Halos Perpekto na ang Buhay ng Dalaga Dahil Nasa Kaniya na ang Lahat; Isang Hindi Inaasahan na Landas Pala ang Nakatakda sa Kaniya

Halos Perpekto na ang Buhay ng Dalaga Dahil Nasa Kaniya na ang Lahat; Isang Hindi Inaasahan na Landas Pala ang Nakatakda sa Kaniya

InspiringMiracleStories

Wala nang mahihiling pa si Aimee sa buhay niya. Masaya at kontento na siya kung ano ang mayroon siya. Kilala ang kaniyang pamilya sa kanilang lugar. Siya ang pinaka-paborito at bunsong anak ng kaniyang mga magulang.

Sino ba naman ang hindi magmamahal sa dalaga? Mabait, maganda, napakatalino at napakamasunuring anak ni Aimee. Lahat ay nagigiliw sa kaniya.

“Happy 6th anniversary, babe!” magiliw na bati ng kaniyang nobyo kay Aimee sabay halik sa kaniyang pisngi at ibinigay sa kaniya ang isang tangkay ng mga puting rosas. Ito kasi ang paboritong bulaklak ng dalaga.

“Happy anniversary!” ganting bati ng dalaga sa nobyo at ginawaran ang lalaki ng matatamis na ngiti.

Matagal nang magkasintahan ang dalawa. Pormal na niligawan ng nobyo ni Aimee ang dalaga at hiningi ang permiso ng pamilya nito.

Wala namang naging problema sa pamilya ng dalaga dahil nakikita naman nilang tapat ang binata sa layunin nito sa dalaga. Hindi rin naman pinababayaan ng dalawa ang kanilang pag-aaral kaya naman wala silang naging rason para tutulan ang relasyon ng dalawa.

Sa katunayan ay tinuturing na rin ng pamilya ng dalaga na miiyembro na ng kanilang pamilya ang binata. Kung sila ang tatanungin ay ang binata na ang gusto nilang makatuluyan ng kanilang pinakamamahal na anak. Alam kasi nila na labis na nagmamahalan ang dalawa at hindi magagawang saktan ng binata si Aimee.

Kakatapos lang ni Aimee sa kolehiyo noong isang taon. Nakapagtapos ang dalaga ng may maraming karangalang natanggap at gaya ng inaasahan ng karamihan ay agad niya din namang naipasa ang Licensure Exam nila kaya naman wala siyang problema pagdating sa paghahanap ng trabaho, siya pa nga ang pinipilahan ng trabaho sa katunayan.

“Alam mo sobrang swerte mo sa buhay ‘no? Parang wala kang problema sa mundo. Galing ka sa magandang pamilya, maganda, matalino, mabait at may mapagmahal na nobyo na handang gawin ang lahat para sa iyo,” madalas na sabihin ng mga kaibigan ni Aimee sa dalaga. Ngiti na lamang ang sinasagot ng dalaga sa tuwing naririnig ang mga katagang iyon.

Alam ng dalaga kung gaano siya pinagpala sa buhay at taos puso siyang nagpapasalamat sa Diyos sa mga biyayang kaniyang natatanggap sa araw-araw. Kaya nga pinili niya ang maging isang guro dahil gusto niyang maibahagi sa bagong henerasyon ang kaniyang mga natutunan sa kaniyang buhay. Gusto niyang maging parte sa paghuhubog ng mga bagong pag-asa ng bayan.

Mahilig din ang dalaga sa mga bata, katunayan ang tanging pangarap niya sa buhay niya maliban sa kagustuhang maging isang guro ay ang maging ina sa tatlong anak. Hindi niya naman daw kailangan ng marangyang buhay gaya ng inaasahan ng karamihan. Ang nais niya lamang ay mamuhay ng simple kasama ang kaniyang magiging pamilya at mamuhay ng masaya.

“Ilang araw ba kayo mananatili roon anak?” tanong ng ina ni Aimee isang gabi habang tinutulungan ang anak sa pag-eempake. Paalis kasi ang dalaga kinabukasan para dumalo sa isang pagtitipon ng mga guro ng iba’t ibang campus ng kanilang paaralang pinagtratranahuan.

“Tatlong araw lang po ma. Huwag po kayong mag-alala. Sigurado naman po akong ligtas doon. Tsaka marami naman po kaming kasama,” pagpapanatag ng dalaga sa loob ng kaniyang ina.

Kinabukasan ay maagang nagtungo si Aimee sa kanilang paaralan dahil doon sila magkikita-kita at susunduin ng kanilang school bus papunta sa isang retreat house kung saan gaganapin ang kanilang pagtitipon kasama ang ibang mga guro ng ibang campus.

Maghahapon na rin nang nakarating sila Aimee sa retreat house kung saan gaganapin ang kanilang pagtitipon. Pinagpahinga muna silang lahat at kaniya-kaniyang ayos muna ng kanilang mga gamit. Tatlong araw din silang mamamalagi doon. Kasama niya sa iisang kwarto ang dalawa ring guro sa kaniyang paaralang pinagtratrabahuan.

