Pilit na ibinabaon ni Criselda sa limot ang mga pangyayari sa kaniyang masalimuot na nakaraan. Sa wakas kasi, matapos ang ilang taong pagtitiis sa kaniyang kinakasama noon, ay nagawa na rin niyang makalaya. Kung magbabalik tanaw ang dalaga ay hindi rin niya lubos maisip na sumama siya sa isang lalaking labis ang bisyo at pinagbubuhatan lamang siya ng kamay. Ni sa hinagap ay wala ito sa mga ipinangako sa kaniya ng dating kinakasama.
Mabuti na lamang ay maluwag siyang tinanggap muli ng kaniyang pamilya. Simula ng makaalis siya sa kaniyang tila impyernong relasyon na iyon ay pinangako niya sa kaniyang sarili na kahit kailan ay hindi na siya muling iibig pa at pagtutuunan na lamang ng pansin ang pagtatrabaho upang makabawi naman siya sa kaniyang pagkukulang sa kaniyang mga magulang.
“Criselda, siguro naman ay napapanahon na para bigyan mo naman ng pagkakataon na lumigaya ang iyong sarili,” sambit ng matalik niyang kaibigang si Tess. “Limang taon na rin naman simula ng mangyari ang dati mong pag-ibig. Huwag kang mawalan ng tiwala na isang araw ay makakahanap ka rin ng lalaking magmamahal sa iyo ng tapat,” dagdag pa nito.
“Hindi ko na iniisip ang mga bagay na iyan. Buo na ang loob ko na pagsisilbihan ko na lamang ang mga magulang ko hanggang sa kanilang huling sandali. Saka kailangan ako ng mga kapatid ko,” tugon ni Criselda.
“Isa pa ‘yan. Talagang inasa na sa iyo ng dalawa mong lalaking kapatid ang kani-kanilang buhay. May mga pamilya na sila. Dapat ay matuto na silang kumayod para sa kanilang mga responsibilidad. Tingnan mo tuloy ang iyong sarili! Ni hindi mo na magawang ipaayos ang buhok mo man lamang o makabili ka ng bagong dami. Lagi na lang sila ang inuuna mo,” wika muli ng kaibigan.
“Hayaan mo na, Tess. Alam mo namang hanggang ngayon ay bumabawi pa rin ako sa kanila sa lahat ng nagawa kong kasalanan. Saka gusto ko naman itong ginagawa ko,” paliwanag pa ni Criselda. Napailing na lamang ang kaibigan niya.
Ngunit hindi sumuko si Tess sa paghahanap ng makakasama nitong si Criselda habambuhay. Hanggang isang araw ay masaya at nagmamadali itong lumapit sa kaibigan upang sabihin ang balita.
“Criselda! Criselda!” hindi magkamayaw ang damdamin ni Tess sa pagtawag sa kaibigan.
“Ano ba ang nangyari? Bakit nagtatatakbo ka riyan?” pagtataka naman ni Criselda.
“Ito kasing pinsan ko, ‘yung boss niya ay pupunta raw dito sa Pilipinas. Naghahanap to ng makakasama niya habambuhay! Mars, baka ikaw na ‘yon!” kinikilig nitong wika.
“Tantanan mo nga ako diyan, Tess. Ayan ka na naman. Hindi ba nag-usap na tayo tungkol diyan? Sa iba mo na lang ireto ‘yang Kano na ‘yan!” naiiritang tugon ni Criselda.
“Ito naman! Sige na, subukan mo lang kahit isang araw lang. Kapag hindi mo nagustuhan, tutulungan na kitang gumawa ng dahilan. Parang awa mo na, Criselda!” sambit ni Tess.
“Saka paano ka naman nakakasigurado na magugustuhan ako niyan? Tingnan mo nga ang gayak ko. Ah basta! Hindi ako papayag diyan sa gusto mong mangyari,” sambit ni Criselda.
Ngunit wala na rin nagawa pa si Criselda dahil gagawin talaga ni Tess ang lahat upang mapagpareha niya ang dalawa.
Mabait na boss si Mike, isang Amerikano. Sa loob ng anim na taong pagtatrabaho ng pinsan ni Tess sa kumpanya ng ginoo ay masasabi nilang mabuti talaga ang kalooban nito bukod pa sa pagiging matipuno at makisig na kaanyuan nito.
Isang araw ay nagulat na lamang si Criselda na inaabangan na siya ni Mike sa labas ng kanilang opisina. Naghanda pala ito ng isang magarbong hapunan para lamang sa kanila. Dahil ayaw ni Criselda na mapahiya si Tess ay pinaunlakan na rin niya ang binata. Naisip niya na sa susunod ay tatanggi na siya.
Ngunit naging maayos ang pagtrato ni Mike sa dalaga. Sa tagal ng panahon, ngayon na lamang ulit naranasan ni Criselda na ang isang lalaki ay tatratuhin siya ng maayos kahit pa ano ang kaniyang gayak o itsura ng mga sandaling iyon. Hindi rin niya maitatanggi na tunay ang mga ngiti at tingin sa kaniya ni Mike. Gusto siya nitong mas makilala pa.
