“Tahan na, miss. Huwag kang mag-alala. Gagawan natin ito ng paraan. Hindi ako titigil hangga’t hindi natin nahuhuli ang gumawa nito sa iyo. Sa inyo.”
Pilit pinatatahan ni Rhian ang pumapalahaw sa iyak na dalagang nagsumbong sa kanilang tanggapan dahil umano sa panghahal*y sa kaniya ng isang lalaking de-kotse na nagmagandang loob na ihatid siya, sa kawalan ng masasakyan.
Labis na nababahala si Rhian na isang police officer, dahil pangatlo na ang dalagita sa mga dumudulog na ito sa kanilang tanggapan. Pare-pareho ang deskripsyon ng mga ito sa lalaki. Maputi, matangkad, at may tattoo sa kaliwang binti.
Pare-pareho rin sila ng mga sinumpaang salaysay. Ang “common denominator” ng mga babaeng biktima ay pawang nagtatrabaho at gabi na kung umuwi, mula sa Poblacion Isabel. Madalang na kasi ang mga sasakyang dumaraan doon kapag gabi na. Nagmagandang loob daw ang lalaki na ihahatid sila sa kanilang mga bahay. Iyon pala, sa ibang lugar na sila dinala, sa madawag at madilim na lugar. Pare-pareho rin ang itinuturo nilang lugar ng pinangyarihan.
“Hindi maaatim ng kalooban ko ang mga nangyayaring ito, ‘nay. Babae rin ako. Alam ko ang pakiramdam ng ganoon,” kuwento ni Rhian sa kaniyang nanay na si Aling Lorna.
“Tama ka naman diyan, anak. Hindi dapat at maling-mali na gawing parausan lamang ang mga babaeng gaya natin. Pasasaan ba’t mahuhuli rin ang hayop na rap*ist na iyan. Pero ano bang balita?” untag ni Aling Lorna sa anak.
“Sa ngayon, ‘nay, ay pare-pareho ng deskripsyon ang mga biktima, kaya masasabi naming iisang tao lang ang gumagawa nito. May tattoo raw sa binti at de-kotse. May hitsura din daw. Mukhang mayaman kaya kinakagat ng mga babae,” sagot ni Rhian.
“Naku, kaya ikaw Rhian, huwag kang sasakay sa mga ganiyan. Maraming manloloko. Hindi lahat nadadaan sa gandang lalaki. Huwag ka basta-basta magtitiwala,” paalala ni Aling Lorna.
“Oo naman, ‘nay. Dalawang lalaki lang naman ang pinagkakatiwalaan ko. Si Tatay na sumalangit nawa ang kaluluwa, at si Diego,” nakangiting sabi ni Rhian.
“Oo nga pala… parang hindi na nagagawi rito ang manliligaw mo na iyon? Akala ko ba sasagutin mo na siya?” takang tanong ni Aling Lorna.
“Nagpaalam po ‘nay. Medyo magiging busy raw sa family business nila. Kaya hindi muna dumadalaw rito sa Poblacion,” sagot ni Rhian.
Dalawang taon nang nililigawan ni Diego si Rhian na nakilala niya sa isang dating app. Katwiran ni Rhian, wala naman sigurong masama kung makikipagkilala at makikipagkaibigan siya sa pamamagitan ng mga dating apps. Wala siyang panahon para dumalo sa mga party upang makakilala ng mga lalaking posibleng mapangasawa.
Kahit naman pulis si Rhian at likas ang katapangan at pagiging strong independent woman, naniniwala pa rin siya sa kaniyang pagkababae; na may taong magmamahal sa kaniya at ihaharap siya sa dambana balang araw.
Hindi pa niya naikukuwento kay Diego ang tungkol sa tatlong kaso ng panggagah*sa na hinahawakan niya ngayon dahil hindi pa sila nagkikita.
Kaya naman nabahala siya, nang isang araw ay may dumulog na naman sa kanilang dalaga, gaya rin ng reklamo ng tatlong naunang dalaga.
“Hindi na ako papayag na mangyari pa ito. Kailangang gumawa ako ng paraan,” sa isip-isip ni Rhian. Isang plano ang naisip niya. Kailangang mahuli niya mismo ang rap*ist. Naisip niyang subukin ang paglalakad sa bahagi kung saan tinatambangan ng rap*ist ang kaniyang biktima.
Nagsuot siya ng napaka-seksing damit. Inilugay niya ang kaniyang mahabang buhok. Naglagay rin siya ng make up. Tuwing Martes nambibiktima ang lalaki. Inabangan niya ito. May dala siyang baril sa shoulder bag. Nakaabang din sa malayo ang kaniyang back up.
Maya-maya, isang itim na kotse ang dumarating. Kunwa’y naglakad-lakad si Rhian. Nagpapansin. Subalit tila hindi siya pinansin ng nakasakay sa kotseng itim. Humarurot ito sa dakong laging pinangyayarihan ng kri*men. Nagbigay ng hudyat si Rhian sa kaniyang mga kasamahang pulis.
Naabutan nga nila ang pagkaladkad ng lalaki sa biktima nito, Ngunit labis na nagitla si Rhian. Pamilyar ang mukha ng lalaki. Ang rap*ist ay walang iba kundi si… Diego! Dahil nakashorts lamang ito, kitang-kita niya ang tattoo nito sa kaliwang binti. Hindi niya alam na may tattoo pala sa binti si Diego.
“Rhian, magpapaliwanag ako…”
“Sa presinto ka na lamang magpaliwanag…”
At si Diego ang ang itinuro ng apat na mga dalagang naging biktima nito. Bugbog-sarado si Diego sa mga sampal ng mga dalaga. Kaya pala nawala ito ng halos ilang linggo dahil may ginagawa palang kabalbalan.
Malaki rin ang pasasalamat ni Rhian dahil hindi natuloy ang tangka niyang pagsagot sa panliligaw ni Diego. Labis na nagulat si Aling Lorna sa mga nangyari. Dito niya napagtanto na minsan, hindi pa rin dapat ibigay nang basta-basta ang tiwala sa mga tao, kahit na matagal mo na itong kakilala. Kailangang doble ingat upang hindi masaktan.