Inday TrendingInday Trending
Hindi Ka Nababagay Sa Anak Ko!

Hindi Ka Nababagay Sa Anak Ko!

“Kahit kailan ay hindi ka nababagay sa anak ko. Ang mabuti pa, ngayon pa lamang ay umalis ka na sa pamamahay namin at sa buhay ng anak ko! Hindi ang tulad mo lamang ang sisira ng mga pangarap ko na maging isang doktor siya. Makakasira sa masaganang buhay na kinakaharap niya!” paulit-ulit na gumagambala sa isip ni Cristine ang mga kataga na sinabi ng ina ng kaniyang kasintahang si Albert.

Ilang buwan nang nakakalipas nang magkakilala sina Cristine at Albert. Nagreresidente sa isang ospital ang binata habang ang dalaga naman ay nagtitinda ng mga pagkain sa mga nagtatrabaho at mga bantay ng pasyente sa nasabing ospital.

Hindi alam ni Cristine kung paano sasabihin kay Albert ang naging trato sa kaniya ng ina nito sa unang araw pa lamang ng kanilang pagkikita. Alam niyang hindi magiging madali para sa kanya ang buhay na kanyang kinakaharap sa piling ng ina nitong si Celia.

“Sa susunod ay sa labas naman tayo kakain nila, mama. Natutuwa ako at kahit paano ay nagkakapalagayan kayo ng loob,” sambit ni Albert na walang kamuwang-muwang sa mga tinuran ng kanyang ina sa dalaga.

“Albert, siguro ay kailangan na nating itigil ito,” wika ni Cristine. “Nanliliit ako sa pamilya mo. Hindi ako nababagay sa tulad ninyo. Hindi magkaparehas ang antas natin sa buhay. Doktor ka at ako ay isang hamak na tindera lamang,” sambit ni Cristine na hindi deretsong makatingin sa kasintahan.

“Ano ba naman ‘yang iniisip mo, Cristine? Wala sa antas ng buhay ang pag-ibig. Mahal kita at mahal mo ako, wala akong nakikitang masama doon,” paliwanag ni Albert.

“H-hindi sa ganyan. Oo, mahal kita pero mas may mga nababagay pa sa iyo. ‘Yung babaeng kasing galing mo at kasing talino. Kasing yaman ninyo at kayang sumabay sa propesyon mo,” saad muli ng dalaga.

“Tigilan mo ‘yan. Malapit ka na rin namang magtapos sa kolehiyo. Kaya nga patuloy ang pagtitinda mo ‘di ba? Dahil sa pagsusumikap mo, napahanga mo ako ng husto. Wala nang babaeng mas babagay pa sa akin kung hindi ikaw lang,” sambit ng binata sabay yakap sa kaniyang minamahal.

Panandaliang nawala ang agam-agam ni Cristine ngunit hindi pa rin tuluyang naaalis sa kaniyang isipan ang mga sinabi ng ina ni Albert sa kaniya. Ayaw rin nyang maging sagabal sa pag-unlad ng kasintahan. Sa palagay niya ay may punto ito sapagkat siya ang ina ng binata at walang ina ang naghahangad ng masama sa kaniyang anak.

Wala nang nagawa si Cristine kung hindi kumapit na lamang sa mga sinabi ni Albert. Baka nga kapag nakapagtapos na siya ng pag-aaral at nakahanap ng magandang propesyon ay doon na siya matatanggap ng ina nito.

Minsan ng magtungo muli si Cristine sa tahanan nila Albert ay hindi niya sinasadyang marinig ang usapan ng kanyang ina at ng kasintahan.

“Pwede ba, ma, hanggang kailan ko po ba sasabihin sa inyo na hindi ko gusto si Rachel. Kaibigan lang po ang turing ko sa kaniya. Mahal ko si Cristine. At kung mayroon akong dapat pakasalan ay walang iba kung hindi si Cristine iyon,” giit ng binata.

“Sige, kung iyan na ang desisyon mo ay lumayas ka sa pamamahay na ito at wala akong anak na kagaya mo. Sumama ka sa babaeng iyon. Tingnan natin kung saan ka pulutin ng walang isang ina. Tingnan natin kung matupad mo pa ang mga pangarap mo dahil sa walang kwentang babaeng iyon!” nanggagalaiting tugon ni Celia.

