Namalimos ang Binatilyo sa Lalaki at Nanghingi ng Barya; Sobra-Sobrang Biyaya ang Ibinigay Nito

Namalimos ang Binatilyo sa Lalaki at Nanghingi ng Barya; Sobra-Sobrang Biyaya ang Ibinigay Nito

InspiringStoriesSuccess

“Kuya, nagugutom na ako!” ingit ng bunsong kapatid ni Deo na si Kara.

“Kaunting tiis lang, makakakain din tayo. Kulang pa kasi itong pera natin,” sagot ng binatilyo.

Ulila na ang magkapatid kaya silang dalawa na lamang ang magkasama. Dahil pitong taong gulang pa lang ang kapatid at si Deo naman ay hindi na nakapagpatuloy sa pag-aaral ay ang pamamalimos sa lansangan ang kanilang ikinabubuhay. Sinubukang maghanap ng trabaho ng binatilyo ngunit walang tumatanggap sa kaniya dahil siya ay may kapansanan. Ipinanganak siya na isa lamang ang braso at kamay kaya kinukuha na lang nila sa pamamalimos ang kakainin nilang magkapatid sa araw-araw.

“Ale, ale, palimos po! Kahit kaunting barya lang po para pambili namin ng pagkain ng kapatid ko,” wika ni Deo sa dumaraang babae.

“Wala akong barya, eh. Sorry, bata!” tugon ng ale.

Ilang oras na rin silang naghihintay sa tabi ng kalsada ngunit walang nagbibigay ng limos sa kanila. Ang tatlong pisong barya na nasa loob ng baso ni Deo ay kulang pang pambili ng biskwit o tinapay man lang para sa kapatid niya.

Bigla siyang kinalabit ng kapatid na si Kara.

“Kuya, kumakalam na ang sikmura ko!”

“Kaunting tiis pa, Kara. Ilang barya na lamang ang kailangan natin para makabili tayo ng pagkain. Maghintay pa tayo kahit saglit,” sagot ng nakatatandang kapatid.

“Kanina pa tayo naghihintay rito, pero hindi naman nadaragdagan ang pera natin sa baso,” sambit pa ni Kara.

“Magtiwala ka lang. May darating din na tutulong sa atin.”

Maya-maya ay may isang lalaki ang dumaan sa harapan nila.

“Mama, mama, pahingi naman po ng kaunting barya. Pandagdag lang po para sa pambili namin ng pagkain,” sabi ni Deo sa lalaki.

Napansin nito ang kapansanan ng binatilyo kaya agad itong lumapit.

“Nasaan ang mga magulang ninyo?” tanong ng lalaki.

“Wala na po kaming mga magulang. Pumanaw na po sila kaya kami na lamang magkapatid ang magkasama.”

“Matagal na ba ninyong ginagawa ang panlilimos?”

“Opo. Ito lang po kasi ang mapagkakakitaan namin. Hindi naman po ako matanggap sa trabaho dahil sa aking kapansanan,” buong kababaang loob na sagot ng binatilyo.

“Hindi na rin ba kayo nakakapag-aral na magkapatid?” dagdag na tanong ng lalaki.

“Hindi na rin po. Mula nang pumanaw ang mga magulang namin ay nahinto na kami sa pag-aaral.”

“Ang mabuti pa ay hintayin niyo ako rito at babalik ako,” paalam ng lalaki.

“Mama, teka, kahit po limang pisong barya lang. Nagugutom na po kasi ang kapatid ko. Kanina pa po kami naghihintay rito, pero wala pong nanlilimos sa amin,” pangungulit ni Deo.

“Wala kasi akong dalang barya. Hintayin niyo ako rito, babalik ako,” giit ng lalaki.

Walang nagawa ang magkapatid kundi hayaan itong makaalis at hintayin ang pagbabalik nito, ngunit mahigit isang oras na ang lumipas pero hindi pa rin bumabalik ang lalaki. Wala na ring may gustong manlimos sa kanila nang araw na iyon. Hindi pa rin nadaragdagan ang pera nila sa baso.

“Kuya, babalik pa ba ‘yung mama?” tanong ni Kara.

“Mukhang hindi na siya babalik. Niloko lang yata tayo nung mama. Hayaan mo na. Lipat na lang tayo ng ibang puwesto. Baka sa kabilang kanto ay suwertehin na tayo.”

Tangkang aalis na sila nang biglang may humintong kotse sa harapan nila. Lumabas sa sasakyan ang lalaking kausap nila kanina.

“O, saan kayo pupunta? Sabi ko’y hintayin ninyo ako, ‘di ba?” tanong ng lalaki.

“Akala po namin ay hindi na kayo babalik. Lilipat na po sana kami ng puwesto para manlimos,” sagot ni Deo.

“Sabi ko sa inyo ay hintayin niyo ako, eh. Ako nga pala si Arvin at isa akong negosyante. Ano nga palang pangalan ninyo?” pakilala ng lalaki.

“Ako po si Deo at siya naman po ang kapatid kong si Kara.”

“O, heto’t kunin ninyo ang mga ito!” Inilabas ng lalaki sa sasakyan ang mga plastik bag na punumpuno ng pagkain at mga pinaglumaang damit. “Sa inyo na lahat ang mga ‘yan. Isinama ko na riyan ang mga lumang damit ng kapatid kong lalaki at babae baka may magkasya sa inyong dalawa,” hayag ng lalaki.

“Talaga po? Para po sa amin itong lahat?!”

Manghang-mangha ang magkapatid. Hindi nila inakala na ang hinihingi nilang barya sa lalaki ay tinumbasan nito ng mga pagkain at damit. Bukod doon ay inabutan pa sila ng pera na panggastos nila. Tinulungan din ng lalaki si Deo na makahanap ng trabaho. Naipasok siya nito bilang staff sa pabrika ng tela na pagmamay-ari ng kaibigan nito. Tinulungan din sila ng lalaki na muling makapag-aral. May kakilala ito na may-ari ng isang eskwelahan kaya ipinakiusap ng lalaki na roon na sila mag-aral na magkapatid. Huminto na rin sa pamamalimos ang dalawa. Sobra-sobra ang pasasalamat nina Deo at Kara sa lalaking tumulong sa kanila.

“Maraming salamat po sa lahat nang naitulong niyo sa amin,” sambit ni Deo.

“Thank you po dahil nagkatrabaho na si kuya at nakapag-aral din po kami,” sabi naman ni Kara.

“Walang anuman. Galing din kasi ako sa wala noon. Dati rin akong palaboy sa lansangan na nabigyan ng pagkakataong makapagbagong buhay at umasenso. Kaya ko kayo tinulungan ay dahil gusto kong maranasan din ninyo ang naranasan ko. Hindi pa huli ang lahat para magtagumpay sa buhay. Ibinabalik ko lang ang tulong na ibinigay noon sa akin,” sagot ni Arvin sa magkapatid.

Hindi naman pinahiya ng magkapatid ang lalaki. Pinaghusayan ng dalawa ang pagtatrabaho at pag-aaral upang balang araw ay sila naman ang makatulong sa iba pang nangangailangan.

More Stories