Inday TrendingInday Trending
Sinira ng Galit

Sinira ng Galit

“Fina, wala na ang asawa mo,” malungkot na balita sa kaniya ni Wena. Tumawag ito para sabihin ang nangyari sa kaniyang asawa.

“Kumusta ang mga anak ko, ate?” Nag-aalala niyang tanong sa kapatid.

“Nasa akin sila,” sagot ni Wena. “Kailan ka uuwi?”

“H-hindi ko pa alam, ate,” nahihirapan niyang wika. “Hindi pa ako nakakapagpaalam sa amo ko. Kakausapin ko siya mamaya. Kung ano ang desisyon nila ay tatawagan kaagad kita,” paliwanag niya bago pa man ibinaba ang tawag ng kapatid.

Nalulungkot siya sa pagkawala ng kaniyang pinakamamahal na asawa, ngunit mas nag-aalala siya sa tatlo niyang anak na naiwan ngayon sa bahay nila. Sino na ang mag-aalaga sa mga ito ngayong wala na ang kaniyang asawa?

“Mga anak, patawarin niya ako pero hindi ako pinayagan ng amo kong umuwi,” umiiyak na paliwanag ni Fina sa kaniyang mga anak. “Ibinilin ko naman kayo sa Tita Wena niyo, pansamantalang siya muna ang mag-aalaga sa inyo. Patawarin niyo ako mga anak kung hindi ko kayang umuwi,” tumatangis niyang wika.

“Paano na kami, ma? W-wala na si papa,” humihikbing wika ng panganay niyang anak na si Dina.

“Babawi ako sa inyo mga anak. Pero sa ngayon, wala pa akong magagawa kung ‘di sundin ang nakasulat sa kontrata ko. Mag-iingat kayo d’yan palagi ha? Huwag niyong mapapabayaan ang sarili ninyo. Uuwi ako agad kapag natapos na ang kontrata ko. Mahal na mahal kayo ni mama.” Hindi niya mapigilang hindi humagulgol sa huling sinabi.

Makalipas ang dalawang taon… sa wakas ay natapos na rin ang kontrata ni Fina at ngayon nga ay sabik na sabik na siyang makauwi sa kaniyang mga anak.

“Fina, ilang araw nang hindi umuuwi ang panganay mong anak na si Dina. Nagrerebelde na talaga ang panganay mo at hindi ko na siya kayang kontrolin. Malay mo, baka ikaw mismo na nanay niya, magawa mong pakiusapan ang anak mo,” mahabang litanya sa kaniya ni Wena.

“Saan daw ba siya nagpunta, ate?” nag-aalala niyang tanong.

“Kay Boneve, sa barkada niyang adi*k!”

Agad namang tinunton ni Fina ang bahay ng barkada ni Dina na si Boneve. Masukal at dikit-dikit ang mga bahay. Magulo at maingay ang paligid. Hanggang sa wakas ay natunton nila ang bahay ng kaibigan ng anak.

“Dina,” agad niyang tawag sa pangalan ng anak. “Si mama mo ‘to. Lumabas ka na d’yan, umuwi na tayo.” Nakikiusap niyang sambit.

Maya-maya ay may lumabas, payat na babae at nanlalalim ang mga mata.

“Ilan na naman ba ang hinithit mo Dina at nanlalalim na iyang mga mata mo?!” wika ng kaniyang kapatid sa babaeng lumabas.

Iyo na ba ang anak niyang si Dina? Bakit hindi niya na nakilala ang panganay niyang anak? Ang layo na ng itsura nito noong huli niya itong nakita.

“A-anak? Ikaw na ba iyan? Umuwi na tayo. Nandito na ako… ang mama mo,” pilit niyang pinapahinahon ang sarili kahit na ang totoo ay nais na niyang magwala.

“Bakit umuwi ka pa? Sana hindi ka na lang umuwi. Kaya naman naming mabuhay kahit wala ka,” mataray na wika ni Dina.

Walang ano-ano ay nilapitan niya si Dina at sinampal ng ubod lakas. “Matuto kang gumalang sa’kin dahil nanay mo pa rin ako, Dina!” Inis niyang wika habang pinpigilan ang mga luhang nais pumatak sa kaniyang mga mata.

“Hindi ko alam kung ano ang dahilan mo’t bakit sinisira mo ang buhay mo. Kumayod ako sa ibang bansa, nagpaalipin sa ibang lahi para lamang maibigay sa inyo ng mga kapatid mo ang buhay na hindi ko naranasan noon, tapos ito lang ang maabutan ko. Ikaw! Sirang-sira ang buhay. Saan ako nagkamali, Dina?”

“Saan ba ‘kamo? Sa pagiging ina! Nasaan ka no’ng kailangan namin ng ina ng mga kapatid ko? Nasaan ka noong mga panahon na nahihirapan kami?! Nasaan ka ma?! Nasaan?!” umiiyak na ring wika ni Dina.

“Nandoon ako sa ibang bansa Dina, kumakayod at nagpapakahirap para lang sa magandang kinabukasan na nais kong ibigay sa inyo. Ikaw, nasaan ka noong mga panahon na kailangan ka ng mga kapatid mo? Nandito sa mga barkada mo! Nagpapaka-ad*k at sinisira ang buhay.

Hindi ito ang buhay na gusto ko para sa’yo. Hindi ito ang gusto kong isukli mo sa lahat ng hirap na dinanas ko sa ibang bansa, Dina!” humahagulgol na wika ni Fina.

Umiiyak na lumapit sa kaniya si Dina at yumakap. Tila ba natauhan ito sa litaniya ng kaniyang ina. “Sorry, ma. Nagalit ako sa’yo kasi pakiramdam ko binalewala mo na lang kami. Sorry, ma. Sorry!”

“Tama na ang pagsira sa buhay mo, anak. Bata ka pa at pwede mo pang baguhin ang buhay mo ngayon,” wika ni Fina sabay yakap sa kaniyang panganay na anak.

Mula sa araw na iyon ay muling nagbago si Dina. Umiwas ito sa mga barkada nitong walang magandang naidudulot sa buhay nito, at mas nagpokus kung paano muling ibabangon ang sarili mula sa pagkakalugmok.

Minsan talaga ay naliligaw tayo ng landas na tinatahak. Basta ang pinakamahalaga ay natuto tayong i-tama kung anuman ang mali nating nagawa sa nakaraan.

Advertisement