Dahil sa tunay na pagmamahal ni Albert kay Cristine ay minabuti nitong tuluyan na ngang sumama kay Cristine kahit alam niyang wala silang parehong kakayahan na suportahan ang isa’t-isa, lalo pa at parehas silang may mga malalaking gastusin. Ngunit kaysa naman pilitin siyang magpakasal sa taong hindi naman niya gusto.

Napilitan si Cristine na tapusin na lamang ang semestre na iyon upang matulungan niya ang kasintahan. Ang kaniyang mga naipon ay ipinampuhunan niya upang magtayo ng isang karinderya malapit sa ospital.

“Pasensya ka na at kailangang mahintay muna ng pangarap mo para sa akin,” paumanhin ni Albert sa dalaga.

“Nako, ayos lang ‘yon. Matagal ko na rin namang gustong magtayo ng karinderya, mahal. Napaaga lang. Pagbutihin mo na lang sa pagdodoktor mo. Huwag mo na akong alalahanin. Pasasaan ba at matutupad din natin ang mga pangarap natin,” tugon ni Cristine.

“Ipinapangako ko sa’yo na hindi kita bibiguin. Tutuparin ko lahat ng pangarap mo at kapag nakabawi na tayo, pakakasalan kita,” wika ni Albert sa kasintahan.

Dahil na rin sa sarap ng lutong mga putahe ni Cristine ay laging dinudumog ang kaniyang karinderya. Unti-unti itong lumago at ang pwestong dati ay sa sulok lamang ng isang eskinita ay halos kasing laki na ng isang eskinita ngayon. Habang si Albert naman ay ginalingan sa kanyang larangan. Hindi nagtagal ay naging ganap na doktor na si Albert at nagkaroon ng sarili niyang klinika. At niyaya na rin ni Albert na magpakasal sila ni Cristine.

Isang araw ay hindi nila inaasahan ang pagpunta ng ina ni Albert na si Celia sa karinderya malapit sa dating ospital na pinagtatrabahuhan ng anak. Doon ay nakita niya si Cristine na nakauniporme ng pang kolehiyo.

“Dahil doktor na ang anak ko, siyempre kaya ka na niyang pag-aralin. Hindi mo talaga tinigilan ang anak ko hanggang wala kang nahihita sa kanya, ano?” pagmamaliit ni Celia kay Cristine. Akma naman ang pagdating ni Albert at agad ipinagtanggol ang kaniyang asawa.

“Ano ang pinagmamalaki ninyo sa akin? Itong karinderya na ito? Kayang kaya kong bilhin ang kinatitirikan ng karinderya mo!” saad ni Celia.

Ang hindi alam ni Celia ay sa galing ni Cristine sa pamamalakad ay nakapagpatayo na ito ng mga restawran at ubod na ito ng yaman.

“Si Cristine ang tumulong sa akin upang matupad ko nang tuluyanan ang pangarap kong maging doktor. Sinakripisyo niya ang kinabukasan niya para sa akin. Ang karinderyang ito ay parte lamang ng kaniyang pagsusumikap. Kahit na may-ari na siya ng ilang sikat na restawran ay hindi niya ito binibitawan. Libre ang pagkain ng mga nangangailangang taga-bantay ng pasyente dito sa ospital na iyan. Sa hirap ng kaniyang dinanas ay nakuha pa rin niyang magbigay sa kapwa. Kayo, ma? Bukod sa pangmamata ay ano ang nagawa ninyo para sa iba?” tuloy-tuloy na sambit ni Albert.

Lubusang napahiya si Celia sa kaniyang mga narinig. Hindi niya akalain na sa maiksing panahon na iyon ay nagawa ni Cristine na mapaunlad ang kaniyang buhay at mas mayaman pa ito kaysa sa kanila. Hindi niya lubusang akalain na ang minamata-mata niya noon ay mas nakakaangat na sa buhay kaysa sa kaniya ngayon.

Dala ng pangit pa rin niyang pag-uugali, tumalikod at saka naglakad ng mabilis papalayo si Celia. Wala siyang pakialam kahit na mawala nang tuluyan sa kaniya ang kaniyang anak. Aniya sa sarili ay hinding-hindi siya hihingi ng tawad sa pangmamata niya kay Cristine.

Hinayaan na lamang muna ni Albert ang kaniyang ina. Nananalig pa rin siya sa Diyos na darating din ang araw na matatauhan ito at makikipag-ayos sa kanila. Sa ngayon ay babawi muna siya kay Cristine, na siyang nakasama niya noong mga panahong walang-wala siya.

Advertisement