Inday TrendingInday Trending
Hiwalay na Pagmamahal

Hiwalay na Pagmamahal

“Tay, sa palagay ninyo po, kailangan siguro nating sunduin si nanay kung sakaling uuwi na siya sa atin, ‘no?”

Napatigil sa pagsubo sana ng kanin si Mang Domeng sa biglaang tanong ng anak na si Sally.

“Bakit mo naman natanong, anak?” patay-malisyang tanong ni Mang Domeng sa anak na maglalabing walong taong gulang na.

“Pangako ni nanay iyon noong umalis siya papuntang Dubai. Sabi niya, uuwi na siya rito kapag magdedebut na ako. Kaya excited na ako, Tay! Kailangang paghandaan na natin ang pag-uwi ni nanay!” bulalas ni Sally.

Tumango lamang si Mang Domeng. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang tahimik na pagkain. Parang kailan lang, batang paslit lamang ang anak na si Sally. Ngayon, magiging ganap na dalaga na ito.

Pagkatapos magligpit at maghugas ng mga pinagkainan, umakyat na sa kaniyang kuwarto si Sally. Kinuha niya mula sa bookshelf ang lumang photo album kung saan makikita ang mga larawan nilang pamilya. Muli niyang tiningnan ang lumang larawan ng kaniyang nanay na si Salve.

Maliit pa lamang siya nang magtungo sa Dubai ang kaniyang nanay. Paalam nito, upang magtrabaho. ‘Di hamak na mas malaki kasi ang kita sa ibang bansa. Naipagawa nila ang dating bahay na gawa sa kahoy at pawid. Naging sementado at nalagyan ng tiles. Napalagyan na rin ng ikalawang palapag.

Nakapag-aral din siya sa isang pribadong paaralan. Pinagbukas siya ng sariling savings account sa bangko. Dito nagpapadala ng pera ang kaniyang nanay. Bagama’t ganito, nagtrabaho pa rin naman si Mang Domeng bilang foreman.

Mabuti na lamang at may teknolohiya at internet. Dati, sa pamamagitan ng long distance call lamang nakakapag-usap sina Sally at Aling Salve. Nang mauso ang mga social media, paminsan ay nakakapagvideo call sila subalit saglit lamang. Hindi raw maaari dahil magagalit ang kaniyang boss.

Nagtataka siya dahil silang dalawa lamang ang nag-uusap. Sa buong panahon ay hindi man lamang hinanap ni Aling Salve si Mang Domeng. Naisip niya, marahil ay may bukod na panahon sa pag-uusap ng dalawa.

“Nay! Mag-18 na ako… sabi mo dati uuwi ka rito sa Pilipinas kapag magdedebut na ako,” tuwang paalala ni Sally sa nanay nang magkausap sila sa video call kinagabihan.

“Kuwan… nak… susubukin ko ha? Medyo alanganin kasi eh… titingnan ko kung mapapayagan ako ng boss ko…” medyo malungkot na sagot ni Aling Salve.

“Pero ‘nay, nangako po kayo sa akin noon. Matagal ko pong hinintay ang pag-uwi ninyo rito. Labintatlong taon po akong naghintay. Matitiis po ba ninyo ako?” pagpapaawa ni Sally sa nanay.

“Hindi naman sa ganoon, anak, kaya lang… hindi talaga ako sigurado kung makakauwi ako. Don’t worry magpapaalam ako sa… boss ko. Sige na, tinatawag na ako ng boss ko. I love you, anak,” pagpapaalam ni Aling Salve.

“Hindi ninyo po ba kakausapin si tatay?” tanong ni Sally.

Ngumiti lamang si Aling Salve. “Hindi na anak at nagmamadali ako. Ikumusta mo lamang ako sa kaniya. Bye, anak! Mahal na mahal kita, tandaan mo iyan!”

Naging abala na sa paghahanda para sa kaniyang debut ang mag-ama. Gaganapin ito sa isang hotel. Imbitado ang kanilang mga kaanak, kaibigan, at kaklase. Si Sally mismo ang nagdibuho ng kaniyang gown. Siya rin mismo ang pumili ng menu.

Dumating ang araw ng kaniyang debut. Dumalo ang lahat ng mga imbitado. Masasarap ang mga pagkain. Subalit hindi lubusang masaya si Sally. Wala ang kaniyang nanay. Hindi ito nakadalo. Masamang-masama ang loob ni Sally sa kaniyang nanay. Ito ang pinakamagandang regalo na maaari niyang matanggap.

