“Ano kamo?! Wala ka nang trabaho?!” Galit na galit na sigaw ni Elena sa asawa nang maaga itong umuwi galing sa trabaho nito bilang driver ng isang mayamang politiko. Dahil sa katatalak ay hindi na napansin ni Elena na tanggal na naman ang botones ng umiporme ni Delfin.
“Ganun na nga… eh kasi…” tangkang paliwanag pa ni Delfin ngunit malakas na pagkabasag ng plato ang pumutol sa kaniya.
“Napakapabaya mo! Paano mo bubuhayin kami ng mga bata? Napakaswerte mo na nga kay Gov. Ramon ka nagtatrabaho! Naku umalis ka sa harapan ko’t nanggigigil ako sa’yo!” Bulyaw ni Elena na dinuro-duro pa ang nakayuko lang na asawa.
Natanggal na sa trabaho si Delfin bilang driver ng kilalang gobernador sa kanilang bayan na si Gov. Ramon Chinco. Pinipilit siya ng asawang makiusap sa gobernador, lumuhod dito at magmakaawang ibalik siya sa trabaho ngunit hindi iyon ginawa ni Delfin. Simula nang araw na iyon ay sinikap ni Delfin na maghanap ng ibang trabaho. Buong araw siyang nag-ikot ngunit wala siyang napala. Pag-uwi sa bahay ay napahilata na lang siya sa sala dahil sa pagod.
“Oh ano?! Hihila-hilata ka diyan, nandoon ang labahan! Para mapakinabangan ka naman!” Sabi ni naman ni Elena sa nanunutyang boses. Sasagot pa sana si Delfin ngunit nakita niyang naglalaro ang dalawa nilang anak sa isang tabi. Ayaw niyang makita ng mga ito na nagtatalo sila ng misis.
Alam ni Delfin na lalong mauuwi sa away kung ‘di siya susunod sa utos ng asawa, kaya’t kahit pagod ay pinilit niyang ikilos ang katawan.
Simula ng araw na iyon ay halos ipinasa na sa kaniya ni Elena ang lahat ng gawaing bahay. Pag-uwi mula sa paghahanap ng raket ay siya ang nagluluto, naghuhugas ng plato, at nagtitiklop ng damit. Ang pinakamasaklap pa ay habang ginagawa niya ang mga ito, laging nakatalak ang misis na akala mo donyang sinesermonan ang inutil nitong katulong.
“Ano ba naman Delfin! Ayusin mo naman ‘yan oh. Naku, wala ka na ngang trabaho aba’y palpak ka rin sa bahay!”
“Elena pwede ba? Sinusubukan kong tumulong, huwag ka namang magsalita ng ganyan!” Katwiran ni Delfin nung isang beses na hindi na nakatiis sa asawa.
“Hoy! Kung gusto mo makatulong ay ngayon din luluhod ka pabalik doon kay Gov. Ramon. Ikaw pa talaga ang may ganang magmatigas ‘no? Lalaking ito!” Highblood na naman na ratatat ni Elena.
“Naghahanap naman ako ng trabaho ah. Wala ka man lang bang suporta o magandang masasabi?” Tila may hinanakit na sagot ng mister.
“Naku! Tigil-tigilan mo ko sa drama mo ha? Tapusin mo ‘yan at nagugutom na kami ng mga bata.”
Wala nang nagawa si Delfin kundi manahimik na lang. Ayaw na niyang ipaliwanag pa sa asawa dahil tiyak lalo lang siya nitong makikita bilang inutil at mahina.
Bukod sa maya’t mayang bulyaw, si Elena naman ay panay lang ang nood ng TV at kakatawag sa mga kumare nito. Paminsan ay naririnig pa ni Delfin na labis siya nitong pinalalabas na inutil sa mga kaibigan nito.
