Nilalait ng Kaniyang mga Kaeskuwela ang Kolehiyalang Ito dahil ‘Service Crew’ Lang daw ang Kaniyang Nobyo; Pahiya Sila nang Malaman ang Kanilang Kwento

“Seryoso ba? ’Yan ’yong boyfriend ni Amelia?” natatawang tanong ng isa sa mga kaeskuwela ng kolehiyalang si Amelia nang makitang sinusundo na siya ng kaniyang nobyong nakasuot pa ng uniporme nito sa trabaho.

“Oo. Nagulat nga rin kami nang unang beses na makita namin ’yan. Hindi namin ini-expect na ’yong pinakamatalino at pinakamaganda nating ka-block ay nakipagrelasyon lang sa isang…hamak na service crew! Ew!” puno ng pandidiring sagot naman ng kausap nito na agad namang nakapagpantig sa tainga ni Amelia.

Nag-iinit ang kaniyang ulo. Ang totoo ay akma na sana siyang kikilos upang lapitan ang mga ito nang bigla siyang nahawakan at napigilan ng kaniyang nobyong si Arvin. “Hayaan mo na ’yan, mahal. Huwag mong sayangin ang energy mo sa ganiyang mga klase ng tao,” nakangiti ngunit seryosong payo nito sa kaniya. “Baka may crush lang sa akin ang mga ’yan kaya nila ako pinag-uusapan,” pabirong dugtong pa nito na ikinaikot naman ng mga mata ni Amelia.

Ang lakas ng tawa ni Arvin nang marahan niya itong hampasin sa dibdib. Iyon ang isa sa mga bagay na minahal niya sa lalaki. Hindi kasi ito madaling maapektuhan sa sinasabi ng ibang tao, ’di ’tulad niya. Para kay Arvin, hangga’t hindi ito pisikal na nasasaktan sa ginagawa ng ibang tao laban sa kaniya ay wala itong pakialam. Hindi nito gustong mag-aksaya ng oras at pagod sa mga taong, sabi nga nito, ay wala raw patutunguhan o ’di kaya’y miserable sa buhay kaya nandadamay na lang ng iba.

Palakad na sana si Amelia kasabay ng kaniyang nobyo at talagang kakalimutan na niya ang mga narinig mula sa mga kaeskuwela, kundi nga lamang bigla na lamang may bumato ng bola sa ulo ng nobyo niyang si Arvin. Ganoon na lang tuloy ang galit niya lalo na nang biglang magtawanan pa ang mga nagtsi-tsismisan sa likuran nila!

Marahas na nilingon ni Amelia ang taong bumato ng bola sa kaniyang nobyo. Pikon na pikon siya nang makitang iyon ay walang iba kundi si Gerald na matagal nang nanliligaw sa kaniya ngunit paulit-ulit niyang binabasted.

“Iyan ba ang dahilan kung bakit ayaw mo akong sagutin? Isang hamak na service crew? Nakakainsulto naman, Amelia,” nakangising sabi pa ng mayabang na lalaki sa kaniya na lalong nagpausok sa ilong ng dalaga.

“A, talaga? Alam mo, siya nga dapat ang mainsulto na ikinukumpara mo ang sarili mo sa kaniya. Hindi man lang kayo mahiya sa mga sarili n’yo!” Puno ng disgusto ang mukha ni Amelia. “Baka lamang hindi n’yo alam na ipinaubaya ng boyfriend ko ang pag-aaral niya upang makatapos ‘muna’ kami ng kapatid niya. Siya ang sumasagot sa pag-aaral ko upang matupad ko ang pangarap ko, bago niya unahin ang kaniya, lalo pa at isa akong ulila. Alam n’yo ba kung gaano siya kabait na anak, kuya, at boyfriend? Handa siyang isakripisyo at isantabi ang sarili niyang pangarap at kaligayahan para sa iba, pagkatapos ay may lakas kayo ng loob na ihalintulad ang sarili n’yo sa kanya, gayong kayo, hanggang ngayon ay nakanganga pa sa mga magulang n’yo at nagpapasaway pa!”

Advertisement

Biglang natigilan ang mga kaeskuwela nila nang marinig ’yon kay Amelia. Tila napahiya ang mga ito, lalo pa at ngayon lamang nila napansing may nakikinig na palang mga professor sa kanila ngayon, na nakakita ng ginawa nila sa nobyo ni Amelia.

“Mahal, tama na ’yan,” maya-maya’y muling sambit ni Arvin. “Masiyado na akong nasisiyahan sa mga sinasabi mo. Halika na’t kumain na tayo para hindi ka mahuli sa susunod mong klase,” dagdag pa nito na nakapagpabalik sa kakalmahan ni Amelia.

Humingi muna ng paumanhin si Amelia sa kaniyang mga professor para sa naganap na eksena bago sila nagpatuloy ng kaniyang nobyong si Arvin sa kanilang pupuntahan. Samantala, pagkaalis na pagkaalis naman ng dalawa ay ipinatawag ng mga professor ang mga kaeskuwela ni Amelia sa Dean’s office upang makatikim ng parusa ang mga ito.

Pagkatapos ng araw na ’yon, hindi na muli pang nakatanggap ng panlalait si Amelia mula sa kaniyang mga kaeskuwela lalo na nang malaman ng mga ito na siya ang makakakuha ng pinakamataas na parangal sa kanilang nalalapit na pagtatapos.

Dahil doon ay napalitan na ng paghanga para sa kanila ng kaniyang nobyo ang dating pang-iinsulto sa kaniya ng mga ito. Ngayon ay nagsisilbi na silang mga inspirasyon para sa kanila.