Lalong umigting ang hinanakit ni Sally sa ina nang hindi man lamang ito magparamdam sa kaniya. Tatlong araw na itong hindi tumatawag sa kaniya. Napansin ito ni Mang Domeng.

“Anak, huwag ka nang magtampo sa nanay mo. Baka hindi lang iyon pinayagan ng amo niya. Hindi kasi madaling basta na lamang umuwi rito,” pag-aalo ni Mang Domeng.

“Pero ‘tay, dapat matagal nang nagpaalam si nanay. Alam naman niyang debut ko. Dapat matagal na siyang nakapagpahanda para rito. Saka… matagal na si nanay sa Dubai. Siguro naman po, may sapat na ipon na tayo kaya puwede na siya umuwi rito sa Pilipinas. Puwede na natin siyang makasama,” sagot ni Sally kay Mang Domeng. Natahimik si Mang Domeng. Kinuha nito ang mug ng kape at tumanaw sa malayo.

Tumayo si Sally. “Tama, iyon ang sasabihin ko kay nanay. Kailangan na niyang iterminate ang kontrata niya sa Dubai at umuwi na siya rito. Tutal, malapit na po akong matapos at ako naman ang magtatrabaho,” tumalikod si Sally at akmang papanhik patungo sa kaniyang kuwarto ngunit pinigilan siya ni Mang Domeng.

“Huwag anak… huwag mong gagawin iyan…”

“Bakit po, ‘tay? Ayaw po ba ninyong pabalikin dito si nanay para magkasama-sama na tayo? May problema po ba? Nanghihinayang po ba kayo dahil mawawalan kayo ng sustentong padalang pera?” nasabi ni Sally sa kaniyang tatay.

Namutla si Mang Domeng. Hindi niya inaasahang sasabihin iyon ng kaniyang anak sa kaniya. Ngayon lamang siya nabastos nito nang ganoon.

“Hindi na siya puwedeng umuwi rito, Sally. Hindi na niya ito bahay!”

Napamaang si Sally. Tinitigan niya si Mang Domeng.

“Tutal, 18 ka na… karapatan mo nang malaman ang totoo. Matagal na kaming hiwalay ng nanay mo. Noong umalis siya patungong Dubai, hiwalay na kami. Hindi kami kasal ng nanay mo, Sally. May sarili na siyang pamilya sa Dubai. Iyon ang sinasabi niyang babalik siya rito kapag 18 ka na. Malalaman mo ang katotohanan sa edad na iyan,” pagsisiwalat ni Mang Domeng.

Hindi makapaniwala si Sally sa kaniyang narinig. Dali-dali siyang nagtungo sa kaniyang kuwarto. Tinawagan niya ang kaniyang nanay. Nakatatlong pagtatangka siya bago ito sumagot. Kinumpirma nito ang katotohanang isiniwalat ni Mang Domeng.

“Patawarin mo kami ng tatay mo anak kung naglihim kami sa iyo. Kapakanan mo lamang ang inisip namin. Ngayong 18 ka na, alam kong nasa hustong gulang ka na upang maunawaan ang lahat,” umiiyak na sabi ni Aling Salve.

“Nauunawaan ko naman po ang lahat. Pero sana hindi po kayo naglihim sa akin. Karapatan ko pong malaman ang totoo bilang anak ninyo. Nakakasama lamang po ng loob. Pero wala na po akong magagawa sa bagay na iyan,” lumluhang sabi ni Sally.

Kaya pala hindi hinahanap ni Aling Salve si Mang Domeng sa tuwing tatawag ito. Napagtagni ni Sally ang lahat.

Lumapit si Sally kay Mang Domeng at niyakap ito. Humingi siya ng tawad sa mga nasabi niya.

“Tay, wala akong karapatang magreklamo sa inyo. Minahal ninyo ako ni nanay. Pasensya na po sa mga nasabi ko. Mahal ko kayo,” sabi ni Sally sa tatay.

Napagtanto ni Sally na bagama’t hindi niya masasabing buo ang kaniyang pamilya, sapat na ang magkahiwalay na pagmamahal ng kaniyang nanay at tatay na ipinaramdam ng mga ito sa kaniya, upang maging buo ang kaniyang pagkatao.

Advertisement