Isang gabi ay niyaya si Douglas ng mga kabarkada niya na lumabas. Nagulat siya kung saan gustong pumunta ng kaniyang mga kaibigan.
“Nightclub? Baon nga at pamasahe sa susunod na linggo wala ako, pang-nightclub pa kaya!” sagot niya.
“Pare naman, minsan lang ito, o. Sumama ka na. Hindi kumpleto ang tropa kapag hindi ka kasama,” sabi ng isa sa mga kaibigan niya na si Bryan.
“Mabuti sana kung mayroon pa akong budget kaso sakto na lang hanggang sa susunod na linggo e,” tugon ulit ni Douglas.
“Iyon lang ba ang problema? Sige, sagot na kita pare,” wika ni Austin.
Sa kanilang lahat ay si Austin ang mas nakaluluwag sa buhay. Nag-iisa itong anak ng mga magulang nitong parehong nagtatrabaho sa ibang bansa. ‘Boy ATM’ kung tawagin ito ng tropa dahil mahilig manlibre at napaka-galante.
“O, narinig mo? Si Pareng Austin na raw ang bahala sa iyo. Ano, sasama ka na?” tanong ni Raffy.
Napapailing na lamang si Douglas. Wala na kasing dahilan para umayaw pa siya dahil nagsabi na si Austin na ililibre siya.
“Sige na, sasama na ako.”
Agad na natuwa ang kanyang mga kasama sa kaniyang pagpayag at nagmamadali nilang pinuntahan ang pakay.
Pagkababa nila sa jeep na sinakyan ay eksaktong nasa harap na nila ang isang kilalang bahay-aliwan. Hindi na nakapaghintay pa ang magkakaibigan at pumasok na sa loob.
“Put*ng i*a! Hubad!” gulat na sabi ni Bryan nang makita ang isang babaeng nagsasayaw sa isang maliit na entablado.
“Wow, wala pa mang nangyayari ay nag-iinit na ang katawang lupa ko,” sabad naman ni Raffy.
Inilibot naman ni Douglas ang mga mata sa loob ng nightclub. Kung maganda iyon sa labas ay mas maganda pa pala sa loob. Punumpuno ng naggagandahang mga ilaw at tunog ang loob niyon at ang pinakamalupit ay ang babaeng nagsasayaw sa entablado na walang anumang saplot.
Nilapitan sila ng waiter at inalok ng pulutan at inumin. Umorder naman sila ng beer at pulutang chicharon, sisig at isang platitong mani.
“May gusto pa ba kayong orderin?” tanong ng waiter.
“Siya, puwede bang orderin?” wika ni Douglas sabay turo sa nagsasayaw na babae sa harapan.
“Wow pare, kunwari ka pang ayaw sumama ha!” natatawang sabi ni Austin.
“Narito na rin lang ako e ‘di lulubus-lubusin ko na,” sagot niya.
“Ah si Natasha? Ok boss, sige. Pagkatapos niyang sumayaw, papuntahin ko na siya sa’yo. O kayo, halina kayo sa likod at mamili ng inyong mga makaka-table ngayong gabi,” saad pa ng waiter sa mga kasama ni Douglas. Nagmamadali naman ang mga damuho sa pagsunod sa waiter.
Hindi naman nagtagal ay lumapit na kay Douglas ang babae na nagsasayaw kanina sa entablado.
“Hi, pogi! Ako si Natasha. Ikaw?” sabi nito sa kanya sa mapang-akit na tono.
“D-Douglas, A-ako si Douglas,” tangi niyang nasagot rito.
Umupo ito sa tabi niya sabay haplos sa kaniyang hita. Halos hindi nakakilos si Douglas sa paghaplos na iyon ng babae. Hanggang sa bumulong na ito sa kaniya at nagyayaya sa kung saan.
“First time mo ba rito?” tanong ng babae.
“A, e oo,” sagot niya. “K-kasama ko mga kaibigan ko. Isinama sila nung waiter para mamili ng makaka-table.”
“Ganoon ba? Hmmm… gusto mo ba akong ilabas? Dahil first time mo naman pala ay bibigyan kita ng discount,” sabi ni Natasha.
Natigalgal si Douglas dahil nagyayaya na itong ilabas niya ngunit hindi pa nagbabalik ang mga kasama niya. Isa pa ay wala siyang sobrang pera para mailabas ang babae.
“A, e hindi pa kasi bumabalik ang mga kaibigan ko e. Baka hanapin nila ako.” Pagdadahilan niya.
