Ipinagmamalaki ng Dalagang Ito na Siya’y Isang Kabit na Kumikita ng Pera, Alam Kaya Ito ng Kaniyang mga Magulang?

Ipinagmamalaki ng Dalagang Ito na Siya’y Isang Kabit na Kumikita ng Pera, Alam Kaya Ito ng Kaniyang mga Magulang?

HeartbreakingKarmaStories

“Hoy, Marites, hindi ba’t asawa ng pinsan mo ‘yong lalaking ‘yon? Bakit lumabas ‘yon sa kwarto mo? Nand’yan na ang pinsan mo? Dito ba sila natulog?” pang-uusisa ni Jonah sa kaibigan pagkaalis ng lalaking kaniyang tinutukoy habang hinihigop ang tinimplang kape.

“Ang dami mong tanong! Kahit kailan, tsismosa ka talaga! Natulog siya rito sa bahay ko, may masama ba roon?” taas-kilay na sagot ni Marites habang inaayos ang sarili sa tapat ng salamin.

“Siya lang mag-isa?” tanong pa nito. 

“Oo, magkaaway daw sila ng pinsan ko kaya sa akin muna siya nagpalimlim. Mga ilang buwan na ‘yang dumadalaw dito kapag magkaaway sila,” kwento niya rito. 

“Diyos ko, Marites! Totoo ba ‘yang sinasabi mo?” paninigurado nito. “Kailan ba ako nagsinungaling sa iyo, ha?” sagot niya saka ngumisi. 

“Hindi ka ba nakokonsensya sa ginagawa mo? Bakit mo hinayaang matulog dito ang asawa ng pinsan mo?” wika pa nito na ikinatawa niya. 

“Bakit ako makokonsensya, eh, siya naman ang unang lumapit sa akin. Bukod pa roon, sa tuwing dito ‘yan matutulog, may malaking pera akong nakukuha. Sino ba namang tatangi roon?” tugon niya saka naupo sa kaniyang sofa at humithit ng sigarilyo. 

“Marites naman, akala ko ba nagsawa ka nang kumabit sa asawa ng iba?” tanong pa nito. 

“Akala ko rin, eh, kaso, ang laking pera ang masasayang kung tatanggihan ko!” patawa-tawang niyang sambit dahilan upang mapailing na lang ito. 

Hindi kinahihiya ng dalagang si Marites ang pakikiapid sa asawa ng may asawa. Lalo na kapag siya ay may kinikitang pera rito. Kahit sino pa man ‘yan, mapa-kanilang alkalde o isang pedicab drayber, basta may maibibigay sa kaniyang pera araw-araw, kaniyang tinatanggap at kapag wala na siyang mahita rito, kaniya itong agad na hinihiwalayan. 

Ito ang dahilan upang kahit hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral at walang pinapasukang trabaho, siya’y mayroong magandang bahay, isang magarang sasakyan at limpak-limpak na pera sa kaniyang bangko. Wika niya pa habang pinagmamasdan ang ganda ng kaniyang bahay, “Sa buhay, kailangan lang talagang matalino ka at madiskarte. Hindi pwedeng matalino ka lang, hindi pwedeng madiskarte ka lang.” 

Ngunit kahit ganito ang kaniyang piniling trabaho, hindi niya ito kailanman ipinaalam sa kaniyang mga magulang na nasa probinsya. Buong akala ng mga ito, siya’y may negosyo sa Maynila dahilan para agad na umagat ang kaniyang buhay. 

Minsan siyang kamuntikang mahuli ng mga ito na labis niyang ikinatakot dahilan upang tumigil siya sa pagtanggap ng mga lalaki sa kaniyang bahay. Kaya lang, nang siya’y puntahan ng asawa ng kaniyang pinsang mayaman at siya’y binigyan ng kalahating milyon, siya’y hindi nakatanggi rito at agad itong tinanggap. 

Ito ang dahilan upang ganoon na lang mangamba ang kaniyang kaibigan nang malaman ang kalokohan niyang ito. Alam kasi nitong, isang maling galaw niya lang, makakarating sa kaniyang mga magulang ang balitang ito. 

Kahit pa ganoon, kahit kaunting kaba, wala siyang naramdaman dahil alam niya namang sila’y nag-iingat at gagawin niya ang lahat para lang huwag mahuli ng kaniyang pinsan at kaniyang mga magulang.

Kinabukasan, nakatanggap siya ng mensahe mula rito na labis niyang ikinatuwa. 

“Magkita tayo mamayang alas singko ng hapon sa airport, samahan mo ako sa business meeting ko sa Japan,” dahilan para agad siyang mag-empake ng kaniyang mga gamit. 

Alas kwatro pa lang ng hapon, nagpahatid na siya sa airport sa kaniyang kaibigan. Sabik na sabik siyang naghintay doon dahil sa unang pagkakataon, may lalaking magdadala sa kaniya sa ibang bansa. 

Maya-maya pa, nakita na niyang palapit sa kaniya ang sasakyan ng lalaking ito dahilan upang siya’y mapatayo na. 

Ngunit hindi niya inasahan ang mga sumunod na tagpo. Lumabas sa sasakyang iyon ang kaniyang mga magulang habang nakatingin lang mula sa bintana ng sasakyan ang kaniyang pinsan dahilan upang siya’y manginig sa kaba. 

“Ma, pa, ano pong ginagawa niyo rito?” kinakabahan niyang tanong sa mga ito ngunit isang malakas na sampal ang sinagot ng kaniyang ama. 

“Pinalaki ka naming may delikadesa! Hindi mo kailangang sumira ng pamilya para lang kumita! Magtrabaho ka, Marites! Lintik ka!” sigaw ng kaniyang ama habang siya’y niyuyugyog dahilan upang sila’y pagtinginan ng mga tao rito.”Papa, huwag mo akong pahiyain dito,” bulong niya sa ama habang naiyak. 

“Huwag kang pahiyain? Eh, hiyang-hiya nga ako na anak kita!” sigaw pa nito saka siya iniwan doon. 

Niyakap siya ng kaniyang ina at sinabing, “Bata ka pa, anak, hindi pa huli ang lahat para magbago ka,” dahilan upang lalong tumulo ang kaniyang luha. 

Simula noon, tinigilan na niya ang ganoong klaseng trabaho. Nagsumikap siya buhay at kaniyang pinatunayan sa kaniyang ama ang kakayahan niya. Hindi man niya agad na nakuha muli ang loob nito, unti-unti niyang pinakita rito ang bagong pagkatao niya. 

More Stories