Ibinenta ng Binata ang Motorsiklong Pinag-ipunan para sa Kaibigang Nangangailangan; Mabayaran Pa Kaya Siya Nito?

“Ang pogi pogi naman niyang motor mo, pare! Bagong bili ba ‘yan?” tanong ni Anton sa kaniyang kaibigan nang mapadaan siya sa bahay nito at nakita niya itong nagpupunas ng motorsiklo.

“Oo, eh, tatlong taon ko ‘tong pinag-ipunan! Hindi talaga ako kumakain sa labas para mabili ‘to nang hindi hulugan,” pagmamalaki ni Jerry habang patuloy pa rin sa pagpupunas.

“Naku, nakakahanga ka talaga kahit kailan! Bukod sa nakatutulong ka na sa pamilya mo, unti-unti mo na ring naaabot ang mga pangarap mong bagay noon pa man!” masayang sambit pa nito saka siya tinapik-tapik sa likuran.

“Natutuwa nga rin ako, eh. Hindi ko rin akalaing mabibili ko ito. Sipag at pagtitiis lang talaga ang kailangan, pare!” tugon niya sabay kindat.

“Darating din ang araw na makabibili rin ako ng ganiyan!” wika nito dahilan para siya’y mapangiti. 

“Oo naman! Mas malaki kaya ang kinikita mo sa akin!” pagpapalakas niya sa loob nito.

“Mas malaki rin naman ang ginagastos ko dahil parehas na may sakit ang mga magulang ko,” biro nito.

“Tingnan mo, sa ating dalawa, ikaw ang mas kahanga-hanga! Napakabuti mong anak!” sagot niya saka ito kinindatan. 

Advertisement

“Ewan! Dito na nga ako, binobola mo pa ako!” patawa-tawang sambit nito saka na siya tuluyang iniwan doon.

Simula nang makahanap ng trabaho, agad nang sinimulan ng binatang si Jerry ang pangarap niyang magkaroon ng sariling motorsiklo. Dahil nga nasa regular na sahod lang ang kaniyang kinikita tuwing kinsenas ng buwan, pakurot-kurot na ipon ang kaniyang ginagawa upang mapagsabay ang pag-iipon para rito at pagtugon sa pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Ito ang dahilan upang umabot ng tatlong taon ang kaniyang pagtitipid sa sarili bago ito mabili. Sa katunayan, may mga araw pang halos hindi siya kumakain sa trabaho, umuuwing naglalakad para makatipid at kung minsan pa tinitiis niyang gumamit ng sabon sa buhok at ngipin niya para lamang may maihulog sa kaniyang alkansya.

Kaya naman nang mabili na niya ang motorsiklong ito nang buo, ganoon na lamang ang tuwa niya.

“Nagbunga na rin sa wakas ang pagtitipid ko! Salamat sa Diyos, may motorsiklo na ako!” sigaw niya nang mapasakamay ang naturang motorsiklo.

Ito ang dahilan upang labis siyang hangaan ng kaniyang matalik na kaibigang si Anton na hanggang ngayon, wala pa ring naipupundar para sa sarili dahil sa bigat ng problemang kinakaharap ng pamilya.

Matapos nilang magkitang dalawa noong araw na ‘yon, halos isang linggo lamang ang lumipas, nakita niya itong nakatungo sa harapan ng kanilang barangay at tila wala sa sarili dahilan upang kaniya itong lapitan at kamustahin.

“Mababaliw na ako, pare, kailangan ko ng isang daang libong piso para sa operasyon at gamot ng nanay ko. Saan ako kukuha noon, hindi ba? Pinagtatabuyan pa ako ng mga opisyal ng barangay na ito, hindi na raw nila problema ‘yon! Wala akong malapit, pare, pwede mo ba akong tulungan?” iyak nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapabuntong-hininga.

Advertisement

At dahil nga walang-wala rin siya, isang bagay lang ang nakita niya upang matulungan ang kaibigan niyang ito. Kahit na hindi siya sigurado sa kaniyang gagawin, alang-alang sa kaibigan niyang ito, nagawa niyang ibenta ang motorsiklong kaniyang pinaghirapan.

Pigil luha niyang iniabot sa kaibigan ang pinagbentahan ng naturang motorsiklo.

“Salamat, pare, makakaasa kang gagawin ko ang lahat para makabayad sa’yo!” iyak nito saka siya mahigpit na niyakap. Lugmok na lugmok siyang umuwi sa kanilang bahay habang kinukumbinsi ang sariling tama ang kaniyang ginawa.

“Luho ko lang naman ‘yon, eh, mas kailangan ng kaibigan ko ang perang ‘yon,” wika niya.

Lumipas pa ang ilang buwan, hindi na niya muling nakita ang kaibigan niyang ito. Ang huling balitang natanggap niya mula rito ay ang tagumpay na operasyon ng nanay nito, pagkatapos noon, bigla na itong hindi nagparamdam.

Dahil nga nararamdaman niyang tila wala na itong balak na bayaran siya, ginawa niya muli ang lahat upang makaipon.

“Bakit kaya hindi man lang ako nagagalit sa ginawa ni Anton, ano?” tanong niya sa sarili habang matiyagang nagtatrabaho.

Pagkauwi niya, nagulantang siya sa sandamakmak na grocery na inaayos ng kaniyang ina. Bukod pa roon, may motorsiklo ring pinapasok ang kaniyang ama na kamukhang-kamukha noong ibinenta niya dahilan upang siya’y agad na mang-usisa sa mga ito. “Padala ni Anton sa’yo, anak! Pasensiya ka na raw at ngayon lang siya nakapagparamdam. Wala raw siyang selpon doon, eh,” sagot ng kaniyang ina na ikinagulat niya, “Nais ka nga rin pala niyang sumunod doon, siya na raw ang bahala sa lahat ng gastusin mo at may nakaabang nang trabaho para sa’yo!” dagdag pa nito na labis niyang ikinaiyak. 

Advertisement

At iyon na nga ang simula nang pag-angat nila sa buhay. Matagumpay siyang nakapangibang-bansa at kumikita nang malaking halagang katulad ng kaniyang kaibigan.

“Kapag talaga nagbigay ka, triple ang isusukli sa’yo ng Diyos!” sambit niya sa sarili habang binibilang ang perang ipapadala sa kaniyang pamilya.