Inday TrendingInday Trending

Matagal nang nakatambak ang mga gamit ni Aling Amanda sa pagbi-bake. Itinago na niya ito tatlong taon na ang nakakalipas ngunit may ibang enerhiya ngayon ang ale sapagkat nagkaroon muli ito ng lakas upang gumawa ng kaniyang sikat na cookies.

“Mahal, sana ipagpatuloy mo na iyang pagbi-bake mo. Iba ang saya ng mga mata mo kapag ginagawa mo iyan. Panahon na para naman bumalik ang dati mong sigla,” bati sa kaniya ni Mr. Fernan, ang mister ng ale.

“Naku, kung hindi nga lang ako kinukulit nung mga customer ko sa FB page ko ay hindi ko ito gagawin. May nagtanong din kasi sa akin kung pwede na ako na ang magsupply ng mga cookies nila sa opisina, aba’y siyempre tinanggap ko kaagad. Sayang din naman nga at panahon na rin na gamitin ko sila ulit,” magiliw naman na sagot ng ale habang sinasala nito ang kaniyang harina.

Makikita ang saya at sigla ng ale sa kaniyang ginagawa, ito na kasi ang ginagawa niya simula noong mag-asawa hanggang sa lumaki ang kanilang anak na si Audrey. Kaya lamang nang dahil sa isang pangyayari ay kinalimutan niya ito lahat.

Ilang buwan pa ang lumipas at mas dumami pa ang kumukuha ng cookies ni Aling Amanda at may suki na rin siyang ilang opisina sa Makati.

“Alam mo, mahal, naisip ko lang, puntahan ko kaya ang mga suki kong opisina? Ako naman kaya ang magdeliver sa kanila? Para naman makita ko kung nasasarapan ba talaga sila sa gawa ko,” natatawa-tawang pahayag ng ale sa kaniyang asawa.

“Aba’y syempre, mahal, nasasarapan ang mga iyon dahil paulit-ulit ang order sa’yo. Kaya kung gusto mo sila puntahan ay sasamahan pa kita, tara na!” sagot naman ni Mang Fernan saka kinuha ang susi ng sasakyan at nagmaneho paalis ang dalawa.

Nang makarating sa isang opisina si Aling Amanda.

“Ay, hello po, kayo po pala ang gumagawa niyan, bale kayo po si Aling Amanda? Ang sarap po talaga ng mga cookies niyo,” wika ng isang dalaga na kausap niya sa lobby.

“A, oo, ako nga. Paano niyo nalaman ang pangalan ko? Liker ka rin ba sa page ko? Magkano nga pala ang benta ng ganitong cookies ko rito?” tanong naman ni Aling Amanda sabay pakita ng kaniyang gawang cookies.

“Naku, hindi po! Kilalang-kilala po kayo rito sa amin tsaka hindi rin po pinagbebenta ‘yang cookies niyo kasi binibigay lang po sa amin ng supervisor namin. Lagi niya sinasabi na gawa nga raw po iyon ng mommy niya,” magiliw na sagot naman ng dalaga.

Napahinto naman si Aling Amanda sabay tanong na “Mommy?” Sasagot pa sana ang dalagang kausap niya ngunit isang pamilyar na babae ang palapit sa kaniya, sabay sabing “Mommy!”

Pakiramdam ni Aling Amanda ay nasa teleserye siya nang bumagal bigla ang ikot ng camera tsaka niya niyapos si Audrey, ang kaisa-isang anak ng ale.

“Mommy, miss na miss ko na kayo! Mommy, I’m so sorry,” umiiyak na pahayag ng dalaga sa kaniya.

Hindi naman nagsalita si Aling Amanda at niyakap lamang niya ng mahigpit ang anak.

Dalawang taon na niya itong hindi nakikita simula nang maglayas ito sa kanilang pamamahay. Mas pinili kasi ng anak niyang si Audrey ang sumama sa nobyo nito at magtanan kahit nga labag sa loob ng kaniyang mga magulang.

Dinala kaagad ni Audrey ang kaniya ama at ina sa kaniyang opisina.

“Mommy, daddy, sorry po…” saad ng dalaga sa kaniyang mg magulang.

“Galit pa rin ba kayo sa akin?” sunod na tanong nito.

“Ano bang klaseng tanong iyan, anak? Sino ba namang magulang ang makakatiis sa anak? Ang tagal naming hinintay na umuwi ka!” sagot ng kaniyang ama.

“Nahihiya kasi ako sa inyo, mommy, daddy. Nahihiya ako sa mga naging desisyon ko sa buhay. Alam kong ayaw niyo na mag-asawa ako lalo na’t wala naman siyang tinapos, pero maniwala kayo. Mas masipag pa sa kalabaw si Henry at nagtratrabaho rin akong maiigi para maipagmalaki niyo rin po ako,” paliwanag kaagad ni Audrey sa dalawa.

“Bakit kailangan mo pang umorder ng cookies ko?” mataray na wika ni Aling Amanda rito.

“Kasi nabalitaan ko na simula noong umalis ako ay kinalimutan niyo na ang pagbi-bake. Kaya naman gumawa ako ng paraan para mabuhay ulit ang sigla niyo habang hindi ko pa kayang umuwi sa inyo,” nahihiyang sagot ni Audrey rito.

“Loka-loka kang bata ka! Kahit sino pa man ‘yang lalaking yan basta inaalagaan ka at mahal ka ay tanggap na namin! Kaya lang naman kami tutol noon dahil natatakot kaming mapariwara kayo sa buhay at maghirap! Ang babata niyo pa noon!” naiiyak na pahayag ni Aling Amanda sa kaniyang anak.

“At sa araw-araw na dumating ka sa buhay namin, lahat ng mga nagagawa mo kahit noong maliit ka pa ay proud na kami sa’yo! Kaya tigilan mo na ‘yang sinasabi mo at umuwi ka sa atin. Miss ka na namin, anak!” dagdag pa nito, saka napuno ng luha ang opisina ng dalaga.

Hindi nagtagal ay umuwi na rin si Audrey kasama ang kaniyang kinakasama na si Henry.

Dumilim man saglit ang kanilang tahanan ay nagkaroon naman ito ng maraming aral. Aral para sa mga magulang na hindi nila kailanman mahahawakan ang bukas ng kanilang mga anak dahil mayroon at mayroon silang sariling buhay na tatahakin. Aral din para sa mga anak, na walang ginusto ang isang magulang kung hindi ang mapabuti ang kanilang mga supling at kung darating man ang panahon na nais na nitong gamitin ang kaniyang sariling pakpak ay huwag natin iwan ang ating mga magulang.

Ngayon ay naging maayos muli ang pamilya ni Aling Amanda na noon ay nawalan ng sigla. Nagkaroon muli ito ng kulay at liwanag lalo na nga nagyon na naikasal na ang dalawa at magkakaroon na rin sila ng supling.

Advertisement