Upang Ipahiya ang Mahirap na Kaklase ay Binato Niya Ito ng mga Barya; Matutulala Siya nang Magkita Silang Muli Nito

Tapos na ang klase at kakatunog pa lamang ng bell pero nagmamadali na si Lito na makaalis sa kanilang silid-aralan. Nais na kasi niyang balikan ang sakong ipinakiusap niya sa gwardya ng kanilang eskwelahan.

Mag-aalas singko na kasi at alam niyang anumang oras ay magsasara na ang junkshop na kaniyang pinupuntahan. Nais sana niyang kahit paano ay makapag-uwi man lamang ng kahit magkano para may maiuwi siyang pambili ng bigas sa kaniyang ina.

Habang tumatakbo si Lito sa pasilyo ay nakasalubong niya ang kaklaseng si Josh kasama ang ilang kaibigan. Madalas siya nitong kutyain at gawing katatawanan dahil sa kaniyang kahirapan. Kaya hanggang maaari ay iniiwasan ni Lito ang binata dahil ayaw kasi niya ng gulo.

“Madaling-madali ka ata, Lito? Siguro oras na nang pagtatapon ng restawran ng mga tirang pagkain at kailangan mong unahan ang mga aso, ano?” natatawang sambit ni Josh sa binata.

“May hinahabol lang ako, Josh. Ayaw ko nang gulo kaya kung maaari ay padaanin mo na ako,” tugon naman ng binata.

“Dapat kasi ay hindi ka na pumasok sa eskwelahang ito dahil alam mo namang bandang huli ay hindi ka rin makakatapos. Paglaanan mo na lang ng oras ang pagbabasura mo nang sa gayon ay makarami ka,” wika pa ng binata sabay tawanan ng mga tropa nito.

Hindi na lamang sumagot si Lito. Kahit na nag-iinit na ang kaniyang ulo sa mga masasakit na sinasabi ng kaklase ay ipinagwalang bahala na lamang niya ito. Yumuko na lamang siya at nakiraan sa mga kalalakihan.

Napahiya si Josh dahil hindi siya pinatulan ng kaklase at umalis na lamang ito. Pakiramdam ng binata ay lalo siyang hinahamon ni Lito. Kaya naisipan niyang sundan ang kaklase upang makaganti. 

Advertisement

Natagpuan na lamang niya ang binata sa isang junk shop na bitbit ang sako at nakikiusap sa may-ari dahil sarado na ito.

“Pasensiya na po talaga kayo pero baka kahit ito lang sako ko ay pwede nong timbangin. Para lang po may mauwi akong pera sa nanay ko,” saad ni Lito sa may-ari ng junk shop. 

“Sige na nga, Lito. Kung hindi ka lang mabait ay hindi talaga kita pagbibigyan. O siya ibukod mo na iyang nasa sako mo nang matimbang ko,” wika pa ng may-ari.

Ilang sandali pa ay inabot na ng ginoo ang barya kay Lito. Labis naman ang pasasalamat ni Lito dahil pinagbigyan siya ng may-ari sa kaniyang pakiusap. Ngayon ay makakabili na siya kahit kalahating kilong bigas.

Habang naglalakad ay binibilang ni Lito ang kakaunting baryang kaniyang tangan. Ngunit bigla na lamang siyang sinunggaban ni Josh dahilan upang malaglag ang mga barya.

Imbis na lumaban sa mayabang na kaklase ay inintindi pa ni Lito ang pamumulot sa barya.

“Ibang klase ka talaga, Lito. Mas uunahin mo pa ang kakarampot na baryang iyan? Parang hindi ka lalaki!” kantiyaw ni Josh sa kaklase. 

“Kailangan ko ang mga baryang ito para makapag-uwi ako ng pagkain sa nanay ko. Hindi mo kasi alam ang halaga nito dahil may kaya ka sa buhay! Ganiyan naman kayo, ang mga tulad ko lang na mahirap ang kaya niyong apihin! Wala naman akong ginagawang masama sa’yo!” naluluha si Lito habang hinahanap niya ang ilang barya pang nalaglag, 

Advertisement

Nahabag ang ilang kaibigan ni Josh kay Lito kaya inawat na nila ang kabarkada. Dahil ayaw mapahiya muli ni Josh ay bumunot siya ng ilang barya sa kaniyang bulsa at saka niya ibinato kay Lito. 

