“Daddy, hindi ka ba talaga sasama sa amin sa simbahan? Ano bang religion mo at bakit hindi ka nagsisimba?” wika ni Aira, ang pitong taong gulang na anak ni Luis.
“Anak, ayos na ako. Kayo na lang ng mommy mo ang magsimba. Huwag ka nang makulit,” magiliw naman na sagot ng lalaki sa bata sabay pisil sa pisnge nito.
“Naku, anak, huwag mo nang pilitin ‘yang tatay mo dahil bago pa man kami magkakilala ay hindi na talaga nagsisimba iyan. Matagal ko nang ipinagdarasal sa Panginoon na makasama natin siya pero hindi pa iyon natutupad,” sambit naman ni Alicia, ang asawa ni Luis.
“Hayaan mo, daddy, magdadasal ako mamaya kay Papa Jesus na sana magsimba ka na o ‘di kaya mawawala na lang ako,” wikang muli ni Aira.
Hindi naman sumagot si Luis at kumatok na lamang ito sa mesa nilang kahoy. “Anak, kung ano-ano pinagsasabi mo!” wika muli ni Alicia sa kaniyang anak at saka sila umalis.
Isang magiting na militar ang lalaking si Luis at wala siyang ibang pinaniniwalaan kung hindi ang batas at kamalian ng mga tao.
“Nabalitaan mo na ba ang nangyari kay Aling Pasing dun sa kabilang barangay? Sinaniban daw ‘yung mister niya kaya pinagtata*ga sila,” wika ni Alicia na kakabalik lamang sa pagsisimba.
“Ayan ang mga napapala niyo kakasimba, kung ano-ano na lang ang pinaniniwalaan niyo. Hindi ‘yun sanib, tawag dun nag ad*k, baka lulong na ‘yun sa kung ano man kaya nagkaganun,” kontra naman kaagad ni Luis sa asawa habang nagbabasa ito ng diaryo.
“Alam mo ikaw, Luis, ewan ko sa’yo, hindi ko alam kung kailan ka maniniwalang may Diyos. Baka maniwala ka kung makakita ka ng demonyo, tsaka mo siguro tatawagin ang Panginoon?” iritang sagot naman ni Alicia sa kaniyang asawa.
“Walang ganun, dahil ginagamit lang ng tao ang Diyos o demonyo upang makalusot sa pagkakamali nila. Kapag may nangyaring maganda, dahil sa Diyos. Kapag naman may mali, dahil sa demonyo, malas o ano pa man? Kailan sasabihin ng tao na mali nila iyon?” sagot naman ni Luis sa kaniyang asawa.
“Hay naku! Ewan ko sa’yo,” inis na sambit ni Alicia sa mister saka ito tumigil sa pakikipagtalo sa kaniya. Kumakalat ngayon ang mga kaso ng sanib sa kanilang lugar na hindi naman pinaniniwalaan ni Luis, uso rin kasi sa kanila ang pagtutulak ng bawal na gamot na mas pinaniniwalaan ng lalaki na sanhi ng mga masasamang pangyayari.
“Anak, sinong kausap mo riyan?” tanong ni Luis sa anak niyang si Aira na may kausap sa kaniyang kwarto.
“Bagong kaibigan ko po, sabi niya mapapaniwala ka raw niyang may Papa Jesus kapag sumama ako sa kaniya,” saad naman ng bata sa kaniya.
“Alicia! Naririnig mo ba itong anak mo? Kung ano-ano na pinagtuturo mo rito, tingnan mo nga!” sigaw ni Luis sa kaniyang asawa. Bago pa man makarating si Alicia sa kwarto ng bata ay mabilis na ang pangyayari.
Saksi si Luis nang biglang magbago ang itsura ni Aira at unti-unti itong lumutang sa hangin. Naaninag niya kaagad ang isang nakakatakot na itim na nilalang na nakahawak sa buong katawan ng kaniyang anak.
Tila nanigas si Luis sa kaniyang kinatatayuan at nanlamig ang kaniyang buong katawan.
“Diyos ko po!” sigaw naman ni Alicia nang matakot sa kaniyang makita.
“Papa, ba-bye,” sambit ni Aira saka ito nawalan ng malay at bumagsak.
Isinugod agad ng mag-asawa ang kanilang anak sa ospital. Iyak lamang ng iyak si Alicia habang hawak ang kamay ng kanilang anak. Wala pa ring kibo si Luis sa pagkakataong iyon.
“Papuntahin mo ang kakilala mong pari, albularyo o ano pa man na nakakawala ng demonyo. Papuntahin mo ngayon na,” seryosong wika ni Luis sa kaniyang asawa. Nanginginig ang boses niya at pilit na pinipigilan ang pangangatog ng kaniyang tuhod.
Dumating naman kaagad ang albularyo at pari na tinawagan ni Alicia.
“Bakit po ito nangyayari sa pamilya ko? Bakit sa anak ko?” hagulgol ni Alicia sa pari.
“Masyadong malalim ang sugat na mayroon si Luis sa kaniyang puso na wala nang puwang ang Diyos dito. Kaya naman pinahintulutan ito ng Panginoon na mangyari upang magbalik loob ka sa kaniya. Tawagin mo siyang muli, Luis,” sumagot ang pari.
Laking gulat naman ni Luis na marinig iyon at mas nag-alala pa siya nang biglang mangisay si Aira sa kama nito.
Sa isang tabi ay bigla na lamang napaluhod si Luis, sabay patak ng kaniyang mga luha. ” Panginoon, hindi ko alam kung kilala niyo pa ako pero humihingi ako ng tulong. Huwag niyo pong kuhanin ang anak ko, iligtas niyo po siya. Kahit ako na lamang ang parusahan niyo, huwag ang anak ko. Panginoon, tumatawag ako sa’yo. Parang awa mo na,” dasal niya.
Pagkatapos ng sandaling iyon ay biglang huminto sa pangingisay si Aira at dumilat.
“Papa! Nanalo ang angel ko!” sambit nito kahit na nanghihina pa.
“Panginoon! Salamat!” sigaw ng mag-asawa.
Simula noon ay naniwala si Luis na totoong may Diyos. Hindi man siguro nito pinakinggan ang dasal niya noong naghihingalo rin ang kaniyang ina ay pinakinggan naman nito ang pagsusumamo niya para sa kaniyang anak.
Ngayon ay mas naglaan pa ng oras si Luis sa pagbabalik loob niya sa Maykapal. Pinagpapala man o sinusubok ng trahedya, sinanay na niya ang sarili kasama ang buong pamilya, na magdasal at magpasalamat sa Kaniya.