Araw ng mga Puso ang Pinakaayaw na Araw ng Dalaga; Sinong Mag-aakala na sa Araw na Ito rin Pala Niya Magagawang Maniwala Muli sa Pag-ibig

Araw ng mga Puso ang Pinakaayaw na Araw ng Dalaga; Sinong Mag-aakala na sa Araw na Ito rin Pala Niya Magagawang Maniwala Muli sa Pag-ibig

LoveStories

Napangingiti na lamang si Aramina nang mapakla at umiling-iling. Araw na naman kasi nang mga puso, ang pinakaayaw niyang araw sa buong taon.

Paano ba naman kasi ang mga mag-jowa sa paligid at kahit saan man siya tumingin ay may naghaharutan. Pakiramdam niya ay sumasakit ang kaniyang mga mata.

“Maghihiwalay rin kayo!” pabulong niyang sambit habang nakatingin sa mga masasayang magkakasintahan na naghaharutan sa kaniyang paligid.

Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa umabot siya sa isang café kung saan sila magkikita ng kaniyang kaibigang si Rhey.

Habang naghihintay siya ay may nakita siyang isang babae na nakaupo malapit sa kaniyang inuupuan. Hindi ito mapakali at maya-maya’t tinitingnan ang sarili sa kaniyang maliit na salamin at todo kung makapag-ayos, hindi man lang nito naisip na sa CR na lang gawin iyon, isip-isip niya sa sarili.

“Todo ayos pa si ate, late naman boyfriend niya. Tsk tsk! Hay, pag-ibig. Daming nababaliw dahil sa walang kwentang pag-ibig na ‘yan. Sa huli naman maghihiwalay at iiyak lang kayo pareho. Hindi na nadala ‘tong mga ‘to. Hay nako,” bitter na bitter na saad ng dalaga.

“Hoy! Umaatake na naman ‘yang pagiging bitter mo! Pabayaan mo nga ‘yang mga magjowa sa paligid. Hayaan mo silang maging masaya. Choice naman nila ‘yan eh. ‘Wag mo na silang idamay sa pagiging bitter mo sa pag-ibig,” natatawa pang sabi ng kaibigang kararating lang. Medyo na late pala ito dahil na-traffic raw.

Valentine’s Day ngayon pero heto sila at piniling gumawa ng proyekto nila na sa susunod na linggo pa naman ipapasa. Mas mabuting maaga pa nilang matapos raw ito para wala na silang masyadong iisipin sa susunod na linggo, at para may oras din daw pa silang baguhin kung sakaling may kinakailangang baguhin rito.

Nasa ikatlong taon na kasi sila ni Rhey sa kolehiyo. Magkaklase sila sa iisang subject kaya naman naging malapit sila sa isa’t isa mula noon. Laging naririyan ang binata para sa dalaga sa tuwing kailangan nito ng kaibigan, kaya naman matalik na kaibigan na kung ituring siya ni Aramina.

“Kasi naman bes, tingnan mo yang mga babaeng yan, halos hindi mapakali sa kakaayos para lang sa mga ka-date o mga jowa nilang todo porma nga pero mga late naman kung dumating. May mga pa bigay-bigay pa nang flowers, eh malalanta lang naman ‘yang mga ‘yan. Parang yung mga nararamdaman nilang pag-ibig kuno, isang araw bigla rin namang malalanta at mamamat*y yang mga feelings na ‘yan. Naglolokohan lang sila. ‘Di ba ang pathetic lang?” dire-diretsong sabi ng dalaga, “at saka tingnan mo yung dalawang ‘yon, kung magtitigan naman akala mo wala nang bukas eh sigurado namang hindi din sila magtatagal. Eh mas makapal pa nga foundation nung guy kay ate eh! Naku, sigurang paminta ‘yang si kuya.”

Magsasalita na sana si Rhey nang biglang may pumasok na lalaking may dalang naparaming chocolates at isang tangkay ng mga bulaklak.

