
Gustong-Gustong Makuha ng Coach na Ito ang Papremyo, Sumuko ang mga Manlalaro Niya sa Ginawa Niyang Pagpapahirap
“Coach, alas dos na po ng madaling araw, baka naman po pupwedeng pagpahingahin niyo na po ang mga manlalaro natin. Maaga pa po tayong bibiyahe bukas para palarong sasalihan nila,” sabi ng assistant coach na si Bernard saka pinakita sa kanilang coach ang kaniyang relo.
“Wala akong pakialam kahit pa alas singko na ng umaga! Nakita mo namang hindi pa panglaban ang kilos at galaw nila sa loob ng court, hindi ba? Kaya, kailangan pa nilang mag-ensayo para makuha natin ang tropeyo at perang papremyo!” sigaw ni Owen habang patuloy na sinesenyasan ang mga manlalaro na tumakbo.
“Mas mahihirapan po tayong makuha ang tropeyo at papremyong iyon kung papahirapan po natin nang maigi ang mga manlalaro natin. Kita niyo po, o, halos wala na silang lakas kakatakbo,” pangangatwiran nito na labis niyang ikinainis.
“Tumahimik ka riyan, ha? Hindi ko kailangan ng opinyon mo! Kung pagod ka na, umuwi ka na, hindi kita kailangan dito!” bulyaw niya pa rito saka ito tinulak palabas ng court at muling pinatakbo at pinag-ensayo ang mga hawak niyang manlalaro.
Halos mag-iisang dekada nang pinamumunuan ng lalaking si Owen ang isang grupo ng mga manlalaro ng basketball sa unibersidad na pinagtatrababuhan niya. Simula noong mahawakan niya ang iba’t ibang henerasyon ng mga manlalaro, buong puso na niyang inalay ang sarili at puso sa mga ito na talaga nga namang nakapagbibigay sa mga ito ng inspirasyon upang mas lalong gumaling sa paglalaro.
Kahit na abutin siya ng madaling araw sa pagsasanay sa mga ito, walang problema sa kaniya dahil isa lang ang nais niya– ang malaman ng buong bansa kung gaano kagaling ang mga manlalaro ng kanilang paaralan. Kaya naman, ngayong ilalaban sa isang pambansang palaro ang mga manlalarong hawak niya, talaga nga namang walang siyang sinayang kahit na isang oras.
Simula nang malaman niyang kabilang ang paaralan nila sa palarong iyon, araw-araw na niyang ineensayo ang kaniyang mga manlalaro dahil sa kagustuhan niyang makuha nila ang gintong tropeyo at ang malaking halaga ng pera.
Ilang beses man siyang pagsabihan ng assistant coach niya na baka masobrahan ang pag-eensayo ng mga manlalaro, lagi niyang wika rito, “Kailangan nating makuha ang mapapanalunang pera! Hayaan mo silang magpagod! Para sa kanila rin ‘yan!”
Nang araw na ‘yon, inabot ng alas kwarto ng umaga bago siya nagpasiyang pagpahingahin ang kaniyang mga manlalaro. Kitang-kita kung gaano hinang-hina ang mga ito, kaya sabi niya, “Maligo kayo agad pag-uwi niyo sa bahay para magising ang katawan niyo! Bumalik kayo rito ng alas sais ng umaga para maaga tayong makapunta sa lugar na pagdadausan ng palaro!” na ikinabuntong-hininga ng mga ito.
Maya maya pa, nagsimula na muling magsibalikan ang mga hinang-hina manlalaro. Ilang oras din ang inabot ng kanilang biyahe at pagkarating na pagkarating nila roon, agad niyang pinag-ensayo ang mga ito sa court.
“Wala tayong dapat sayanging oras! Dalian niyo, takbo!” sigaw niya sa mga ito, “Ikaw, Boy, galingan mo mamaya, ha? Ikaw ang inaasahan kong makakapagpanalo sa grupo natin!” sabi niya pa sa pinakamagaling na manlalarong hawak niya.
Kaya lang, bago pa magsimula ang laro, marami na sa kaniyang mga manlalaro ang umaatungal sa pagod na nararamdaman. Kahit pa ganoon, hindi niya ito inintindi. Sabi niya lang, “Ibigay niyo ang galing niyo ngayong araw. Pangako, bukas, magpapahinga kayong lahat! Kahit isang linggong pahinga, ibibigay ko sa inyo!”
Paglipas ng halos isang oras, tuluyan na ngang nagsimula ang kanilang laban. Kaya lang, wala pang dalawang minuto, bigla na lang tumumba ang pinakamagaling niyang manlalaro.
“Boy! Ano ba ‘yan? Tayo!” sigaw niya rito, ngunit imbis na tumayo ito, bigla na lang itong nawalan ng malay na ikinataranta nilang lahat.
Pagkadala sa manlalarong iyon sa ospital, muling pinagpatuloy ang laro ngunit siya’y labis na nanggagalaiti dahil bente na ang iskor ng kalaban, wala pa ring iskor ang manlalaro niya.
“Wala na, talo na tayo! Sinayang niyo ang oportunidad na magkaroon kayo ng malaking pera!” sigaw niya sa mga ito nang siya’y magpatawag ng time-out.
“Hindi namin kailangan ang pera, pahinga ang kailangan namin! Hindi na ikaw ‘yong coach na nakilala namin!” sigaw ng isang manlalaro sa kaniya saka umalis ng court. Sinundan ito ng ibang manlalaro hanggang siya na lang ang maiwan doon.
Dahil doon, tuluyan silang natanggal sa kompetisyong iyon. Hinayang na hinayang man siya, paulit-ulit na tumakbo sa isip niya ang sinabi ng naturang binata dahilan para siya’y labis na mangonsensya.
“Masyado nga siguro akong nahayok sa pera, napabayaan ko na ang mga manlalaro ko,” mangiyakngiyak niyang sabi saka siya nagdesisyong humingi ng tawad sa mga ito.
Hindi man niya agad na nakuha muli ang tiwala ng mga ito, ginawa niya ang lahat para muling mapamahal ang mga ito sa larong basketball. At dahil nga napamahal na rin ang mga manlalaro sa kaniya at sa laro, paglipas ng isang buwan, muling bumalik ang mga ito at nag-ensayo kasama niya.
“Salamat sa Diyos! Pangako, magiging mabuting coach na ako ulit! Salamat, mga anak ko!” sabi niya sa mga ito nang may galak sa mukha.
Simula noon, hindi niya na nga muling pinahirapan nang wala sa lugar ang kaniyang mga manlalaro. Hindi man siya magandahan sa galaw ng mga ito bago ang laro, pinagkakatiwala na lang nila sa Itaas ang magiging resulta nito. Sa ganoong paraan, napapamahal na sa kaniya ang mga ito, wala pang nahihirapan ni isa sa kanila.