Paborito ng mga Magulang ng Babae ang Manliligaw na Binata; Ikinagimbal Nila ang Itinatago Nitong Lihim

Paborito ng mga Magulang ng Babae ang Manliligaw na Binata; Ikinagimbal Nila ang Itinatago Nitong Lihim

HeartbreakingMysteryStories

“Nag-abala ka pa, hijo,” wika ni Mang Luis.

“Kaunting regalo lang po para sa inyo,” magalang na sabi ni Rupert sa ama ni Criselda nang minsang dumalaw ito sa kanilang bahay para manligaw sabay mano sa lalaki at abot ng isang plastik bag na may mga lamang manggang hinog.

“Alam na alam mo talaga ang paborito namin, Rupert. Halika, hijo, tumuloy ka at nagluto ako ng masarap na hapunan,” sabad naman ni Aling Melisa na giliw na giliw sa guwapong manliligaw ng anak.

“Salamat po. Mukhang masarap po talaga ‘yang niluto niyo. Ang bango ng amoy,” tugon nito sabay mano rin sa ina ng dalaga.

“Talaga? Naku, ang galing ng pang-amoy nitong future manugang ko, Criselda!”

“Tama na ‘yan, inay. Lumalaki na ang ulo ni Rupert sa inyo ni itay,” sambit ng dalaga.

Gustung-gusto at paborito ng kaniyang mga magulang ang manliligaw dahil sa magalang at sobrang marespeto nito. Pinipilit na nga siya ng mga ito na sagutin ang binata ngunit pinag-iisipan pa niya iyon. Ayaw niyang magpadalus-dalos sa gagawing desisyon. Sang-ayon naman sa kaniya ang kababata niyang si Santi.

“Pag-isipan mo munang mabuti, Criselda. Kasi kung ako ang tatanungin mo, duda talaga ako sa lalaking ‘yon, eh,” sabi ng binata.

“Bakit naman?”

“Masama ang kutob ko sa lalaking ‘yon. Kahit noong una ko siyang makilala ay nakaramdam na ako ng hindi tama sa kaniya. ‘Di ko alam, pero parang may itinatago siya.”

Natawa lang si Criselda sa sinabi ng kababata.

“Masyado kang judgmental! Iyan ang napapala mo sa kakabasa at kakapanood mo ng mga nakakatakot na babasahin at palabas kaya kung ano-ano na ang naiisip mo. Mabait si Rupert. Magalang at marespeto pa, kaya imposible ‘yang sinasabi mo,” giit ng dalaga.

“Ewan ko, Criselda, pero hindi pa ako nagkakamali sa kutob ko.”

Isinawalang bahala ni Criselda ang paalala ng kababata. Hindi naman kasi madaling paniwalaan na gagawa ng hindi maganda ang manliligaw. Matagal na rin niyang kilala si Rupert. Magkasama sila sa trabaho at napakabait nito sa lahat ng kasama nila sa opisina. Kahit kailan ay hindi ito nagkaroon ng kaaway dahil sa pagiging pasensyoso ng lalaki. Marami nga itong kaibigan na gustung-gusto itong kasama. Kapag dumadalaw nga ito sa bahay nila ay gusto ng lalaki na ito na lamang ang magluto imbes na ang kaniyang ina. Ayaw raw nitong napapagod ang nanay niya sa tuwing dumadalaw ito. Magkasundong-magkasundo rin ang lalaki at ang tatay niya sa lahat ng bagay.

Araw ng Sabado, ginising siya ni Aling Melisa sa higaan at pinagmamadaling bumangon.

“Anak, gising na, gising!”

“Bakit po inay? Wala naman pong pasok ngayon,” pupungas-pungas na sambit ni Criselda sa ina.

“Di ba, ngayon ang kaarawan ni Rupert? Hindi mo ba naalala?”

Saka lamang naalala ng dalaga na kaarawan nga ng kaniyang manliligaw. Nagulat pa siya dahil mas naalala pa ng nanay niya ang kaarawan nito kaysa sa kaniya.

“Gusto kong ibigay mo ito sa manliligaw mo. May ginawa akong chocolate cake. Nag-bake ako ng espesyal na cake para sa aking future manugang.”

“Nag-abala pa kayo, inay.”

“Siyempre naman, hija. Para iyan sa mamanugangin ko kaya ano pang hinihintay mo riyan? Sorpresahin mo na siya sa bahay niya at dalhin mo itong ginawa kong cake. Dahil kaarawan niya ngayon, ikaw naman ang dumalaw sa kaniya. Palagi na lamang siya ang dumadalaw rito sa atin. Saka kawawa naman ‘yung tao, wala siyang ibang kasama, ‘di ba? Sabi niya ay wala na siyang mga magulang at ulilang lubos na? Kaya samahan mo siya, hija ngayong kaarawan niya,” tugon ng ina.

