Napakabarat ng Ginang na Ito; Pati Paninda ng Kaniyang Pinsan, Nais Niyang Makuha sa ‘Di Makatarungang Presyo

Napakabarat ng Ginang na Ito; Pati Paninda ng Kaniyang Pinsan, Nais Niyang Makuha sa ‘Di Makatarungang Presyo

HeartbreakingKarmaStories

“Pinsan kong pinakamaganda! Pa-order ako ng cake, ha? Mamaya ko rin kukuhanin, kaarawan ngayon ng anak ko, eh!” bungad ni Kari sa pinsang abala sa paggawa ng cake katulong ang asawa, isang umaga nang sadyain niya ito sa bahay. 

“Mamaya agad, ate? Hindi ko sigurado kung magagawa ko agad, ha? Kasi, ang dami kong order ng cake ngayon, baka gahulin ako sa oras. Anong klaseng cake ba?” sagot nito sa kaniya habang naglalagay ng icing sa cake na ginagawa. 

“Iyong tatlong patong na cake lang naman ang bibilhin ko sana. Madali lang naman gawin ‘yon, hindi ba? Bihasang-bihasa ka naman gumawa nito, eh,” tugon niya saka pinakita ang larawang nais niyang gayahin nito. 

“Naku, ate, hindi biro gawin ‘yan, eh,” sagot nito. 

“Sige na, gawin mo na. Unahin mo na ako. Bibigyan kita ng dagdag bayad. Isang libo na ang ibibigay ko sa’yo, huwag mo na akong suklian,” pangungumbinsi niya pa rito saka agad na naglabas ng pera. 

“Si ate talaga, palabiro! Baka nga abutin ng tatlo hanggang limang libo ‘yang cake na gusto mo! Discounted pa ‘yon, ha, kasi pinsan kita!” patawa-tawang sabi nito na ikinakunot ng noo niya. 

“Ano? Ganoon kamahal?” pag-uulit niya. 

“Oo, ate, mahal talaga ang cake, eh,” wika nito na ikinainis niya. 

“Diyos ko, kung makapagpresyo ka parang hindi ka kamag-anak! Huwag na nga! Sana ikayaman mo ‘yan!” sigaw niya saka agad na umalis sa bahay nito. Hindi na niya intindi ang sinasabi nito at agad nang hinarurot ang dala niyang motorsiklo. 

Kuripot pa sa kuripot ang ginang na si Kari dahil sa kahirapan ng kaniyang buhay simula pa lang noong siya’y bata. Lumaki siya sa probinsya kung saan tubig at asin ang kinakain niya tatlong beses sa isang araw. Wala silang kuryente roon o kahit malinis man lang na tubig. 

Kaya naman, nang siya’y nagkaroon ng oportunidad na manirahan sa piling ng kaniyang tiyahin sa bayan, agad niya itong sinunggaban at doon naghanap ng trabaho upang matulungan ang mga magulang na pawang mga magsasaka.

Ito ang dahilan upang ganoon niya pahalagahan ang bawat sentimong kinikita niya. Nadala niya ang ugali niyang ito hanggang sa maisama niya na sa bayan ang kaniyang buong pamilya at magkaroon na ng sariling pamilya. 

Kung tutuusin, maganda naman talaga ang ugali niyang ito dahil siya’y labis na nakakapag-ipon. Kaya lang, kung minsan, nakakasakit na siya ng loob lalo na sa tuwing babaratin niya ang mga paninda ng kaniyang mga pinsaning ngayong may kaniya-kaniya nang malilit na negosyo. 

Sa katunayan, ito ang dahilan kung bakit lumayo ang loob ng kaniyang tiyahin sa kaniya. Kahit na kasi may ipon na siya, hindi niya nagawang bumili sa paninda nito kahit isang piraso. Bibili man siya, todo tawad pa siya kaya minabuti nitong hindi na lang siya pagbentahan.

Dahil nga kaarawan ng kaniyang anak noong araw na ‘yon, agad siyang naghanap ng panibagong mabibilhan ng cake. Wika niya habang nagmamaneho, “Kakaiba na talaga ang mga tao ngayon, ano? Pati kamag-anak, grabe kung presyuhan! Hindi na ako magtataka kung isang araw, bigla ‘yong yumaman!” 

Nakakita siya ng isang bake shop hindi kalayuan sa bahay ng kaniyang pinsan dahilan para siya’y mapangisi. 

“Siguradong mas mura rito,” sambit niya saka bumaba sa kaniyang motorsiklo. 

Agad siyang kinausap ng bantay doon dahilan upang agad niya ring ipakita ang cake na nais niyang bilhin. 

“Sa tatlong patong na cake po niyan na may iba’t ibang mga disenyo, nagkakahalaga po ‘yan ng lima hanggang walong libong piso po. Purong tsokolate po kasi ang gamit namin sa mga cake na ibinebenta namin,” paliwanag nito sa kaniya na ikinabigla niya. 

“Diyos ko! Napakamahal naman!” sigaw niya. 

“Kung gusto niyo po, ganitong cake na lang. Isang bilog lang po, anim na raang piso lang po ito,” alok nito.

“Napakasimple naman niyan!” reklamo niya. 

“Eh, gusto niyo po mura, hindi ba? Gusto niyo ng maganda, wala naman kayong pera! Umalis na lang po kayo kung mamatahin niyo lang ang paninda namin. Wala nang mura ngayon, ikaw na lang ang kamura-mura ang ugali!” bulyaw nito sa kaniya dahilan para sila’y pagtinginan ng ibang kustomer na naroon. 

Upang huwag nang mapahiya, agad na siyang umalis doon at sa pagkakataong iyon, napagtanto niyang hindi na tatalab ang kaniyang pagiging matipid lalo na kung gusto niyang makiuso sa takbo ng buhay ngayon dahil lahat ng bilihin ay tumataas na rin. 

Muli siyang bumalik sa bahay ng pinsan niyang iyon. Siya’y humingi ng tawad at um-order ng cake na pasok lamang sa budget niya. Hindi man ganoon kaganda katulad nang nais niya, ang mahalaga’y hindi siya labis na gumastos para lang dito at nakatulong pa siya sa kaniyang pinsang negosiyante.

More Stories