“Mama, bukas na ang graduation ko, talaga po bang hindi kayo makakapunta?” tanong ni Pj sa kaniyang ina nang maabutan niya itong nagluluto sa kusina.
“Hindi nga, ‘di ba? Sinabi ko naman sa’yo noong isang buwan pa na may kinakailangan kaming asikasuhin para sa negosyo natin, eh. Huwag ka nang mangulit!” sagot ni Berna sa kaniyang anak habang abala sa paggigisa ng kanilang ulam.
“Minsan lang naman ‘to, mama. Isang beses lang itong mangyayari sa buhay ko. Mama, tagumpay natin ‘to, bakit ako lang yung aakyat doon,” sambit nito na nakapagpainit ng kaniyang ulo.
“Huwag mo akong artehan Pj! Kalalaking tao mo gaganyan-ganyan ka sa akin! Hindi ka na bata, ha? Malaki ka na! Kayang-kaya mo nang umakyat sa entablado!” tugon niya dito ngunit lalo pa itong nagdrama na para bang gustong-gusto niyang makasama ang ina sa pag-akyat sa entablado.
“Kung hindi rin pala kayo makakapunta doon, sana hindi na ako nagsumikap mag-aral noon pa man. Sayang lang lahat ng paghihirap ko, dahil sa araw ng pagtatapos ng pagdurusa ko, malungkot pa rin ako,” mangiyakngiyak na sambit nito saka nagmadaling umalis.
“Aba, tigilan mo ang pagdadrama, ha! Hoy, bata ka bumalik ka dito kinakausap pa kita!” bulyaw niya ngunit tuloy pa rin sa paglalakad ang kaniyang anak at narinig niya na lamang ang malakas na pagsara ng pintuan ng kwarto nito.
Solong anak ng ginang na si Berna ang naturang binata. Simula pa lamang noong nasa kinder ito, siya na ang palaging kasama nito sa pag-akyat sa entablado sa tuwing magtatapos ito. Ngunit nang magkaroon ng sariling negosyo silang mag-asawa, unti-unti niyang napabayaan ang anak. Dahilan niya, “Malaki na naman si Pj, kaya na niya ang sarili niya,” na naging dahilan nang pagtatampo nito sa kanila.
Lalo pa itong nagtampo nang malamang hindi talaga siya pupunta sa pagtatapos nito sa kolehiyo bukas. Inis na inis siya sa pangungulit nito dahil para sa kaniya, mas importante ang lalakarin niyang papeles bukas dahil doon nakasalalay ang pag-unlad ng kanilang negosyo kaysa sa pagtatapos ng kaniyang anak na wala naman siyang ibang gagawin kundi ang manuod, maupo at hintaying matapos ang programa.
Hindi niya naman magawang papuntahin ang kaniyang asawa dahil nga walang magmamaneho para sa kaniya kaya ‘ika niya, “Bibilhan ko na lang ng bagong laptop si Pj, tiyak mawawala na ang tampo noon.”
Kinabukasan, maagang nagising si Berna upang yayain ang kaniyang asawang magtungo sa pinakamalapit na mall upang bumili ng pangregalo sa anak. Agad naman itong sumama sa kaniya at iniwan ang kanilang anak na abala na sa pag-aayos para sa kaniyang pagtatapos.
Saktong alas diyes nang makapunta sila sa isang mall at agad siyang pumili ng pinakamagandang laptop.
“Naku, madam, ikaw po ang gagamit nito? Napakaswerte niyo naman! Ang ganda-ganda nito, grabe!” ‘ika ng isang sales lady sa kaniya habang binabalot ang naturang laptop.
“Ay, hindi, bibigay ko ‘yan sa anak ko, graduation niya kasi ngayon, eh. Ang kaso hindi ako makakapunta,” sambit niya habang nagbibilang ng perang ipapangbayad sa binili niyang laptop.
“Bakit naman, madam? Minsan lang ‘yon sa buhay niya, eh. Hindi naman sa pangingialam, madam, ha, mas mabuting unahin mo ang anak mo kaysa sa anumang dahilan nang hindi mo pagpunta doon. Noong nagtapos din po kasi ako, hindi ako sinipot ng magulang ko, magna cum laude pa ako, madam! Tapos, ayon, parang nawalan po ako ng gana lumaban sa buhay, nagnobyo ako, kung saan ko naramdaman ang atensyong ninanais ko kaso nabuntis ako’t dito bumagsak. Huwag niyo po sanang hayaang mawalan ng gana ang anak niyo sa pag-abot ng kaniyang pangarap. Hindi niya kailangan itong laptop na ito sa graduation niya, ang kailangan niya, kayo,” nakangiting ‘ika nito habang pigil-pigil ang kaniyang luha.
Doon na tila natauhan ang ginang. Agad niyang kinuha ang binili niyang laptop saka lubos na nagpasalamat sa naturang sales lady. Humangos siya papunta sa parking area, pagkakita niya sa kaniyang asawa, agad niyang sinabi, “Puntahan natin si Pj, dali!” agad naman itong sumunod sa kaniya’t ngiting-ngiti habang nagmamadaling magmaneho.
Sa kabutihang palad, pagdating nila sa paaralan ng kanilang anak, saktong ito na ang tinatawag. Agad siyang tumakbo patungo sa kaniyang anak na lugmok na lugmok habang naglalakad patungong entablado. Ngunit nang makita na siya nito, agad na napalitan ng luha ng saya ang mata nito.
“Mama, nandito ka,” hikbi nito saka siya niyakap.
“Pasensya ka na, simula ngayon, ikaw na muli ang uunahin ko,” sambit niya dito saka na sila tuluyang umakyat nang sabay sa entablado.
Ganoon na lamang ang saya niya lalo pa noong magtayuan at magpalakpakan ang lahat para sa kaniyang anak na nakatanggap ng pinakamataas na karangalan. Mangiyakngiyak siyang niyakap nito’t sinabing, “Dahil sa’yo lahat ng ito, mama,” na talaga nga namang nakapagpaluha sa kaniya.
Simula noon, abala man sa trabaho ang ginang pati na ang kaniyang asawa, hindi nila hinahayaang mapabayaan nila muli ang kanilang unico hijo lalo na’t ngayon, isa na itong ganap na doktor.
Lumago ang kanilang negosyo kasabay ng paglago ng pagmamahal sa loob ng kanilang maliit ngunit masayang pamilya.
Maging abala man tayo sa buhay, nawa’y huwag nating pagkaitan ng oras ang ating mga anak. Tandaan, tayo lamang ang kanilang sandigan dito sa mundong ibabaw, kung hindi ka nila masasandalan, maghahanap sila ng masasandalan na hindi mo mapagkakatiwalaan.