Maya-maya ay bumalik na ang mga kasama niya at may mga kasama na ring mga naggagandahang babae na ka-table ng mga ito.
“O pare, narito na pala ang chikababes mo e,” wika ni Austin.
Ilang oras din silang nakipag-inuman at nakipagkuwentuhan sa kani-kanilang mga ka-table na babae hanggang sa sabay-sabay nang magyaya ang mga ito na lumabas.
“Mga pare ano pang hinihintay niyo? Tara na at para makarami na tayo!” todo-ngiting sabi ni Austin sa mga kasama.
“Excited na ako. Halika na babe at dadalhin na kita sa langit,” wika ni Bryan sa kasamang babae.
Matapos makapagbayad ay sabay-sabay silang lumabas sa bahay aliwang iyon. Ilang minuto lang ay narating na agad nila ang isang motel ngunit bago pumasok sa kaniya-kaniyang kuwarto ay nanghingi na agad ng bayad ang mga kasama nilang babae. Sinisingil na sila ng mga ito. Sa madaling salita, bayad muna bago may mangyari. Iyon daw ang patakaran sa club.
Sinabi ni Austin na magwi-withdraw muna siya ng pera gamit ang kaniyang ATM. Nangako kasi siya na ililibre na rin niya ang ibang kaibigan dahil nagkulang na rin ang pera ng mga ito. Ngunit laking gulat niya nang makitang wala nang laman ang ATM card niya.
“Nakupo, naubos na ang laman ng ATM ko. Yari na!” sabi niya sa isip.
Tinawagan niya si Douglas para sabihin ang nangyari.“Ano, wala na tayong pambayad? Paano tayo ngayon?” nag-aalala nitong tanong.
“Gumawa na kayo ng paraan para makatakas diyan. Dito na lang tayo magkita-kita sa labas,” sagot ni Austin.
Ipinaalam ni Douglas sa mga kasama ang nangyari at nagplano ang mga ito para takasan ang mga babaeng bayaran. Nagpaalam sila na pupunta lang sa banyo at babalikan ang mga ito ngunit sadyang mautak si Natasha at nakatunog sa balak nilang pagtakas.
“At saan kayo pupunta?” tanong nito nang makita sila na palabas sa exit door ng motel.
Hindi na nila sinagot ang babae at nagmamadaling kumaripas nang takbo ngunit iyon ang kanilang malaking pagkakamali.
Sa paglabas nila ng motel ay agad silang hinarang ng isang sasakyan. Bumaba ang mga sakay nitong tatlong lalaki na malalaki ang mga katawan.
“Oy saan kayo pupunta? Tatakasan niyo pa kami ha!” sigaw ng isang matipunong lalaki.
“Mabuti at dumating kayo. Balak pa kaming takasan ng mga iyan. Sabi ko na nga ba, hindi ako kailanman nagkamali sa kutob ko,” sabi ni Natasha.
“P-pasensya na kayo, w-wala na po kasi kaming pambayad sa kanila e. Ililibre lang kami ng isa sa mga kasama namin pero tumawag siya sa amin at sinabing wala nang laman ang ATM card niya,” hayag ni Douglas.
“Mga wala pala kayong pera tapos ay ang lakas pa ng loob ninyo na mag-take out ng mga babae namin. Ang dapat sa inyo ay turuan ng leksyon.”
Pinagtulungan silang bugbugin ng tatlong lalaki. Wala silang nagawa dahil mas malalaki at mas malalakas ang mga ito kumpara sa kanila.
Matapos silang gulpihin ay nagmamadaling umalis ang mga ito kasama ang mga babaeng bayaran. Maya-maya ay dumating na si Austin at nagulat ito sa sinapit ng mga kaibigan.
“O, anong nangyari sa inyo? Bakit puro pasa ang mga mukha niyo?” tanong nito.
“Kasalanan mo ito, e. Kung hindi pumalpak iyang ATM mo ay hindi kami mabubugbog ng mga kasamang lalaki nung mga babaeng iyon!” inis na sabi ni Raffy.
“Simula ngayon ay hindi na ako sasama sa inyo. Napahamak lang tuloy ako,” sabad naman ni Bryan.
“Kung nung una pa lang ay tumanggi na ako, hindi sana ako nagkaganito. Ano ang sasabihin ko sa mga magulang ko kapag nakita nilang bugbog-sarado ang mukha ko?,” wika ni Douglas.
Paulit-ulit mang humingi ng tawad si Austin ay huli na. Napahamak na ang kanyang mga kaibigan ng dahil sa kanya at dahil na rin sa pagkahilig nila sa tawag ng laman.