Matalas na Pananalita ang Ipinukol ng Isang Pasahero sa Drayber ng Jeep; Hindi Lang Isa, Dalawa, Kundi Marami ang Bumwelta sa Kaniya

Matalas na Pananalita ang Ipinukol ng Isang Pasahero sa Drayber ng Jeep; Hindi Lang Isa, Dalawa, Kundi Marami ang Bumwelta sa Kaniya

InspiringKarmaStories

Sa hindi na niya mabilang na pagkakataon ay inis na nilingon ni Myra ang batang makulit na nag-iingay sa jeep. 

Napakalikot nito at naglalaro ito sa buong jeep na para bang ito lang ang nakasakay roon. 

Hindi tuloy niya magawang umidlip gaya ng pinlano niya. 

“Kaninong anak ho ba ‘yan? Pakisaway naman ho dahil napakaingay! Gusto hong magpahinga nung iba!” malakas na bulalas niya. 

Umugong ang bulungan. Subalit wala ni isa mang sumaway sa bata, bagay na ipinagtaka ni Myra. 

Mabuti na lamang at maya-maya ay tumahimik na rin ang bata at naupo sa likuran ng drayber. Ngunit limang minuto lamang ang nakalipas ay muli na naman umarangkada ang bata. 

Sa pagkakataong iyon ay hindi na siya nakapagpigil at pinagsabihan niya ang bata. 

“Ang kulit kulit mo! Umupo ka lang sa isang tabi!”

Umiiyak naman na bumalik ito sa upuan nito. 

“‘Wag niyo namang sigawan ang bata! Hindi niyo naman ho anak ‘yan,” kastigo sa kaniya ng isa sa mga pasahero. 

“Oo nga, kawawa naman,” komento pa ng isa.

Noon niya narinig ang tinig ng drayber. 

“Sa mga naabala ho ng anak ko, pasensiya na ho! Nakikiusap ho ako na pagpasensiyahan niyo ang anak ko. Kung napansin niyo, hindi ho kasi normal ‘yan, kaya mahirap sawayin,” hinging paumanhin nito. 

May ilang nakakaunawang tumango at nagsabi na ayos lang daw subalit hindi si Myra. Bilang pasahero kasi ay alam niya na hindi dapat dinadala ng drayber ang anak nito sa pagbiyahe.

Napaismid si Myra bago sinagot ang drayber. 

“Kung ganoon ho, eh ‘di iwanan niyo sa bahay ang bata! Abnormal pa man din! ‘Wag niyong isama sa trabaho nang hindi makaabala sa ibang tao!” katwiran niya. 

Ilang sandaling namayani ang katahimikan bago muling nagsalita ang drayber. 

“Pasensiya na ho kayo, ha? Wala ho kasi akong mapag-iwanan sa bata. Sumakabilang buhay ho ang asawa ko noong nakaraang buwan, kaya walang mag-aalaga sa anak ko. Sana ay ‘wag niyong tawagin ng kung ano-ano ang bata. Bilang ama ay ako ang nasasaktan,” pakiusap nito. 

Naumid ang dila ni Myra sa rebelasyon ng drayber. 

“Sinubukan kong kumuha ng mag-aalaga pero naabutan kong sinasaktan siya dahil nga ho makulit at malikot. Kahit sino naman ho hindi papayag na tratuhin nang ganoon ang anak, hindi ba?” dagdag pa nito. 

“Tama ho iyon, mas ayos nang nandito ang bata kaysa naman kakaba-kaba ka sa trabaho,” pagsang-ayon ng isang matandang lalaki, na sinang-ayunan naman ng karamihan. 

“Hindi naman ho ako pwedeng huminto sa pamamasada dahil magugutom kami ng anak ko,” naiiling pang wika nito.

Nagdagsaan ang suporta ng ibang pasahero sa kaawa-awang drayber.  

“‘Wag ho kayong humingi ng pasensiya. Ginagawa niyo lang ang alam niyong tama para sa kapakanan ng anak niyo. Mayroon lang ho talagang iilan na hindi makakaintindi, pero pagbigyan niyo na,” pasaring ng isang pasahero. 

“Mabuti ho ang ginagawa niyo, Manong Drayber! ‘Wag niyo hong intindihin ang sinasabi ng ibang tao na makitid ang pag-iisip at hindi marunong umunawa!” wika ng isang matandang babae na tinapunan pa siya ng tingin. 

“Oo nga ho, manong! Sa susunod na may magsalita ng masama tungkol sa anak niyo, itapon niyo palabas ng jeep!” suhestiyon pa ng isang pasahero, dahilan upang mabalot ng malakas na tawanan ang loob ng jeep. 

Si Myra ay pahiyang pahiya sa mga pasahero at sa drayber. Lumalabas kasi na makitid ang pag-iisip niya. 

Ni hindi siya makahanap ng sasabihin. Napagtanto niya na nagkamali siya ng sinabi sa drayber ng jeep lalo na nang malaman niya na may nakakaantig pala itong istorya. 

Yukong-yuko si Myra hanggang sa makarating ang jeep sa babaan lalo pa’t panay ang dismayadong tingin ng mga kapwa niya pasahero. 

Nang magsibabaan ang mga pasahero ay buong pagpapakumbaba siyang humingi ng paumanhin sa drayber. 

“Manong, pasensiya na ho sa mga nasabi ko. Tama ho sila, mabuti ang ginagawa niyo para sa anak niyo,” maamong anas ni Myra. 

Sinuklian siya ng drayber ng isang ngiti. 

“Kalimutan mo na ‘yun, hija. Mauunawaan mo rin ang lahat kapag nagkaroon ka na ng sarili mong pamilya. Gagawin mo ang lahat para sa kanila. Basta parati mong tandaan, hinding-hindi ka matatalo kapag pang-unawa at kabutihan ang pinairal mo,” payo nito. 

Nakakaunawang tumango ang dalaga. 

Matagal nang nakaalis ang jeep ay iyon pa rin ang laman ng isip ni Myra. Nangako siya na mas magiging maunawain na siya sa sitwasyon ng iba nang sa gayon ay hindi siya makapanakit ng damdamin ng sinuman. 

More Stories