Laging may Kausap sa Laruang Telepono ang Batang Anak ng Ginang; Nakakapanindig Balahibo nang Malaman Niya Kung Sino Ito

Mabigat man sa loob ng ginang na si Beth ay wala siyang magagawa kung hindi iwan ang kaniyang kaisa-isang anak na si Mico sa kaniyang matandang tiyahing balo na si Tiya Anita. Isang OFW kasi ang ginang pati ang kaniyang asawang si Froilan.

Matapos ang ilang buwan nilang bakasyon para sa panganganak ni Beth ay kailangan na nilang mag-asawang bumalik sa ibang bansa para magtrabaho.

Ayos naman ang pag-aalaga ni Tiya Anita sa kaniyang apo sa pamangkin. Sa katunayan nga ay labis ang pagmamahal niya dito. Ni hindi man lamang niya ito hinahayaang makagat ng lamok o madapuan man lamang ng langaw.

Sa paglaki ng sanggol na si Mico ay naging malapit siya sa kaniyang Lola Anita. Halos hindi na mapaghiwalay ang dalawa. Sanay na sanay na ang bata na kasa-kasama niya ang matanda. 

Ngunit isang araw ay hindi inaasahan ni Beth na makatanggap ng tawag. Kinakailangan na raw niyang umuwi dahil malubha na ang kalagayan ng matanda at wala nang mag-aalaga sa kaniyang anak. 

Kaya mabilis na nagdesisyon ang mag-asawa na huminto na lamang si Beth sa kaniyang pagtatrabaho at magpokus na lamang sa pag-aalaga ng anak.

Araw-araw ay lalong lumalala ang lagay ng matanda hanggang sa tuluyan na itong namaalam. Masakit para kay Mico ang nangyari. Madalas itong magkulong sa kaniyang kwarto na labis na pinag-aalala ni Beth.

“Hindi pa ata talaga matanggap ni Mico na wala na ang Tiya Anita. Naiintindihan ko naman siya dahil limang taon silang magkasama. Siya na ang nakagisnang ina ng bata,” saad ni Beth sa kaniyang mister.

Advertisement

“Basta huwag kang umalis sa tabi niya. Iparamdam mo lang na lagi kang nariyan para sa kaniya. Pagkakataon mo na ito upang iparamdam sa kaniya ang pagiging ina mo,” sambit naman ni Froilan.

Ipinaghanda ni Beth ang kaniyang anak ng miryenda. Dadalhin sana niya ito sa silid ng bata hanggang sa narinig niya ang kakaibang saya nito. Dinig na dinig niya ang halakhak nito mula sa labas ng silid. 

Nang pumasok ang ginang ay nakita niyang pinaglalaruan nito ang kaniyang telepono.

“Ano ang ginagawa mo, anak?” nakangiting tanong ni Beth kay Mico.

“Nakikipag-usap lang po ako kay Lola Anita dito sa ibinigay niya sa aking telepono. Tinupad po niya ang pangako niya sa akin na hindi niya ako iiwan,” masayang kwento naman ng bata.

Napalitan ang ngiti sa mukha ni Beth. Naawa siya sa kaniyang anak dahil alam niyang bunga ang lahat ng ito ng imahinasyon ng bata dahil sa sobrang pangungulila nito sa matandang nag-alaga sa kaniya.

“Talaga, anak? Ano naman ang pinagkukwentuhan nyo?” tanong muli ni Beth na tila sinasakyan ang paglalaro ng kaniyang anak.

“Sabi po niya sa akin ay maghintay lang daw po ako at kukuhanin din niya ako. Sa wakas, mama, magkakasama muli kami ni Lola Anita,” masayang-masayang sambit pa ni Mico. 

Advertisement

Dito na nangilabot si Beth. Agad niyang pinaliwanagan ang kaniyang anak tungkol sa mga sinasabi nito. 

“Anak, alam mo namang wala na si Lola Anita mo, hindi ba? Nasa langit na siya kasama ang Panginoon. Ang batang katulad mo ay hindi pa pwede do’n. Saka nais mo bang iwan sina mama at papa? Huwag gano’n, anak, a? Huwag kang magasalita ng ganiyan muli,” pilit na pinapaunawa ni Beth kay Mico ang lahat.

“Pero mas gusto ko po do’n kung nasaan si Lola Anita. Miss na miss ko na po talaga siya, mama. Hayaan nyo na po akong sumama sa kaniya!” giit pa ng bata.

Dahil sa pagpupumilit na ito ni Mico ay tinawagan ni Beth ang asawa. Natatakot kasi siya sa pwedeng mangyari.

“Hindi ko gusto ang mga lumalabas sa bibig ni Mico, mahal. Natatakot akong baka nga kuhain siya ni Tiya Anita dahil sa sobrang pagkakalapit nila sa isa’t isa. At ang masaklap pa do’n ay parang sabik na sabik si Mico na mangyari ang muli nilang pagkikita. Hindi ko kakayanin ang kapag nawala ang anak natin! Mababaliw ako, Froilan!” naiiyak na sambit ni Beth sa mister.

“Huwag kang mag-isip ng kahit anong masama, mahal. Alam mo namang bata iyan at marami talagang sinasabi na hindi pinag-iisipan. Saka wala na ang Tiya Anita, hindi naman pwedeng makausap pa niya ‘yun ulit,” paliwanag naman ni Froilan.