Dahil nga pagod na sa kahahanap ng trabaho at gawaing bahay, dumagdag pa ang stress mula sa tila donyang asawa, tuluyang bumagsak ang katawan ni Delfin. Inakusahan pa ng asawa na umaarte lang daw na may sakit para makatakas sa gawaing bahay, ngunit nang tuluyang nabuwal si Delfin ay doon lang naalarma si Elena.
“Tulong! Tulungan niyo kami mga kapitbahay! Ang asawa ko! Delfin!”
Agad namang naisugod si Delfin sa ospital at napag-alamang over-fatigued lang ito. Gayunman ay gigil pa din si Elena dahil dumagdag pa ito sa gastusin nila. Hindi pa gising ang asawa noon at binabantayan ito ni Elena nang dumating si Lino, kasamahan ni Delfin na tauhan din ni Gov. Ramon.
“Narinig ko ang balitang naospital daw ang kumpare kaya ako napabisita,” sabi ni Lino.
“Ewan ko ba naman d’yan! Kung sana lang ay nagmakaawa siya kay Gov. Ramon e ‘di sana ay hindi na napagid maghanap ng trabaho,” inis na sabi ni Elena. Napatingin naman dito si Lino.
“Grabeng pagmamakaawa na nga ang ginawa niyang si Delfin kahit si Gov. Ramon ay napakalupit sa kaniya sa trabaho…” sabi ni Lino.
“Ano bang kasalanan ni Delfin at natanggal?” Tanong ni Elena nang mahimigan sa tono ng kausap na tila ba may gusto itong sabihin.
“Wala siyang kasalanan. Atin-atin lang ha? Pero napakalasinggero niyang si Gov. Ramon. Tuwing malalasing ay pinagdidiskitahan ‘yang si Delfin. Sinasampal, sinisipa-sipa, tapos binabato ng kung ano-ano. Eh nitong nakaraan ay pinaso pa ng sigarilyo ang damit. Pumalag iyang asawa mo dahil daw magagalit ka kapag nadumihan ang uniporme niya. Nagwala si Gov. Ramon at pinagmumura si Delfin pati ikaw. Bukod sa masasakit na salita ay sampal pa ang inabot niyan. Siyempre wala naman akong magawa kahit nakikita ko si Delfin, mahirap na eh.” Tigagal si Elena nang marinig ang lahat. Halos hindi siya makahinga dahil sa paninikip ng dibdib.
Hindi niya namalayan na tumutulo na pala ang kaniyang mga luha. Grabeng pasakit pala ang dinadanas sa trabaho ng kaniyang asawa ngunit wala siyang alam! At isa pa siya sa mga nagpapahirap ng loob nito.
Sakto namang nagising si Delfin at tinawag ang pangalan nya.
“Oh Delfin!” Iyak ni Elena sabay yakap sa asawa. “Patawarin mo ‘ko. Hindi ko alam…” tanging iyak ng maybahay.
Tila nahulaan na ni Delfin ang napag-usapan ng asawa at kumpare base sa mga naririnig niya. Laging maalalahanin, inalo niya ang asawa.
“Ayos na iyon Elena. Handa sana akong tanggapin ang pananakit niya, ngunit pati pamilya natin at ikaw ay binastos niya. Naisip kong ayaw ko nang parang asong magsunud-sunuran sa malupit kong amo.”
“Patawarin mo ko Delfin…” Iyon lang ang nasabi ni Elena. Tila naman nagkaintindihan na ang mag-asawa.
Simula noon ay ipinakita ni Elena ang pasasalamat at pagmamahal sa asawa. Ngayong alam na niya ang sakripisyo nito ay sinikap din ni Elena na akuin ang responsibilidad niya sa bahay at suportahan ito. Kalaunan ay nakahanap naman ito ng trabaho. Nakaugalian ni Elena na kamustahin ang asawa na dati ay ‘di niya ginagawa. Nakakahiya man ang inasal niya noong una, ang mahalaga ay nagpasya siyang magbago para dito at sa kaniyang buong pamilya.