Hindi nagtagal ay kinain din ni Criselda ang kaniyang mga unang sinabi kay Tess. Unti-unti na ring nahulog ang dalaga sa Amerikano. Ni ayaw na nga ni Mike na bumalik ng bansa nila nang hindi kasama si Criselda ngunit nagdadalawang-isip muli ang dalaga dahil sa pait ng kahapon na kaniyang dinanas. Ngunit maging si Mike ay may pag-aalinlangan din. Sapagkat nakakarinig siya ng mga kwento na ang mga Pilipina raw ay tanging yaman lamang ang nais sa mga kagaya niya. Kahit na nararamdaman niyang iba si Criselda.
Kaya minabuti niyang pumunta mismo sa tahanan nila Criselda upang malaman kung talagang seryoso nga ang babae sa kaniya. Magiliw naman ang pagtanggap sa kaniya ng pamilya ni Criselda. Nagkaroon ng maliit na salu-salo nang araw na iyon.
Nang kinahapunan na ay nagpanggap si Mike na inaantok ngunit sinadya niyang ilapag ang kaniyang pitaka sa mesa. Ngunit dahil sa deperensya ng oras ay nagawa talaga niyang makatulog dahil na rin sa pagod. Pagdilat ng kaniyang mga mata ay nakita na lamang niya si Criselda na hawak ang kaniyang pitaka na gulat na gulat nang kaniyang maalimpungatan.
“I’m sorry to wake you up, Mike. Here is your wallet,” wika ni Criselda.
Doon ay kinutuban na ang ginoo na baka tama ang mga haka-haka. Nang tingnan niya ang kaniyang pitaka ay wala namang nawawalang pera sa kaniya. Naisip niya marahil ay kukuha pa lamang si Criselda nang kaniya itong mahuli.
Nagpaalam na siya at lumisan. Mula noon ay hindi na niya tinawagan pang muli si Criselda.
“Hindi ko rin alam kung bakit hindi siya nagpaalam,” malungkot na wika ni Criselda nang tanungin siya ni Tess sa biglaang pag-alis ni Mike.
“Pero alam mo, may nangyari kasi. Noong nandon siya ay nakatulog siya. Tapos naiwan niya ang kaniyang pitaka sa mesa. Nakita ko na kinuhaan ito ng kapatid ko kaya humugot muna ako sa ipon ko saka ko ito pinalitan. Mabuti na nga lang at hindi dolyar ang kinuha ng kapatid ko. Hindi ko alam kung paano ko ito ipapaliwanag sa kaniya. Nahihiya rin ako saka baka nagbago na rin ang pagtingin niya sa akin at sa pamilya ko,” paliwanag ni Criselda.
Sa kabilang banda ay hindi malimutan ni Mike si Criselda. Nanghihinayang siya sapagkat akala niya ay nakita na niya ang kaniyang makakasama habambuhay. Dahil na rin sa hindi niya maintindihan na nararamdaman niya ay tumawag siya kay Tess upang tanungin ang kalagayan ni Criselda.
Doon ay sinabi ni Tess ang lahat ng kaniyang nalalaman sa pangyayaring iyon. Lubusan na naligayahan si Mike sa kaniyang narinig. Lubusan din ang kaniyang pagsisisi na hinusgahan niya ng ganoong kabilis si Criselda. Ang tanging nasa isip na lamang niya ngayon ay ang pagbalik sa Pilipinas at maibalik ang tiwala at pagtingin sa kaniya ng kaniyang pinakamamahal na dalaga.
Agad na lumipad si Mike pabalik ng Pilipinas at agad nagtungo sa pinapasukang pabrika nila Criselda. Doon ay gulat na gulat ang dalaga ng makita niya sa labas ang lalaking muling nagpatibok ng kaniyang puso. Ni sa hinagap ay hindi niya akalain na babalik pa ito at hahanapin siyang muli.
Nagsisimula pa lamang si Mike sa paghingi ng tawad ay niyakap na siyang muli ni Criselda sa pagkasabik na makita siya. Sa pagkawala kasi ng binata ay doon napagtanto ni Criselda na handa na siyang umibig nang muli.
Tinapos ng mga yakap na iyon ang tampuhan sa pagitan ng dalawa. Makalipas ang dalawang linggo ay nagpakasal sina Mike at Criselda at tuluyan na ngang lumipad patungong ibang bansa.
Natupad pa rin ni Criselda ang kaniyang ipinangako sa kaniyang mga magulang na hindi niya ito pababayaan ngunit sa pagkakataon na ito ay binigyan na niya ng responsibilidad ang kaniyang mga kapatid upang matuto.
Naging masagana at masaya ang pagsasama nila Mike at Criselda. Nakatagpo ang dalawa ng walang hangang pag-ibig sa isa’t-isa. Ngayon ay sinusubukan na nilang gumawa ng mas maganda pang buhay para sa kanilang sariling pamilya.