng tadhana dahil natanggal sa trabaho si Karlo. Nalugi pa ang maliit na negosyo ni Auring dahilan upang magkanda utang-utang sila.
Masyadong nawindang ang lalaki sa pagsubok na ito. Kung anu-anong paraan ang ginawa niya upang makabangon at maitaguyod ang pamilya pero palagi pa rin siyang bumabagsak. Bukod tanging ang sideline niya ngayon ang unti-unting nagpapa-angat sa kanila para magkaroon ng sapat na perang pangkain nila na lingid sa kaalaman ng kaniyang asawa.
“Karlo, saan nga pala ang sideline mo mamaya? Gagabihin ka ba ulit ng uwi?” tanong ni Auring sa nagsasapatos na asawa. “Ah, eh, basta kinuha akong delivery boy nung kaibigan ko. Baka madaling araw akong makauwi,” naiilang na sagot ni Karlo.
“O, sige. Mag-ingat ka, ha,” sambit ni Auring bago tuluyang makaalis ang asawa.
Lumipas ang maghapon na hindi nagparamdam ang lalaki. Nag-aalala ang ginang dahil kadalasan pagdating nito sa trabaho o kapag break time ay nagtetext ito o tumatawag pero ngayon ay tila tahimik ang kaniyang selpon.
Mayamaya ay nagulat na lamang si Auring nang biglang dumating ang kaniyang anak. Pawis na pawis ito. Halatang tumakbo pauwi. Maluha-luha rin ito dahilan para mapatayo siya sa kinauupuan.
“O, anak, bakit? Anong nangyari sa’yo? Bakit pawis na pawis ka?” natatarantang pag-uusisa ng ginang tsaka kumuha ng tuwalya upang punasan ang anak.
“Mama, si papa kasama doon sa mga dinampot ng pulis kanina sa likod ng school namin. Kitang-kita ko kung paano siya pinagsisipa ng mga pulis dahil nanlalaban siya,” hikbi ng binata. Napatigil si Auring sa mga narinig mula sa anak.
“Bakit siya dinampot? Wala namang masamang ginagawa ang tatay mo!” sagot ng ginang. Naiinis na ito.
“Mama, isa raw sa mga nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot si papa,” tuluyan nang umiyak ang binata kasabay nito ang pagluhod ng ginang. Nanlalambot na siya sa mga naririnig.
Hindi makapaniwala si Auring na magagawa iyon ng asawa niya. Ngayon niya napagdugtung-dugtong ang mga nangyayari. Malimit na nawawala ang pera niya pero kinabukasan ay may malaking halaga na kaagad sila mula sa asawa. Halos mag-uumaga na ito palagi kung umuwi at higit sa lahat ang lighter na nakita niya sa ilalim ng kama nila. Wala siyang magawa kung ‘di ang maiyak na lamang. Dahil sa hirap ng buhay nila ay kumapit na sa patalim ang asawa niya.
Nang mahimasmasan ay pumunta sila ng anak niya sa estasyon ng pulis. Doon nila nakita si Karlo na nakayuko sa loob ng selda. Nilapitan ito ni Auring at agad siyang niyakap ng asawa.
“Pasensya ka na, mahal. Sa kagustuhan kong makaraos tayo sa buhay mas lalo pa kitang naperwisyo,” iyak ni Karlo. Naiyak na lang rin ang ginang sa mga nasasaksihan.
“Pangako kapag nakalaya na ko dito magbabagong buhay na ako para sa inyo ng binata natin. Hindi tama na ganitong ehemplo ng tatay ang nasasaksihan niya. Pasensya na kayo. Ngayon ko lang napagtanto ang lahat. Nakain na ng gamot ang utak ko,” pag-amin ni Karlo dahilan kaya labis pang umiyak ang ginang.
Hindi man nila nagawang mapiyansahan ang lalaki, ginawa na lamang ni Auring ang lahat para may panggastos pa rin sila ng anak habang nasa kulungan ang asawa.
Lahat ng ating ginagawa ay may kaakibat na karma o responsibilidad. Nawa’y kahit pa subukin tayo ng buhay huwag sana tayong gagawa ng mga bagay na mas makakapagpalala pa ng ating problema.