
Pinandidirihan na ni Mister ang Misis nang Ito ay Tumaba, Nanikip ang Dibdib Niya sa Pagganti Nito
“Mahal, aalis ka na naman? Saan ang punta mo ngayon? Pupwede mo ako isama o kahit man lang hayaan mo muna akong makatulog bago ka umalis?” paglalambing ni Minda sa kaniyang asawa saka niya ito niyakap, isang gabi nang makita niya itong nag-aayos ng sarili.
“Ano bang kaartehan ‘yan, Minda? Tigilan mo nga! Hindi bagay sa isang katulad mo ang mag-inarte nang gan’yan,” galit na tugon ni Jeff habang nagpupumiglas sa pagkakayakap ng asawa.
“Lagi mo na lang sinasabi sa akin ‘yan simula noong tumaba ako! Pero, noong bago tayo ikasal kung saan sexy pa ang katawan ko, gustong-gusto mong naglalambing ako sa’yo!” sabi nito na ikinangisi niya at iling niya.
“Mabuti alam mo! Nakakaumay ka na kasing tingnan, sa totoo lang!” sigaw niya rito dahilan para bahagya itong mapabitaw sa pagkakayakap.
“Itong katabaan ko ba ang dahilan kung bakit ayaw mo na akong makasama sa kama?” tanong nito.
“Oo, ngayong alam mo na, bitawan mo na ako dahil kinikilabutan ako sa taba mo! Tingnan mo pa ‘yang batok at kilikili mo, sobrang itim na! Sinong gaganahan sa’yo?” wika niya pa saka tuluyang umalis sa kanilang silid at nagtungo sa bar kung saan naghihintay ang kaniyang mga kaibigan.
Magdadalawang taon pa lang ang nakalipas simula nang ikasal ang magkasintahang si Jeff at Minda. Sa edad na bente dos anyos, hindi sila natakot na pumasok sa mundo ng pag-aasawa dahil nga bukod sa mahal na mahal nila ang isa’t isa, mayroon na silang malaking ipon dahil sa tinayo negosyo ng dalaga simula pa lang noong unang taon nila sa relasyon.
Wala nang mas sasaya pa sa kanilang dalawa dahil araw-araw, mayroon silang nahuhugot na pera, magkasama sila sa pangarap nilang bahay, at patuloy na lumalago ang kanilang negosyo.
Kaya lang, simula nang tumaas ang timbang ng asawa ni Jeff dahil sa pagkaabala sa kanilang negosyo, unti-unti siyang nawalan ng ganang makatabi ito sa kama. Tila bigla siyang nandiri sa katawan nito dahilan para gabi-gabi siyang magpunta sa bar para lang mailabas ang kaniyang pagkalalaki.
Pagsabihan man siya ng matalik niyang kaibigang mali ang ginagawa niya, sagot niya palagi rito, “Edi ikaw ang makipaglambingan sa babaeng ‘yon nang malaman mo kung gaano siya nakakaumay!”
Nang gabing iyon, narinig niya mang todo hagulgol ang kaniyang asawa sa mga sinabi niya, tumuloy pa rin siya sa pagpunta sa bar upang makahanap ng babaeng sisip*ng@n.
Katulad ng nakasanayan niya, uminom muna siya nang kaunting alak kasama ang kaniyang mga kaibigan saka nagrenta ng isang bayarang babae na dinala niya sa isang motel.
Bandang alas sais ng umaga, siya’y nagpasiya nang umuwi upang tuluyan nang makapagpahinga. Kaya lang, pagdating niya sa kanilang bahay, labis siyang nagtaka sa sabog-sabog na gamit sa sala ng isang lalaki.
Patungo ang mga damit sa silid nila ng kaniyang asawa at halos lumuwa ang mata niya nang makita sa aktong naglalambingan ang kaniyang asawa at matalik na kaibigan.
“Mga walang hiya kayo!” sigaw niya kaya biglang naghiwalay ang dalawa.
Ngunit ikinagulat niya ang sabi ng asawa.
“Masakit bang makita? Ako kasi, gabi-gabi kong nakikitang may kasama ka sa motel na pagmamay-ari ng kaibigan ko,” sabi nito na ikinatulala niya.
Magsasalita pa lang sana siya, biglang sumabat ang pangisi-ngisi niyang kaibigan.
“Hindi ko maintindihan kung bakit nagrerenta ka pa ng babae kung mas magaling at malinamnam naman ang asawa mo,” sambit nito na labis niyang ikinagalit dahilan para sapukin niya ito.
Ngunit dahil nga siya’y nanghihina sa kaniyang nakita, siya ang nabugb*g nito. Akala niya, siya’y ipagtanggol ng asawa ngunit nagsindi lang ito ng sigarilyo habang pinapagmasdan siyang mabugb*g.
Doon niya labis na pinagsisihan ang lahat ng kasalanang ginawa niya sa kaniyang asawa. Isang beses lang niya nakitang nakikipags*p*ng ito sa iba na malayong-malayo sa gabi-gabi nitong nakikita pero iba ang sakit na nararamdaman niya dahil hindi niya lubos akaling ang malambing at mabait na babaeng pinakasalan niya, magagawa siyang gantihan.
Pagkatapos ng kaguluhang iyon, agad na siyang pinalayas nito. Magrereklamo sana siya nang ipaaalala nito na wala nga pala siyang inambag sa bahay na ito dahil hindi siya tumutulong sa kanilang negosyo.
Labis man siyang nagmakaawa sa harap nito, ngumiti lang ito at iniabot sa kaniya ang isang envelope na naglalaman ng mga dokumento hingil sa kanilang paghihiwalay.
Wala siyang ibang magawa noon kung hindi ang maiyak at mabaliw dahil sa sakit na kaniyang nararamdaman pero dahil nga nakapagdesisyon na ang kaniyang asawa, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang bumalik sa kaniyang mga magulang at doon pagsisihan ang lahat.
“Kung naging isang mabuting asawa lang sana ako, sana, masaya ang buhay ko ngayon,” iyak niya sa kaniyang ina na hindi lubos makapaniwala sa ginawa niya sa asawa.