Napatawa naman ng mapakla ang dalaga sa nakita at sarkastikong sinabing, “May pa-chocolates pa si kuya, lolokohin niya rin naman si ate. Kaya ako talaga hindi na ako naniniwala d’yan sa lintik na pag-ibig na yan eh. Kalokohan at aksaya lang ‘yan sa oras.”

Napailing na lang ang binata at tinignan ng seryoso ang kaibigang nakabusangot ang mukha at halos hindi na maipinta sa sobrang pagiging bitter sa paligid niya.

“Talaga? Eh minsan ka rin namang naging gaya nila ‘di ba? Minsan ka rin na hindi napakali sa kakaayos sa sarili mo habang hinihintay yung ex mong todo porma nga pero late din namang dumating. Lalong-lalo na yung ex mo ‘di ba? Minsan ka ring nakipagtitigan sa kaniya at inakalang kayo na habambuhay. Minsan ka ring tumanggap ng mga bulaklak at tsokolateng nalanta at nabulok lang din gaya ng pagmamahalan niyo. Minsan ka ring naniwala sa pag-ibig,” tiningnan niya ng masama si Rhey. Pinaalala pa talaga nito sa kaniya ang hinayupak na manlolokong ‘yun.

“Kaya nga tigilan mo na ‘yang pagiging bitter mo at pabayaan mo na yung mga taong nagmamahalan sa paligid natin. Bigyan mo na ang sarili mo ng pagkakataong sumaya ulit. Hindi naman lahat ng lalaki ay gaya ng ex mo na lolokohin at iiwan ka lang. Marami pa namang matitino at handa kang mahalin ng lubos at magpakailanman. Tumingin-tingin ka kasi sa paligid mo at huwag mong isarado yang puso mo, malay mo nasa harapan mo na pala siya at nagbubulag-bulagan ka lang,” makabuluhang saad ni Rhey sa dalaga.

Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng dalaga na may nararamdaman ang kaibigan sa kaniya. Hindi rin naman ito tinatago ng binata. Simula pa lamang sa umpisa ay naririyan na ang binata at hindi siya iniwan kahit kailan. Hinawakan ni Rhey ang kaniyang kamay at ngumiti sabay sabing, “Bigyan mo na kasi ako ng pagkakataon.”

Napatingin siya sa mga mata ni Rhey na tila ba may hinahanap. Hindi pa rin naman nagbabago ang mga mata nang binata na para bang sa tuwing tumitingin ito sa kaniya ay siya lamang ang nakikita. Matagal-tagal niya na rin namang pinag-isipan ito nang mabuti.

“Sige. Bibigyan na kita ng pagkakataon,” nakangiting sagot niya sa binata.

“T- talaga?!” halos pasigaw na sagot ng binata, hindi makapaniwala sa sinabi ng dalagang kaytagal nang iniibig.

“Pangakong hindi kita sasaktan. Hindi ko sasayangin ang pagkakataong binigay mo sakin,” pangako nito sa kaniya na nagpangiti naman sa dalaga.

“Aasahan ko ‘yan,” sagot niya sa pangakong binitawan ng matalik na kaibigan sabay panalangin na sana nga ay ito na ang nakalaan para sa kaniya. Ayaw niya na ulit masaktan at maiwan kaya naman sana ay matupad ng binata ang pangako nito sa kaniya. Sana ay hindi rin nito sirain ang kaniyang tiwala.

Pormal siyang niligawan ni Rhey hanggang sa sinagot niya na ang binata matapos ang ilang buwang panliligaw nito.

Pinatunayan nito ang kaniyang pag-ibig sa dalaga at hindi binali ang kaniyang mga pangakong binitawan rito. Hindi rin ulit naging bitter si Aramina dahil sa araw-araw ay tumatamis na ang kaniyang mundo dahil sa pagmamahal na binibigay sa kaniya ng nobyo, sa huli ay nagawang muli ng dalaga na magtiwala at maniwala sa tunay na pag-ibig.

More Stories