Kinupitan nang Kinupitan ng Kapitbahay ang Pensyon ng Kaawa-awang Matanda; Magtagumpay Kaya Siya sa Pagtatago ng Lihim na Iyon?

Kinupitan nang Kinupitan ng Kapitbahay ang Pensyon ng Kaawa-awang Matanda; Magtagumpay Kaya Siya sa Pagtatago ng Lihim na Iyon?

HeartbreakingKarmaStories

Napangisi si Clara habang binibilang niya ang ilang lilibuhin na nakuha niya mula sa pensyon ng kapitbahay na si Aling Miring. May pera na naman siya!

Anim na libo iyon, subalit tatlong libo lamang ang ibinibigay niya sa matanda sa pangakong iipunin niya ang natira para sa kinabukasan ng nag-iisa nitong apo na si Allen. 

Halos dalawang taon na rin simula noong makiusap sa kaniya ang matanda kaya kung susumahin, dapat ay mayroon na itong mahigit limampung libo na ipon. Subalit ang totoo, ginagastos niya ang pera nito. 

Walang namang nakakaalam ng napag-usapan nila. Tahimik naman at bihirang magsalita ang apo nito kaya naman wala siyang problema. 

“Kaunti na lang naman at mamamat*y na ang matanda. Kapag nangyari iyon, wala nang maghahanap ng pera niya,” tuwang-tuwang wika ng gahaman na ginang bago niya tinungo ang bahay ng pobreng matanda. 

Siya ang pinagkatiwalaan ng matanda sa kadahilanang matanda na raw ito at natatakot ito na mawala ang pera kung sakaling ito ang kumuha noon sa munisipyo. 

Binigay niya ang tatlong libo sa matanda.

“Maraming salamat sa pagtulong mo sa amin, Clara, ha. Alam kong malaking abala ito sa’yo. Kailangan ko kasi talagang makaipon ng pera para sa apo ko para naman hindi siya kawawa kung sakaling mawala na ako,” anito habang minamasdan ang apo na tahimik lamang na naglalaro gamit ang luma nitong cellphone. 

“Matalino ang batang ‘yan. Sigurado akong malayo ang mararating niyan,” pagmamalaki pa nito sa apo. 

Subalit nang magkasakit ang matanda ay nagkaroon siya ng problema.

“Clara, kukuha sana ako doon sa pera na pinapaipon ko sa’yo, kasi nitong mga nakaraang araw ay kumikirot ang dibdib ko. Gusto ko lang sana na magpa-check up sa ospital dahil baka may kung anong sakit na ako,” wika ng matanda nang pumunta ito sa kaniyang bahay. 

Agad siyang namroblema sa sinabi nito. Wala kasi siya ni piso. Ang iba ay naipatalo niya sa sugal, ang iba naman ay nagastos niya na. 

“Naku, Aling Miring, wala ho kasi ang pera sa akin ngayon. Nasa bangko,” pagsisinungaling niya. 

Lumaylay ang balikat ng matanda. 

“Ganoon ba? Kailan naman kaya natin pwedeng makuha ang pera? Kahit mga ilang libo lang, ayos na, magagamot na siguro ako noon,” wika ng matanda. 

“Sa susunod na linggo ho, Aling Miring,” pangako niya sa matanda habang pinoproblema kung saang kamay ng Diyos niya kukunin ang limang libong kailangan nito. 

Kaya naman nakahinga siya nang maluwag nang makalipas ang tatlong araw ay pumutok ang balita na pumanaw na si Aling Miring. Inatake ito sa puso. 

May nadama man siyang kaunting sundot sa konsensya ay lamang pa rin ang tuwa niya. Hindi na niya poproblemahin pa ang pera na nagastos niya. Wala rin naman siyang pamalit doon kung sakali. 

Akala niya ay mababaon na sa limot ang lahat lalo pa’t wala namang nakakaalam ng tungkol sa usapan nila ng matanda. Kaya naman laking gulat niya nang matapos ilibing ang matanda ay may mga social worker na naghahanap sa kaniya! Kasama ng mga ito ang apo ng matanda na si Allen!

May ipinakita ang mga ito na maliit na notebook na mula raw sa pumanaw na si Aling Miring. Ipinagbilin nito iyon sa apo. Sa maliit na notebook ay nakatala ang mga pera na ipinatago raw ng matanda sa kaniya. Base sa kalkulasyon ng matanda ay aabot iyon ng animnapung libong piso. 

At nais ng mga social worker na makuha iyon para sa apong si Allen. 

Namutla si Clara ngunit pinilit niyang magmatapang dahil hindi niya kayang bayaran ang halaga na hinihingi ng mga ito. 

“Wala kayong pruweba! Paano kung gawa gawa lang ‘yan ng matanda? Hindi niyo naman ‘yan makukumpirma dahil nasa hukay na siya!” asik niya sa mga ito. 

Nakita niyang kinuha ni Allen ang cellphone nito at may pinindot na kung ano. Nanlaki ang ata niya nang marinig niya ang sariling tinig sa video. 

Na-videohan pala ng bata ang tagpo noong kinausap siya ng matanda! Dinig na dinig doon ang pagsang-ayon niya na iipunin niya ang tatlong libo kada buwan para sa pag-aaral ni Allen. 

Nanlalambot na napaupo si Clara. Wala na siyang kawala!

“W-wala na sa’kin ang pera. N-nagastos ko na lahat,” sa wakas ay pag-amin niya. 

Ang malakas na pag-iyak ni Allen ang narinig niya.

“Salbahe ka, Aling Clara! Sabi ni Lola bibigyan mo siya ng pampagamot. Namat*y si Lola dahil kinuha mo ang pera niya!” umiiyak na bulalas ng bata. 

Noon na napaluha si Clara. Napagtanto niya ang kaniyang pagkakamali. Subalit huli na ang lahat. Isa nang bata ang naulila dahil sa kaniyang kasakiman. Sinamantala niya ang kahinaan ng pobreng si Aling Miring. 

Akala niya ay wala nang makatutuklas ng sikreto nila ng matanda. Ngunit tunay nga na walang lihim na hindi nabubunyag. 

Wala siyang ibang magawa kundi magsisi habang hinihimas niya ang rehas ng bilangguan na magsisilbing tahanan niya sa matagal na panahon.

More Stories