Pinaghinalaan ng Lalaki ang Ikalawang Asawa na Sinasaktan Nito ang Kaniyang Anak; Napaiyak Siya Nang Makita sa CCTV ang Totoong Ginagawa Nito

Pinaghinalaan ng Lalaki ang Ikalawang Asawa na Sinasaktan Nito ang Kaniyang Anak; Napaiyak Siya Nang Makita sa CCTV ang Totoong Ginagawa Nito

FamilyLoveStories

“Dalawang taon pa lang mula nang pumanaw si Elvira. Pinalitan mo na siya agad?!” gulat na tanong ni Norma sa anak na si Tristan.

“Mama, mahal ko po si Cindy. Alam kong nauunawaan ako ni Elvira sa aking desisyon kung saan man siya naroroon ngayon. Kailangan ko rin ng makakasama para mag-alaga at magpalaki sa aming anak,” sagot ng lalaki.

Ilang taon pa lang nang ma-biyudo si Tristan. Pumanaw ang kaniyang asawa sa panganganak, pero may ipinakilala na agad siyang babae sa mga magulang at gusto na niya itong pakasalan. Hindi naman sang-ayon ang mama at papa niya sa ideyang iyon.

“Kakakilala mo pa lang sa babaeng ‘yon, papakasalan mo na agad? Eh, sa pagmumukha pa lang niya ay wala na akong katiwa-tiwala!” inis na sabi ng ina.

“Anak, pag-isipan mo muna ang muling pagpapakasal. Baka nabibigla ka lang. Baka sobra ka pa ring nasasaktan nang mawala si Elvira,” sabat naman ng amang si Edgardo.

“Buo na po ang desisyon ko. Magpapakasal na kami ni Cindy sa ayaw at sa gusto ninyo. Kung hindi ninyo ako susuportahan, kayo po ang bahala. Mahal ko siya at kailangan ko siya kaya itutuloy ko ang aming kasal,” matapang na tugon ng lalaki.

Walang nagawa ang mga magulang niya at natuloy rin ang kasal. Simple lang ang selebrasyon dahil iyon daw ang gusto ng babae. Kahit asawa na nito ang lalaki ay hindi pa rin tanggap nina Norma at Edgardo ang napangasawa ng kanilang anak. ‘Di kasi makapaniwala ang mag-asawa kung ano ang nagustuhan ni Tristan sa babaeng pinakasalan nito. Hindi man lang nakapagtapos ang babae sa high school. Nakilala lang daw ito ni Tristan sa isang restaurant. Isa lang hamak na serbidora ang babae na nakagaanan ng loob ng lalaki at pinakasalan agad. Maganda naman ang babae ngunit para sa kanila ay hindi nito ka-lebel ang kanilang anak na top notcher sa Board Exam, Magna Cum Laude pa nang magtapos sa kolehiyo at isang ganap na inhinyero. Wala rin itong binatbat sa kalingkingan ng yumao nitong asawa na isang mahusay na guro. Nakakahalata rin ni Cindy na ayaw sa kaniya ng mga magulang ni Tristan.

“Nararamdaman ko na hindi ako gusto ng mama at papa mo, Tristan,” wika nito.

“Hayaan mo na sila. Hindi naman sila ang makikisama sa iyo. Masasanay rin sila, kaunting pasensya lang, hon,” tugon ng lalaki.

Ngunit talagang desidido ang mag-asawang Norma at Edgardo na paghiwalayin ang dalawa kaya siniraan nila ang babae sa kanilang anak.

“Naku, Tristan, nang dumalaw kami ng papa mo sa bahay niyo ay naabutan namin ang magaling mong asawa na sinasaktan ang anak niyo ni Elvira!” galit na sabi ng ina.

“Hindi po magagawa ni Cindy ang ibinibintang niyo, mama.”

“Totoo, anak. Huling-huli namin na pinagmamalupitan ng babaeng ‘yon ang aming apo. Ayaw mo pang maniwala, eh, kitang-kita ng dalawang mata namin ng mama mo!” gatol ng ama.

Kinagabihan ay pinuntahan ni Tristan ang kwarto ng anak para silipin. Naabutan niya itong mahimbing na natutulog. Napansin niya na may mga galos sa binti ang bata.

“Diyos ko! Tama yata ang sinabi nina mama!”

Nagkaroon siya ng hnala na totoo ang isinumbong ng mga magulang na pinagmamalupitan ni Cindy ang kaniyang anak kaya palihim siyang naglagay ng CCTV sa lahat ng sulok ng bahay para mapatunayan ang bintang sa bagong napangasawa.

“Hindi kita mapapatawad, Cindy kapag nalaman kong sinasaktan mo nga ang anak ko,” bulong niya sa isip.

Habang nasa opisina ay muling tumawag ang mga magulang niya para paalalahanan siya tungkol sa bagong asawa.

“Tristan, hindi kami papayag na magtagal pa sa bahay mo ang babaeng nananakit sa apo namin. Gumawa ka ng paraan!” giit pa ni Norma sa anak.

“Kami na lamang ang mag-aalaga sa aming apo. Hindi niya kailangan ng bagong ina. Magisip-isip ka nga, anak. Hindi niya tunay na anak si Francis kaya ayos lang sa kaniya na saktan ang bata,” sabad pa ng ama sa kabilang linya.

Pag-uwi sa bahay ay agad niyang tiningnan sa CCTV ang mga pinaggagagawa ni Cindy sa bahay at sa kaniyang anak.

Nang mapanood iyon ay hindi niya napigilang maiyak sa ginagawa ng asawa habang siya ay nasa trabaho. Wala palang ginawa si Cindy buong maghapon kundi gumawa ng mga gawaing bahay. Naglalaba, nagluluto, naglilinis at kung anu-ano pa.

Inaalagaan din nito ang kaniyang anak. Pinapakain, pinapaliguan at nilalaro. Magkasundung-magkasundo ang babae at ang anak niya na kabaligtaran sa sinabi ng mama at papa niya. Nakita rin nitong pinapahiran ng gamot ng babae ang mga galos nito sa binti. Kinausap niya si Cindy tungkol doon at nagulat siya sa isinagot nito.

“A, iyon ba? Napakakulit kasi ni Francis kapag naglalaro kaya hindi maiwasan na magkaroon ng galos sa binti ‘yung bata. Araw-araw ko namang pinapahiran ng ointment para matuyo,” tugon ng babae.

Napagtanto ni Tristan na hindi totoo ang mga ibinibintang ng mga magulang laban kay Cindy. Napatunayan niya na isa itong mabuting maybahay at ina sa kaniyang anak kahit hindi nito tunay na anak ang anak niya. Napahiya naman ang mama at papa niya nang mapanood sa CCTV ang totoong ginagawa ng asawa sa bahay at sa bata. Umamin naman ang dalawa na nagawa lamang na siraan ang babae dahil ayaw ng mga ito na muli siyang mag-asawa. Humingi naman ng tawad ang mga magulang kay Cindy at nangakong papakisamahan na ito nang maayos.

Mula noon ay mas minahal at mas pinagkatiwalaan ni Tristan ang asawa dahil lahat ay ginagawa nito para magampanan ang responsibilidad bilang asawa niya at ina sa kaniyang anak.

More Stories