Inday TrendingInday Trending
Kalokohang Nadulot ng ‘Di Malilimutang Aral

Kalokohang Nadulot ng ‘Di Malilimutang Aral

“O, Dudoy, mamayang gabi dito ka magtatago sa likod ng pintuan, ha. Tapos ako naman doon sa ilalim ng lamesa. Mas epektibo kung may makeup pa tayo sa mukha para matakot talaga natin si Frank.” Plano ni Simon habang ipinapakita kung ano ang gagawin ng kaibigan sa plano nilang pananakot.

“Eh, mas gusto kong dito ako sa lamesa magtatago para mahihila ko ang paa niya. Naku, sigurado ako lalabas ang tunay na pagkatao ng pamintang iyon,” alma ni Dudoy tsaka bahagyang napatawa sa kalokohang iniisip.

“O sige, palit na tayo. Basta mamayang gabi yayain mo siyang pumunta ulit dito sa tambayan, ha. Gawin mo ang lahat ng paraan para mapapunta mo siya dito kung hindi ay malalagot ka sa’kin,” banta pa ni Simon tsaka akmang kakaltukan ang kaibigan.

“Oo naman, ano. Matagal ko na ring gustong malaman ang katotohan sa pagkatao niya. Ayaw pa kasing umamin halata naman sa pagtilansik ng beywang niya kapag naglalakad,” inis na sambit ni Dudoy.

“O, tama na. Mamaya naman malalaman na natin,” saad ni Simon nang bigla niyang napansin na paparating na ang pinagpaplanuhan nilang kaibigan. “Sandali. Parating na siya,” bulong nito.

“Anong pinag-uusapan niyo? Hindi niyo na naman ako sinasama, ha.” biro ni Frank sabay balya sa braso ng mga kaibigan.

“Wala. ‘Yung gagawin lang namin mamayang gabi. Gusto mo bang sumama? Mag-iinuman kami dito,” pagpapalusot naman ni Simon.

“Ah, sige. Wala naman akong gagawin mamaya, eh,” sagot ni Frank.

Nagyaya nang umuwi sina Dudoy at Simon. May kailangan pa raw kasi silang tapusin bago mapayagang uminom ng mga magulang.

Magkaklase sa kolehiyo ang mga binata. Mapapalapit na sana sila sa isa’t isa nang mapansin nina Dudoy at Simon ang kakaibang kilos ni Frank dahilan para umiwas ang dalawa sa kaibigan.

Madalas nilang tinatanong si Frank hingil sa tunay nitong kasarian pero panay “Lalaki ako.” lang ang sinasagot nito. Hindi kontento ang dalawa sa sagot ng binata dahil malakas ang pakiramdam nila na babae ang puso nito kaya naman upang malaman ang katotohanan ay tatakutin nila ito.

“Kapag tumili iyon confirmed na, ha. Umiwas na tayo sa kaniya. Baka mamaya pinagnanasahan na niya tayo. Panay pa naman ang hawak nun sa braso ko. Akbay pa nang akbay,” sambit ni Simon habang naglalagay ng makeup sa kaniyang mukha. Patawa-tawa lang naman si Dugoy habang abala rin ito sa pagpapaputi ng mukha.

Ganap na alas siyete ng gabi nang pumunta ang dalawa sa nasabing tambayan. Isinuot nila ang kanilang mga dalang puting mahahabang damit. May belo pa nga silang dala. Tuwang-tuwa silang naghihintay sa pagdating ng binata. Tinawagan na rin nila ito para sabihin na siya na lang ang hindi pa dumadating.

Maga-alas otso nang dumating si Frank. Nagtataka siya kung bakit tila walang tao sa kanilang tambayan. Hindi pa nakabukas ang mga ilaw. Naalala niya ang mga kuwento ng kaibigan na ang lugar daw na iyon ay dating sementeryo. Nagsimula nang magtaasan ang kaniyang mga balahibo sa takot at kaba ngunit pinilit niya pa ring pumasok.

“Simon? Dudoy? Nandito na ba kayo?” tawag ng binata habang naglalakad papasok.

Paglagpas niya sa isang lamesa ay biglang may humawak sa kaniyang paa. Bumagsak siya sa sahig. Nung liningon niya ang nilalang na humahawak sa kaniya ay isang puting imahe na pulang-pula ang mga mata ang kaniyang nakita. Pilit siyang nagpumiglas dito at nung patayo na siya ay tumambad naman sa kaniya ang isang nakatayong babae na nakasuot ng belo dahilan para tumili siya nang malakas. Mabilis siyang tumakbo palabas. Naiwan namang nagtatawanan ang kaniyang mga kaibigan.

“Confirmed!” sabay nilang sigaw tsaka sila naghagalpakan sa tawa.

Mayamaya pa ay naisip nilang sundan ang binata para kanchawan. Ngunit nakita nila itong nakabulagta na sa semento. “Frank!” sigaw ng dalawa.

Agad nila itong binuhat at dinala sa ospital. Tinawagan na rin nila ang mga magulang nito dahil tila kinakapos ng hininga ang binata.

Sa kabutihang palad naman ay umayos na ang paghinga ng binata. Ang sabi ng nurse ay labis daw itong natakot at inatake ng hika. Dumating naman mayamaya ang mga magulang ng binata. Ikinumpisal ng dalawa kung ano ang kanilang ginawa na naging dahilan kung bakit ito hinika.

“Mga bata talaga kayo! Hindi niyo iniisip kung may mapeperwisyo kayo! Puro kalokohan lang ang nasa isip niyo! Bakit niyo ba kasi siya tinakot ng ganoon? May trauma siya sa dilim!” sermon ng nanay ni Frank.

“Gusto lang po kasi naming malaman kung may pusong babae siya,” nakatungong amin ni Simon na nagpainit talaga ng ulo ng ginang.

“Diyos ko naman! Pati ba naman kayo naghihinala sa anak ko? Tignan niyo nga ang tatay niya, ‘di ba malambot rin? Pero lalaki siya! Sadyang ganiyan lang siya kumilos, mahinhin,” paliwanag ng ina ni Frank. Napahiya ang dalawa dahil nung nilingon nila ang tatay ng kaibigan ay napatunayan nilang totoo nga ang sinabi ng ginang, mahinhin din ito tulad ni Frank.

“Pasensya na po kayo. Hayaan niyo po mag-aambag po kami sa bayarin ni Frank dito,” alok ni Dudoy. Hiyang-hiya ang dalawa dahil sa ginawa nilang kalokohan. Walang nagawa ang ginang kung ‘di ang mapabuntong-hininga na lang.

“Dapat ay hindi kayo agad nanghuhusga ng tao dahil lahat ng tao ay may kaniya-kaniyang kuwento,” dagdag ng nanay ni Frank. Nakatungo lang ang mga binata tsaka muling humingi ng tawad.

Simula nung araw na iyon ay tinanggap na ng dalawang binata na ganoon lang talaga kumilos ang kanilang kaibigan. Humingi sila ng tawad kay Frank at nangako silang hindi na ito mauulit. Agad naman silang pinatawad ng binata. Para makabawi sa kaibigan ay mas lalo pa nilang itong pinakisamahan ng mabuti.

Kahit saan banda mo tingnan mali ang manghusga ng iyong kapwa lalo na kung hindi mo naman talaga alam ang tunay nilang pagkato.

Advertisement