Inabandona ng Ginang ang Alaga Nilang Aso, Hindi Siya Makapaniwala sa Ginawang Kabayanihan Nito

Inabandona ng Ginang ang Alaga Nilang Aso, Hindi Siya Makapaniwala sa Ginawang Kabayanihan Nito

HeartbreakingInspiringStories

“Nndito na ba ang lahat ng gamit mo? Wala ka na bang naiwan sa loob?” tanong ni Larah sa kaniyang anak, agad naman itong tumango-tango dahilan upang kaniya na itong pasakayan. 

“O, sumakay ka na, dali!” wika niya saka agad na binuksan ang kanilang sasakyan. 

“Mama, si bantay, nakatali pa. Hindi ba natin siya isasama?” tanong nito sa kaniya, napatingin siya sa asong nakaabang lang sa kanila. 

“Hayaan mo na siya riyan! Wala na siyang paglalagyan sa sasakyan! Uunahin mo pa ba ang asong ‘yan? Saka, puro garapata na ‘yan, Marie, wala ng pag-asa niyan. Ilang araw na lang panigurado ang buhay niyan,” wika niya saka agad nang tinulak papasok ng sasakyan ang kaniyang anak. 

“Kahit na, mama, magagawa pa natin siyang pagalingin! Pangako, tatanggalan ko siya ng garapata araw-araw. Pakiusap, mama, huwag natin siyang iwanan dito, kawawa naman siya!” pagpupumilit nito habang pinipigilang sumakay sa sasakyan.

“Gusto mo rin bang maiwan dito, ha? Sumakay ka na!” sigaw niya rito. 

“Kawawa naman siya, mama,” iyak nito. 

“Tumigil ka na kung ayaw mong maiwan din dito!” panakot niya rito.  

“Saglit lang po, pagbigyan niyo akong alisin siya sa pagkakatali,” pagmamakaawa nito dahilan para ito’y kaniyang pagbigyan. 

“Dalian mo na, gagabihin na tayo!” utos niya pa rito, agad naman itong tumakbo patungo sa asong nakatali sa harapan ng kanilang gate. 

Nang magkaroon ng maraming garapata ang alagang aso ng pamilya ng ginang na si Larah, biglang lumayo ang loob niya rito. Kung dati ay palagi niya itong nilalaro, pinaliliguan at kung minsan ay katabi pa sa pagtulog, ngayo’y palagi niya na itong itinataboy palabas ng kanilang bahay. 

Nagawa niya pa nga itong itali sa harapan ng kanilang gate para lamang hindi pumasok sa kanilang bahay at mapalapit sa kaniya. Ni hindi niya rin ito pinapakain at pinaliliguan dahil sobra na siyang nandidiri rito. 

Ang anak na dalaga niya na lang ang tanging nag-aalaga rito pero dahil nga palagi itong nasa unibersidad na pinag-aaralan, madalas, wala na ring nag-aalaga sa asong ito. 

Kaya naman, noong lilipat na sila ng bahay, ni hindi sumagi sa kaniyang isipan na isama ang asong ito. Katwiran niya, “Pabigat lang naman ‘yan sa buhay.” 

Noong araw na ‘yon, kahit na todo iyak na ang kaniyang anak para lamang lumambot ang puso niya at isama ang asong iyon, hindi niya ito binigyang pansin. 

Hinayaan niya lang na umiyak ito habang hinahabol sila ng asong pinakawalan nito. “B*bita ka rin kasi, eh, bakit pinakawalan mo pa!” inis niyang sambit dito. 

Maya-maya pa, matagumpay na nga silang nakarating sa lilipatan nilang bahay. Agad niyang pinag-ayos ng gamit ang anak na magang-maga ang mga mata at kahit anong pilit nitong balikan ang asong tiyak ngayo’y nasa lansangan, hindi niya ito pinakikinggan. 

Ilang buwan ang lumipas, matiwasay na nga silang nanirahan sa bahay na iyon. Labis siyang natutuwa dahil bukod sa wala na siyang iniintinding alaga, wala pang maingay tuwing dis oras ng gabi. 

At dahil nga wala siyang mapaglibangan o kahit makausap sa lugar na iyon, napagdesisyunan niyang manuod na lamang ng telebisyon. 

“Naku, tamang-tama, balita na!” tuwang-tuwa niyang wika, bigla namang dumating ang kaniyang anak dahilan upang tabihan siya nito sa panunuod habang inaayos ang sarili. 

Ngunit maya-maya, halos mabitawan niya ang hawak na remote nang makita niya sa balita ang asong kaniyang inabandona. 

Iniligtas nito ang isang batang muntikan nang masagasaan sa isang parke at ang batang iyon pala, ay anak ng isang mayamang negosiyante. 

“Mama, si bantay ‘yon, hindi ba? Ayan, o, nasa leeg niya pa ang nilagay kong kadena!” sambit ng kaniyang anak. 

“Teka, pakinggan muna natin ang balita!” saway niya rito. 

“Kahapon, napag-alamanan naming nahanap na ang may-ari ng asong ito…” sambit pa ng tagapagbalita. 

“Sa amin ‘yang asong ‘yan, eh!” sagot ng anak niya dahilan para tapikin niya ito. 

“At binigyan ng mga magulang ng batang ito ng malaking pabuya ang pulubing nag-aalaga rito,” dagdag pa ng tagapagbalitang ito saka pinakita sa telebisyon kasama ang bagong may-ari. 

Sa sobrang pangongonsensya at panghihinayang na nararamdaman niya, agad niyang isinara ang kanilang telebisyon at umiwas sa anak na ngayong labis na nanghihinayang at nalulungkot. 

“Sabi sa’yo, mama, si Bantay ang swerte natin,” hikbi nito. 

Labis man siyang nagsisi, wala siyang nagawa kung hindi ang tanggapin na hindi na maibabalik sa kanila ang asong iyon.

More Stories