Halos magkakasing edad lamang silang tatlo at kung tama siya ay sina Roselia at Cherry ang pangalan ng dalawa. Dalaga pa si Roselia, samantalang si Cherry naman ay ikinakasal pa lamang nung huling taon at katatapos lamang manganak mga tatlong buwan na ang nakalilipas.

Mabilis na natapos ang dalawang araw. Bagama’t nag-eenjoy naman sa mga activities na kanilang ginagawa ay hindi mapigilan ni Aimee ang medyo mabalisa. May pakiramdam siyang may mangyayaring kakaiba sa gabing ito na tuluyang makapagbabago sa buhay niya nang tuluyan.

“Oh ‘sya Aimee at mauuna na kami sa may chapel ha? Bilisan mo na riyan at baka mahuli ka pa sa misa,” paalam ng dalawa bago tuluyan siyang iniwan at nauna na sa chapel ng retreat house kung saan gaganapin ang huling misa bago sila umalis at bumalik na sa kani-kanilang mga lugar. Ito na kasi ang kanilang huling gabi rito at uuwi na sila kinabukasan.

Nagsimula ang misa ng maayos at wala namang naging problema, hanggang sa binuksan at kinuha na ang lagayan ng ostya. Bigla na lamang napaiyak si Aimee ng may makita siyang mata sa loob ng munting lagayan na iyon. Hindi niya alam kung paano pero alam niyang mga mata iyon ng Diyos at habang nakatitig siya sa mga matang iyon at lumuluha ay para bang sinasabi Nito sa kaniya na “Anak, halika na sa tabi ko at pagsilbihan ako. Ito ang plano Ko sa buhay mo. Hali ka na at umuwi sa tabi Ko.”

Pagkatapos ng misa ay agad na dumiretso sa kaniyang silid si Aimee at habang lumuluha ay kumuha siya ng papel at gumawa ng sulat. Kinabukasan pagkauwi niya sa kanila ay kinausap niya ang kaniyang mga magulang kasama ang kaniyang mga kapatid at ang kaniyang nobyo.

“Ano? Sigurado ka ba d’yan anak?” hindi makapaniwalang tanong sa kaniya ng kaniyang ama. Tumango lamang ang dalaga. Hindi naman makapaniwala ang lahat sa kaniyang sinabi.

“Paano ako? Hindi ba at sa susunod na taon ay gusto mo na sanang ikasal?” nasasaktang pahayag naman ng kaniyang nobyo. Hinawakan ng dalaga ang kamay ng binata at tiningnan sila isa-isa bago malugod na nagsalita.

“Patawarin niyo sana ako. Kahit na ako ay nabigla rin sa mga nangyari. Hindi ko din alam kung bakit ako. Hindi ko man maipaliwanag sa inyo ng maayos sa paraang maiintindihan niyo ng lubos gaya ko pero sana ay magtiwala kayo sa akin na sigurado akong ito ang planong inilaan Niya para sa akin. Ito ang landas na dapat kong tahakin.”

Wala nang nagawa ang lahat dahil nakita nilang desidido na ang dalaga sa kaniyang desisyon. Wala nang nagawa ang lahat dahil nakita nilang desidido na ang dalaga sa desisyong kaniyang ginawa.

Pinakita ng dalaga ang sulat na kaniyang natanggap mula sa mga headquarters ng mga madre kung saan siya sumulat at inilathala ang nangyari sa kaniya at ang kaniyang nais na magsilbi na rin sa Diyos dahil alam niyang ito ang nais Niyang gawin ng dalaga sa kaniyang buhay.

Ilang araw lang din at pumasok na si Aimee sa kumbento kung saan niya inumpisahan ang kaniyang paglalakbay bilang isang ganap na tagasilbi sa Diyos. Hindi rin nagtagal ay naging ganap na rin siyang madre at naging tagapamahala ng ilang campus din. Nakapaglakbay din siya sa iba’t ibang mga bansa habang patuloy na ipinalalaganap ang salita ng Diyos.

Hindi man natupad ng dalaga ang kaniyang pangarap na magkaroon ng tatlong anak ay binigyan naman siya ng Diyos ng higit pa roon. Sa dami ng mga batang naalagaan at patuloy niyang inaalagaan ay pakiramdam niya ay hinigitan pa ng Diyos ang hiniling niya dahil hindi lang naging tatlo ang anak niya kundi libo-libo pa. Hindi man galing sa kaniyang sinapupunan ay itinuring niyang mga anak ang mga estudyanteng nag-aaral at mga batang kaniyang nakilala sa kaniyang pagsisilbi sa Diyos.

Madalas sa buhay natin ay may mga nangyayari na hindi natin maipaliwanag ng maayos pero alam nating ito ang dapat, ito ang nakatakda, dahil ito ang plano Niya. Mararamdaman mo iyon sa iyong puso at malalaman mo kung Siya ang iyong kausap at sa pagkakataong iyon ay wala ka nang magagawa kundi ang sumunod at magtiwala sa Kaniyang plano para sa’yo.

Gaya na lamang ni Aimee na sa ngayon ay masaya pa ring naglilingkod sa Diyos. Hindi man inaasahan at maging siya man ay nabigla sa pagbabago sa buhay niya ay wala siyang ni katiting na pagsisisi sa mga desisyong nagawa niya.

More Stories