Ngunit kahit anong sabihin sa kaniya ng asawa’y hindi mapanatag si Beth. Lalo na at lagi niyang natatagpuan si Mico na laging may kausap sa laruang telepono nito. Masayang-masaya at animo’y mayroon talagang kausap.

“Gusto ko nang itago ang laruang telepono na bigay ni Tiya Anita kay Mico. Kinikilabutan talaga ako sa tuwing nakikita kong naglalaro siyang tila kausap niya ang tiya,” saad ni Beth sa asawa.

Advertisement

“Pabayaan mo na at baka talagang nami-miss lang ni Mico ang matanda. Baka mamaya ay mas magdamdam pa siya kung aalisin mo iyon sa kaniya,” tugon naman ng ginoo.

Hanggang isang araw ay labis na nagtataka si Beth sa ikinikilos ng kaniyang anak. Bigla na lamang itong nag-aya sa parke at ang nais nito’y maglakad lamang sila. Nais daw niyang makakita ng maraming sasakyan. 

Pinagbigyan pa rin ni Beth ang anak sapagkat naiisip niyang baka nabuburyo na ito sa bahay. 

Ngunit habang nasa daan sila papunta ng nasabing parke ay bigla na lamang tumawid nang patakbo si Mico habang maraming dumaraang saksakyan. Mabuti na lamang ay mabilis na nakapreno ang nagmamaneho ng sasakyan kung hindi ay nasagasaan na ang bata. 

Dinig sa buong lugar ang lakas ng sigaw ni Beth. 

“Ginang, hawakan mo mabuti ang anak mo! Paano na lamang kung hindi ako nakapreno nang mabilis?” sambit ng kinakabahan ding drayber. 

Agad na pinuntahan ni Beth ang anak upang tingnan kung may sugat ito. 

“Delikado ang ginawa mo, anak! Bakit ka biglang tumawid? Ano ba ang naisip mong bata ka?!” nangangatog pang sambit ng ginang habang binubuhat ang anak. 

Advertisement

“Sabi kasi ni Lola Anita kapag ginawa ko raw po iyon ay magkakasama na kami. Kaya ginawa ko po, mama!” sagot ng bata. 

Hindi alam ni Beth ang kaniyang mararamdaman. Ngunit mas nangibabaw sa kaniya ang inis sa delikadong ikinilos ni Mico.

“Tigilan mo na ‘yan, Mico! Hindi na babalik ang Lola Anita mo at hindi na kayo magkikitang muli dahil sumakabilang buhay na siya. Kapag yumao na ang isang tao ay hindi na ito babalik pa kahit kailan! Itigil mo na ‘yang bata ka!” bulyaw ni Beth dahil sa sobrang pag-aalala at galit. 

“Totoo naman po ang sinasabi ko, ma. Nakakausap ko talaga si Lola Anita sa telepono at siya ang nagsabi sa akin na gawin ko ‘yun. Sabi niya’y tulad ko’y hindi na rin siya makapaghintay na makasama ako!” wika pa ni Mico.

Iniuwi na ni Beth ang anak at agad na ikinuwento kay Froilan ang nangyari sa kanila ng hapon na iyon. Habang kausap ang asawa ay narinig na naman ni Beth na may kausap ang anak sa laruang telepono nito. 

“Tatawagan kita ulit, mahal. Kailangan ko lang swetuhin ang anak mo!” naiinis na nitong sambit.

Biglang pumasok na lamang si Beth sa silid ni Mico at agad niyang inagaw ang laruang telepono nito. Doon ay nanlaki ang kaniyang mga mata at tumindig ang kaniyang mga balahibo habang nanlalamig ang kaniyang buong katawan sapagkat narinig niya mismo ang boses ng kaniyang yumaong matandang tiyahin sa kabilang linya!

Labis ang kaniyang takot dahil sa pangyayaring ito. Dahil sa pagkabigla ay agad niyang binuhat ang anak at inialis sa kwartong iyon.

Advertisement

Kinabukasan ay agad siyang nagdala ng pari upang basbasan ang naturang telepono. Ngunit bago nila ito gawin, gawin ang laruan ay sinubukan ni Beth na makipag-usap kaniyang tiyahin.

“Tiya, parang awa mo na. Huwag mong kuhanin ang anak ko. Bata pa siya at marami pa siyang kailangang gawin sa mundong ito. Kung mahal mo siya’y hayaan mo siyang masilayan ang bawat bukas na nakalaan para sa kaniya,” wika pa ni Beth. 

Ngunit walang boses siyang narinig.

Simula nang araw na iyon ay itinago na rin ni Beth ang naturang laruang telepono at hindi na ito ipinagamit sa kaniyang anak. Naging maayos na rin si Mico ay hindi na rin nito ikinukwento ang yumaong lola. 

Kahit na tapos na ang pangyayaring ito ay hindi pa rin makapaniwala si Beth at ang kaniyang asawa na mararanasan nila ang ang ganitong klaseng nakakangilabot na pangyayari.

Patuloy ang kanilang pagdadasal na sana ay matahimik na rin ang kaluluwa ng matandang tiyahing lubos na nagmamahal sa kanilang anak.