“Ayan! Idagdag mo pa sa mga pinupulot mong hampaslupa ka!” sigaw ni Josh kay Lito sabay alis. 

Sa puntong iyon ay labis na nahahabag si Lito sa kaniyang sarili. Nais man niyang lumaban ngunit alam niyang magdadala lamang ito ng sama ng loob sa kaniyang ina.

“Sawa na akong maging mahirap!” sambit niya sa sarili. 

Nang makabili ng kalahating kilong bigas ay napansin niyang may sobrang apat na tig-lilimang piso sa kaniyng bulsa.

“Marahil ay galing ito sa binato ni Josh,” bulong muli niya sa sarili. 

Itatapon na sana niya ito dahil sa inis niya sa binata ngunit napadaan siya sa isang lotohan. Ibinili niya ito ng ticket at saka siya umuwi ng bahay upang ibigay sa ina ang kalahating kilong bigas na kaniyang binili.

Kinabukasan ay inantabayanan ni Josh si Lito na pumasok ngunit hindi ito nagpakita sa klase. Inabot na ng dalawang linggo at wala pa rin ang binata. 

Advertisement

“Siguro ay napagtanto na niya ang sinabi kong sumuko na siya dahil hindi rin siya makakatapos ng pag-aaral,” natatawang sambit ni Josh sa kaniyang mga barkada. 

Hanggang sa paglabas niya sa pasilyo ay nakita niyang tila nagkakagulo ang kaniyang mga kaklase at nag-uumpukan.

Nagtanong siya sa isa niyang kamag-aral. “Ano ang nangyayari?” sambit ni Josh.

“Nariyan ngayon si Lito at ibang-iba na siya. Ang sabi nila ay tumama raw sa lotto kaya lumipat na ng eksklusibong eskwelahan. Narito lamang daw upang kunin ang ilang dokumento,” kwento ng kamag-aral. 

Agad na pinuntahan ni Josh ang umpukan upang matiyak na si Lito nga ang naroon. Laking gulat niya nang makita ang binata at ibang-iba na talaga ang porma nito.

“P-paanong nangyari ito?” tanong ni Josh sa binata.

“Natatandaan mo ba ‘yung gabing pinagbabato mo ako ng barya dahil sa inis mo sa akin? Ginamit ko ang natirang mga barya upang tumaya sa lotto. Hindi ko akalain din na mananalo ako at higit pa roon ay kaisa-isa lamang akong nanalo ng limampu’t dalawang milyon. Ngayon ay mas maayos na ang buhay namin ng nanay ko. 

Lumipat na rin ako sa ibang malaking unibersidad at binayaran na namin ang lahat ng matrikula ko para masigurado na hindi ako mahihinto at makakapagtapos talaga ako ng pag-aaral.

Advertisement

Maraming salamat sa iyo at tuluyang nagbago ang buhay ko!” pahayag ni Lito kay Josh.

Halos matulala na lamang si Josh sa sinambit ng dating kaklase. Hindi niya akalain na siya pa pala ang magiging dahilan kung bakit tuluyang yumaman ang binata. 

“Siya nga pala, heto na ang ilang baryang ibinato mo sa akin. Ibinabalik ko na sa’yo. Pero hindi ko ibabato katulad ng ginawa mo sa akin. Maraming salamat sa’yo, Josh!” dagdag pa ng binata habang iniabot sa kamay ni Josh ang ilang barya. 

Nakangiting tumalikod si Lito sa pagkakataong iyon. Naiwan namang nakatameme si Josh at hindi pa rin makapaniwala sa nangyari.

Tunay na mapaglaro ang kapalaran. Maaaring ngayon ay nasa itaas ka ngunit darating din ang araw na ikaw naman ang nasa ibaba. Kaya marapat na maging mabuti tayo sa lahat ng pagkakataon sapagkat mas pinagpapala ang mga may busilak na puso.