Biglang nakunsensiya si Criselda. Oo nga naman, kahit kailan ay hindi kinalimutan ni Rupert ang kaarawan niya. Palagi itong pumupunta sa kanila at gumagawa ng effort na mapasaya siya. Pati kaarawan ng mga magulang ay hindi nito nakakalimutan at pinapalagpas. Dumadalaw ito at nagbibigay pa ng mga regalo. Naisip niya na siya naman ang dadalaw rito para sorpresahin sa kaarawan nito. Ang totoo ay unang beses palang siya makakapunta sa bahay ng lalaki. Kahit minsan ay hindi pa siya nito isinasama sa bahay nito. Mabuti na lamang at alam niya ang address. Lingid sa kaalaman niya ay sunundan siya ni Santi nang makita nitong umalis siya.

Ilang minuto lang ay narating na niya ang bahay ng manliligaw. Nag-doorbell siya at agad na may nagbukas ng pinto.

“C-Criseda?” A-anong ginagawa mo rito?!” gulat na tanong ng lalaki.

“Surprise! Happy birthday, Rupert! Sinadya talaga kitang dalawin dito sa bahay mo para batiin ka. Nga pala, may ipinabibigay sa iyo si, inay. Chocolate cake ito na siya mismo ang nag-bake,” wika niya sa lalaki.

“Salamat! Nag-abala pa kayo. Pasok ka muna sa loob!” yaya ng lalaki.

Bumungad kay Criselda ang malaking sala. Kung titingnan ay maliit ang bahay na iyon sa labas ngunit malaki pala sa loob.

“Maupo ka muna. Pasensiya ka na kung hindi man lang ako nakapaghanda. Ikaw kasi, binigla mo ako. Hindi ka man lang nagsabing pupunta ka.”

“Sinorpresa talaga kita. Nahihiya kasi ako sa iyo na sa tuwing kaarawan ko ay hindi mo nakakalimutang batiin ako kaya ngayon, ako naman ang dumalaw sa iyo. Ikaw talaga, ang ganda pala ng bahay mo, kahit minsan ay hindi mo pa ako isinama rito!” sabi niya sa lalaki.

“Eh, kasi nire-renovate pa itong bahay ko kaya hindi kita naisasama rito. Saka nakakahiya sa parents mo. Dadalhin kita rito, eh manliligaw mo pa lang ako,” sagot ni Rupert.

Maya-maya ay nagpaalam ito.

“Hintayin mo ako rito at bibili lang ako ng makakain natin sa labas. Saglit lang ako. Huwag kang aalis diyan. Just relax and feel at home, okay?”

Tumango lamang si Criselda at hinayaang lumabas ng bahay ang lalaki. Nang biglang nakaramdam siya ng tawag ng pangangailangan…

“Naiihi ako!”

Sinubukan niyang tawagan si Rupert sa cell phone ngunit hindi ito sumasagot kaya napilitan siyang tumayo sa kinauupuang sofa at nilibot ang buong bahay para maghanap ng CR.

Dire-diretso siyang naglakad sa kahabaan ng pasilyo hanggang sa marating niya ang kusina. Napansin niya ang isang pinto sa gilid ng lababo. Binuksan niya iyon sa pag-aakala na iyon ang CR ngunit laking gulat niya nang makitang mayroong hagdaan doon patungo sa ilalim ng bahay.

“Ito kaya ang daan papunta sa CR? Nakakatakot naman at ang dilim. At teka, ang baho ng amoy rito,” bulong niya sa isip.

Dahil ihing-ihi na ay nagmamadali na siyang bumaba sa hagdan. Ginamit niya ang flashlight sa cell phone niya para bigyan ng liwanag ang binababaan niya. May nakapa siyang switch ng ilaw at agad niya iyong pinindot. Nang tuluyang magliwanag ang lugar kung saan siya naroon ay ikinagimbal niya nang makita ang isang matandang babae na naka-kadena ang mga paa at mga kamay. Mahaba ang buhok nito na natatakpan na ang mukha. Puno rin ng mga galos at sugat ang mga paa, braso at hita ng babae. Amoy na amoy rin niya ang masangsang at mabahong amoy sa loob ng silid na iyon na parang kulungan dahil sa mga nagkalat na dumi ng tao at panis na pagkain. Halos masuka ang dalaga sa naabutan niya.

