“Hoy, Richard, ikaw ba ‘yan?” tanong ni Diether sa isang payasong nag-aayos ng kaniyang mga gamit sa isang gilid malapit sa entabladong pagtatanghalan nito mamaya.
“Aba, dre, paano mo ako nakilala?” tanong ni Richard saka kinamayan ang matalik niyang kaibigan noong nasa kolehiyo pa lamang sila.
“Maaari ko bang hindi makilala ang boses mo? Eh, halos araw-araw noon, magkasama tayo!” tugon nito saka naupo sa kaniyang tabi’t pinakialaman ang ilan sa kaniyang mga gamit.
“Naku, namiss ko ang matatamis na sandali noong nasa kolehiyo tayo!” sambit niya saka bahagyang sumandal sa kaniyang inuupuan at napatingin sa kisame.
“Teka, ano bang nangyari sa’yo at bumagsak ka sa pagiging clown?” pang-uusisa nito dahilan upang mapaisip siya’t mapatigil.
“Magsisimula na po ang programa paglipas ng limang minuto,” ‘ika ng tagapamahala ng programa dahilan upang magkaroon siya ng rason upang makaiwas sa katanungan ng kaniyang matalik na kaibigan.
“Kwentuhan kita mamaya, magsisimula na ang programa, eh, nag-aabang na ang mga bata, saglit lang at maghahanda na ako!” paalam niya rito saka niya agad na binitbit ang kaniyang mga gamit at nagtungo sa likuran ng entablado, “Buti na lang,” buntong hininga niya.
Nagtatrabaho bilang isang payaso o clown si Richard. Hanggang ngayon, nasa puso niya pa rin ang labis na pagsisisi sa kaniyang kamalian noong nasa kolehiyo pa siya dahilan upang bumagsak siya sa pagiging payaso kahit pa nakatungtong siya ng kolehiyo.
Hindi niya nagawang makapagtapos nang dahil sa isang balitang natanggap niya, limang buwan bago ang kanilang pagtatapos.
Bigla kasing tumawag ang dati niyang nobya’t binalitang nabuntis niya raw ito at kasalukuyang sinasaktan ng tatay nito. Agad niya itong pinuntahan sa probinsya nito at pagdating niya doon, hindi na siya hinayaang makaalis ng pamilya nito.
“Pangako, paninindigan ko po ang anak niyo, hayaan niyo lang po muna akong makapagtapos ng pag-aaral, limang buwan na lang naman po at makakapagtapos na po ako,” sambit niya ngunit ayaw pumayag ng mga ito, dahilan nila, hindi raw magagawang makapagtapos ng kanilang anak kaya dapat, hindi rin siya makapatapos dahil sa kanilang kalokohan. Nararapat daw pagbayaran nila ito pareho.
Labag man sa loob niya ang manatili sa probinsyang ‘yon dahil nais niyang makapagtapos at magkaroon ng magandang trabaho, pinili niyang sumama sa naturang dalaga upang huwag na itong saktan ng kaniyang ama at doon na siya nagsimulang maghanap ng trabaho.
Sakto namang naghahanap ng makakasama ang isa sa mga pinsan ng dalaga sa isang pagdiriwang bilang isang payaso. Noong una’y ayaw niya itong tanggapin ngunit nang mapag-isip-isip niyang kundi siya gagalaw, wala silang makakain, at doon na siya nagsimulang magtrabaho bilang isang payaso na hanggang ngayon, ang tanging trabahong alam niyang nakapagtaguyod sa kaniyang anak na apat na taong gulang na ngayon.
Noong araw na ‘yon, agad siyang nagmadaling umalis matapos niyang magtanghal upang makaiwas sa kaniyang kaibigan. Ngunit papalabas pa lamang siya, nakita na siya kaagad nito. Pipihit sana siya patalikod nang lapitan na siya nito, “O, halika na, magkwentuhan na tayo!” yaya nito.
“Ah, eh, saka na lang siguro, biglang tumawag yung misis ko, eh, umuwi na raw ako,” sagot niya.
“Aba, may pamilya ka na? Buti ka pa! Ano pangalan ng napangasawa mo?” pang-uusisa pa nito.
“Hay, nadulas pa!” bulong niya sa sarili, wala na siyang nagawa kundi sumama dito’t makipagkwentuhan.
Pilit itong nang-uusisa, pilit rin man niyang itago ang katotohanan, ‘ika nito, “Alam ko naman ang sikreto mo kaya sabihin mo na, handa akong tulungan ka,” sambit nito saka siya tinapik sa likuran.
Doon na siya bahagyang napaluha, dati kasi, siya ang tumutulong dito ngunit ngayon, siya na ang tutulungan nito. Napag-isipan niyang walang mawawala sa kaniya kung may pagsasabihan siyang kaibigan bukod sa kaniyang pamilya.
Doon na niya nilahad lahat ng nangyari sa kaniya. Labis na naawa sa kaniya ang binatang ito dahilan upang bigyan siya nito ng trabaho.
Isa na pala itong piloto, katulad ng kanilang pangarap noon.
“Mag-aral kang muli, ako na bahala sa’yo,” sambit nito na talaga nga namang nakapagpaluha sa kaniya.
Nag-aral nga siya habang rumaraket pa rin bilang isang payaso at pagkalipas lamang ng dalawang taon, nakapagtapos na siya’t nakapasok na bilang isang piloto. Maswerte siya’t hindi pinaulit sa kaniya ang lahat ng kaniyang mga asignatura, dahilan upang mapadali ang kaniyang pagtatapos.
Dito na siya unti-unting nakaipon para sa kaniyang munting pamilya. Ganoon na rin kasaya ang kaniyang pamilya para sa kaniya dahil bumagsak man siya noong una, lumilipad naman na siya ngayon, kasama ang kaniyang pangarap.
Bumagsak ka man at mapang-iwan ng panahon, huwag kang panghinaan ng loob. Darating din ang araw ng iyong tagumpay sa tulong ng mga taong nagmamahal sayo, at higit, sa tulong ng iyong sariling pagsisikap.