Nagtataka ang Dalaga sa Palagiang Pagsusuot ng Mahahabang Damit ng Katrabaho, Napaluha Siya nang Malaman ang Katotohanan

Nagtataka ang Dalaga sa Palagiang Pagsusuot ng Mahahabang Damit ng Katrabaho, Napaluha Siya nang Malaman ang Katotohanan

HeartbreakingMysteryStories

“Julia, hindi ka ba naiinitan sa suot mo? Hindi naman naka-aircon ang opisina natin pero lagi kang naka-longsleeves tapos nakapantalon ka pa,” pang-uusisa ni Melody sa bagong katrabaho, isang umaga nang hindi na niya matiis ang kuryosidad kung bakit laging ganito ang suot nito. 

“Ah, eh, dito kasi ako kumportable, eh. Bukod pa roon, wala rin kasi akong mga damit na katulad niyang suot mo. Wala akong mga bestidang gan’yan. Kahit nga shorts o t-shirt, wala ako, eh,” patawa-tawang kwento nito dahilan upang lalo siyang mapaisip. 

“Bakit naman?” tanong niya pa. 

“Wala lang, ayaw ng asawa ko na makita ng iba ang balat ko, eh,” kamot-ulong tugon nito dahilan upang siya’y kiligin. 

“Ay, ang sweet naman!” sigaw niya saka bahagya itong tinapik sa braso, “Pero kung gusto mo ng mga ganitong damit, magsabi ka lang sa akin, ha? Marami akong ganito! Mahilig kasi ako mag-ukay-ukay, eh!” alok niya rito. 

“Magpapaalam muna ako sa asawa ko!” tugon nito. 

“Walang problema!” wika niya, “O, siya, balik na ako sa lamesa ko, ha? Kung naiinitan ka, mayroon pang electric fan doon sa likod, pupwede mo ‘yong gamitin!” dagdag niya pa na ikinangiti nito lalo. 

“Salamat, Melody! Ang bait mo talaga!” sambit nito saka agad na kinuha ang electric fan na naroon. 

Sa loob ng halos isang buwan pagtatrabaho ng bagong empleyadong ito sa kanilang opisina, palaging napapaisip ang dalagang si Melody kung bakit palaging balot ang katawan nito. 

Kung hindi man ito papasok nang naka-longsleeves na damit at pantalon, naka-jacket naman ito at mahabang palda na lagpas sa paa kahit na tirik na tirik ang araw. 

Sa tuwing pinagmamasdan niya itong masayang nakikihalubilo sa iba nilang katrabaho, tila naninikip ang kaniyang dibdib dahil pakiwari niya, siya ang may suot ng damit nito na sobrang init. 

May pagkakataon pa ngang pumasok ito nang nakabanda ang buhok at may face mask pa. Ang kwento nito sa iba nilang katrabahong usisera rin katulad niya, may ubo’t sipon daw ito at hindi nakaligo dahil dito kaya siya’y may suot na ganoon na kanila namang pinaniwalaan.

Kaya lang, noong araw na ‘yon, na napakataas ng temperatura sa loob ng kanilang opisina, napansin niyang pawis na pawis na ito. Naisipan niya itong lapitan.

Nang makita niyang tila nahihimasmasan na ito sa init dahil sa ipinahiram niyang electric fan, muli na siyang bumalik sa kaniyang pagtatrabaho. 

Maya-maya, nakakita siya ng isang dokumentong kinakailangan ng pirma ng katrabaho niyang ito dahilan para muli siyang magpunta sa lamesa nito upang magpapirma. 

“Madam, papirma naman!” biro niya rito. “Madam ka riyan, eh, ikaw nga ang mataas sa akin!” sambit nito saka sila nagtawanan. 

Sa kanilang pagtatawanan, nahulog nito ang hawak na ballpen at nang kuhanin nito ang naturang ballpen sa sahig habang nakaupo, bahagya niyang nakita ang balakang nito. 

Nakita niyang may mga pasa ito sa balakang at ilang hiwa pero dahil nga nataranta itong iayos muli ang suot na damit, siya’y nagbulag-bulagan sa kaniyang nakita at muling ngumiti rito. 

Hindi siya mapanatag sa kaniyang nakita. Hindi niya mawari kung ito ba’y may sakit sa balat o ito’y may depresyon at sinasaktan ang sarili. 

Kaya naman, upang matahimik na ang kaniyang isipan, minabuti niya itong dalawin sa bahay pagkatapos ng kanilang trabaho. Sinadya niya itong paunahing makauwi at hindi magsabi rito na siya’y dadalaw. 

Tiningnan niya ang record nito sa kaniyang kompyuter upang malaman kung saan ito nakatira at nang makita na niya ang address nito, agad na niya itong pinuntahan at bumili ng kanilang makakain. 

Ngunit, pagkarating niya sa bahay na iyon, sigaw ng isang lalaki ang umaalingawngaw dito. 

“Naku, mukhang hindi maganda ang tiyempo ko, nag-aaway yata sila ng asawa niya!” iiling-iling niyang wika. 

Papaalis na sana siya nang marinig niyang humihingi ng tulong ang katrabaho niyang ito dahilan upang siya’y sumilip sa bintana ng bahay nito. 

Doon niya nakita ang katawan nitong walang saplot na punong-puno ng mga pasa, hiwa at sugat. Nakita niyang takot na takot ito sa lalaking papalapit na may hawak na martilyo dahilan upang siya’y agad na humingi ng tulong sa mga kapitbahay nito.

Tumawag na rin siya ng barangay at pulis dahilan upang ilang minuto lang ang makaraan, agad na mahuli ang lalaking iyon. 

Nang makita siya ng katrabaho niyang ito, agad siya nitong niyakap habang umiiyak. 

“Salamat, dinalaw mo ako,” hikbi nito dahilan upang siya’y mapaiyak na rin sa awa rito. 

Simula noon, pansamantala niyang pinatira ang babaeng ito sa kaniyang bahay upang magamot at maalagaan. Laking tuwa niya, pagkalipas ng ilang buwan, ito’y nakapagsusuot na ng preskong damit dahil makinis na muli ang balat nito. Naging matalik na magkaibigan ang dalawa. Para kay Julia, kundi dahil kay Melody, malamang ay nasa puder pa rin siya ng mapang-abuso niyang asawa. Ngayon ay desidido na siyang kalimutan ang mapait na nakaraan at magpatuloy sa kaniyang buhay. Hinding-hindi na niya hahayaan na may mang-api at mang-abuso pa sa kaniya kailanman. 

More Stories