“Diyos ko! Sino kayo?! Ano’ng ginagawa niyo rito?!” tanong niya sa babae.

“Tulungan mo ako! Matagal na akong ikinukulong dito ng aking anak,” mangiyak-ngiyak na sagot ng matanda sa paos na boses.

“A-anak? Kayo ang…”

Hindi na nakapagsalita si Criselda dahil biglang dumating si Rupert at nakita nitong kausap niya ang babae.

“Ano’ng ginagawa mo rito? Bakit ka pumunta rito?!” wika ng lalaki sa galit na tono.

“Pupunta sana ako sa CR, pero dito ako napadpad. Tama ba, Rupert na siya ang iyong ina? Bakit mo siya kinukulong dito? Bakit ganyan ang kalagayan niya?”

“Wala kang alam. Hindi mo alam kung gaano kawalang kwenta ang babaeng ‘yan. Siya ang dahilan kung bakit namat*y si papa. Dahil sa makating babaeng’ yan!” gigil na sambit ni Rupert.

“Tama na, anak. Alam kong malaki ang kasalanan ko sa inyo ng papa mo. Niloko ko siya at pumatol ako sa ibang lalaki kaya nawala ang papa mo, kasalanan ko, anak, pero matagal ko nang pinagbayaran at pinagsisihan ang lahat. Patawarin mo na ako,” pagmamakaawa ng ina.

“Hindi! Dapat lang na mangyari sa iyo ‘yan. Gusto ko, dahan-dahan kang naghihirap hanggang sa unti-unti kang mamat*y!” mangiyak-ngiyak ngunit natatawang sagot ng lalaki habang dinampot nito ang isang malaking gulok sa gilid ng pader.

“Ngayong alam mo na ang sikreto ko, siguro ay panahon na para dispatsahin ko na kayong dalawa!”

Bago pa man nakalapit ang lalaki ay may humampas sa ulo nito na agad nitong ikinabuwal hanggang sa mawalan ng malay.

“Santi?”

Dumating ang kaniyang kababata.

“Ligtas na kayo. Mabuti na lamang at sinundan kita sa pag-alis mo kanina. Kinutuban ako ng masama kaya hindi ko hinayaan na magpunta ka rito na nag-iisa. Nang lumabas siya ay sumalisi ako sa pagpasok sa loob at nagtago,” sabi ng binata.

“Maraming salamat, Santi! Tama ka, hindi ako dapat nagtiwala sa kaniya,” tugon ni Criselda na agad na yumakap nang mahigpit sa kababata.

“Hindi ko kailanman hahayaan na may masamang mangyari sa iyo.”

Ipinagbigay-alam nila sa mga awtoridad ang nangyari. Dinala sa ospital ang ina ni Rupert para magamot. Ipinasok naman ang lalaki sa mental institution. Napag-alaman nila na nasiraan ng bait ang lalaki nang pumanaw ang ama nito. Inatake sa puso ang ama nang malamang may ibang lalaki ang ina. Ginawang miserable ni Rupert ang buhay ng sariling ina. Binubugbog, ginugutom at ikinulong sa mahabang panahon na siyang ganti nito sa kasalanang ginawa ng ina. Imbes na magalit ay nakaramdam ng awa si Criselda kay Rupert at sa ina nito kaya hindi na siya nagsampa ng reklamo laban sa lalaki.

Ikinawindang din ng mga magulang niya ang nangyari. Laking panghihinayang ng mga ito sa lalaking manliligaw niya ngunit sa ‘di inaasahang pagkakataon ay napagtanto ni Criselda na mayroon palang tao na lubos na nagmamalasakit at nag-aalala sa kaniya. Iyon ay walang iba kundi si Santi.

Matagal na pala itong may pagtingin sa kaniya. Hindi lang siya nililigawan ng binata dahil magkababata sila.

“Kung noon mo pa sinabi, eh, ‘di sana ay girlfriend mo na ako,” sabi ni Criselda sa kababata.

“Hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob dahil baka kaibigan lang ang tingin mo sa akin. Ang totoo’y noon pa ako may nararamdaman sa iyo.”

“Salamat ulit, Santi. Na-realize ko kung gaano ako kahalaga sa iyo. Hayaan mo, simula ngayon ay maaari mo na akong ligawan. Pati sina itay at inay ay ligawan mo rin, ha?”

Tuwang-tuwa ang binata sa sinabi niya. Sa wakas ay nagkaroon na ito ng pag-asa sa puso ng dalaga. Nawala man si Rupert ay may pumalit naman na higit na karapat-dapat sa pagmamahal niya.

More Stories