Inday TrendingInday Trending
Leksyon Ng Balon Sa Museo

Leksyon Ng Balon Sa Museo

“Huwag na huwag kayong kukuha ng kahit ano. Ang bahay na ito ay luma na at napakarami nang dinaanang panahon. Kaya naman bawat piraso ng mga gamit na narito ay maituturing na nating parte ng historya. Mag-ingat dahil baka makasira kayo ng gamit. Usap-usapang may nagbabantay daw sa bahay na ito.”

Mahigpit ang bilin na iyon ng kanilang field trip guide, ngunit hindi nakikinig si Elyse. Manghang-mangha siya sa mga nakikita niya sa kaniyang paligid.

Noon pa man ay mahilig nang mangolekta ng mga lumang gamit si Elyse. Hindi niya alam, pero, talagang natutuwa siya sa ganoʼn. Mas luma, mas maganda, mas mahalaga.

Nangangati na ang kamay niyang kumuha nang paisa-isang piraso ng lumang gamit sa naturang bahay, lalo na iyong mga baryang nakita niya kanina nang madaanan nila ang tuyong balon na hindi naman kalaliman.

Hindi na nakapagpigil si Elyse. Pumuslit siyaʼt binaba ang balon. Kukuha siya ng lumang barya!

“Elyse, saan ka pupunta?” takang tanong ng kaibigan niyang si Roy nang makita siyang pumupuslit.

“Kukuha lang ako ng ilang piraso ng lumang barya, Roy. Pangdagdag ko lang sa collections ko,” sabik pa niyang sagot.

“Naku, Elyse! Tigilan mo ngaʼt baka mapahamak ka pa sa gagawin mo!” Sinubukan siyang pigilan ni Roy, ngunit talagang matigas ang kaniyang ulo.

“Hindi ʼyan! Akoʼng bahala!” At tumakbo na nga siya papunta sa likod ng mismong bahay kung nasaan ang balon.

Pinilit ni Elyse na makababa hanggang ilalim, ngunit ang kaninang mababaw lang na balon ay bakit tila lumalalim?

Nang tanawin niya ang ibabaw ng balon ay halos kapusin siya ng paghinga dahil napakalayo na pala niya roon! Biglang kinilabutan si Elyse.

Madilim sa loob ng balon. Hindi na rin niya matanaw ang mga kumikinang na baryang kanina lang ay gustong-gusto niyang kunin. Dahil doon ay nagpasiya siyang huwag na lamang tumuloy… ngunit bago pa siya tuluyang makaakyat pabalik ay naputol ang lubid na kaniyang ginagamit!

Napasigaw si Elyse habang bumabagsak sa napakalalim palang balon! Tila walang katapusan ang lalim niyon! Hanggang sa makarating siya sa hangganan…

“N-nasaan na ako? Tulong! Tulong!” Sigaw nang sigaw si Elyse.

Ngunit natigilan siya… paanoʼy nakarinig si Elyse ng impit na mga pagtawa!

Nagpalinga-linga si Elyse sa paligid ngunit wala siyang makita dahil napakadilim. Natatakot na siya!

Lumalakas ang mga pagtawa. Humahalakhak ang isang malaki at nakakatakot na boses na mukhang nasa loob lang din ng balon!

Napaiyak na si Elyse sa takot lalo na nang may makapa siyang malamig na bagay sa kaniyang tabi.

“Hindi baʼt gusto mong kumuha ng barya? Kumuha ka na,” anang nakakatakot na tinig na nagsalita sa mismong tainga ni Elyse!

Napasigaw na naman siya. Humalakhak namang muli ang boses. Takot na takot na si Elyse nang maisipan niyang humingi ng tawad sa nilalang ng balon sa museo.

“Patawad po! Hindi ko na po uulitin, patawarin nʼyo po ako!” hiyaw niya.

Biglang tumigil ang nilalang sa pagtawa. Bigla itong nawala. Ngunit nakaramdam naman ng pagkahilo si Elyse. Inaantok siya.

“Elyse! Gumising ka, Elyse!”

Nagising si Elyse na nasa tabi siya ng balon. Napapalibutan siya ng kaniyang mga kaklase, pari na rin ang field trip guide nila.

“Anoʼng nangyari sa ʼyo? Bakit ka pumuslit at bumaba sa balon?” tanong ng kanilang guide sa medyo pagalit na tinig.

“S-sorry po, maʼam! Sorry!” Biglang humagulhol si Elyse nang maalala ang nangyari sa kaniya.

Naalala niya ang bilin kanina ng kanilang field trip guide. May nagbabantay na raw sa museong ito dahil sa sobrang kalumaan. Sa palagay niyaʼy iyon ang nagbigay ng leksyon sa kaniya. Hiniling ni Elyse na sana ay nakinig na lamang siya sa bilin nito. Sana hindi na lang siya nanging makulit. Sana, hindi nangyari sa kaniya ang nangyari kanina nang mahulog siya sa balon!

Hindi na makausap si Elyse nang maayos kaya naman minabuti na nilang tapusin na ang field trip.

Habang nakasakay sa bus ay tanaw pa rin ni Elyse ang balon sa likod ng bahay.

Nanlaki ang mga mata niya nang makita niya ang isang nilalang na nakaupo sa ibabaw ng balon… isang engkanto! Nakangiti ito kay Elyse at kumakaway.

Simula noon, ipinangako niya sa kaniyang sarili na kahit kailan ay hindi na siya babalik pa sa museong iyon. Sa susunod ay sisiguraduhin niyang makikinig na siya at susunod sa mga tagubilin. Natutunan na ni Elyse ang kaniyang leksyon.

Advertisement