Siningil ng Babaeng Ito ang Matagal nang Utang ng Kaniyang Kumareng Nag-abroad; Imbes na Magbayad ay Nagalit pa Ito sa Kaniya
Usap-usapan na naman sa looban—kung saan nakatira sina Aling Berta—ang naging pag-uwi ng isa sa kanilang mga kapitbahay na si Aling Perly mula sa pag-a-abroad nito. Narinig niya lang ang nasabing balita kanina habang siya ay nangungutang ng sardinas sa sari-sari store nina Mang Tonyo na isa rin sa mga residente roon sa looban.
“Naku, tamang-tama ang pag-uwi ng kumare ko. Masisingil ko na ang kinse-mil na utang niya sa akin noon pa,” tila nabubuhayang sabi ni Aling Berta sa kaniyang sarili habang nakaharap siya sa salamin at ipinupusod ang kaniyang buhok bilang paghahanda sa kaniyang pagdalaw sa bahay ng kumareng si Aling Perly, pagkatapos ay puno ng awa sa mga matang tiningnan niya ang apat na taong gulang na anak habang kumakain ito ng pananghalian na ang ulam ay sardinas na naman, tulad ng ulam nila kagabi at noon pang nagdaang araw.
Wala pa kasing sahod ang kaniyang mister dahil kapapasok lamang nito sa bagong kompaniyang pinagtatrabahuhan nito. Tiis-tiis muna tuloy sila at nagtitiyaga sa pag-uulam ng sardinas sa araw-araw na inuutang pa nila kina Mang Berto.
Matagal na ang utang sa kaniya ng kumareng si Perly. Noon pa ’yon bago ito umalis ng bansa upang magtrabaho bilang OFW, dalawang taon na ang nakakalipas. Ngunit tila nakalimutan na yata nito ang ginawa niyang pagtulong noong labis itong nangangailangan ng pera, dahil matapos nitong makaalis ng bansa ay wala na siyang ni isa mang salitang narinig mula rito. Ngayon ay hindi naman na siguro kalabisan pa kung maniningil siya lalo pa at kailangang-kailangan niya ng pera.
“Mareng Perly! Mareng Perly!” pangangatok ni Aling Berta sa bahay ng kaniyang kumare na hindi naman nagtagal ay nilabas siya, suot ang mamahaling damit nito, pati na rin mga aksesoryang kumikinang-kinang pa sa tuwing tatamaan ng sinag ng araw.
“O, Berta, napadalaw ka? Mukhang nasagap mo agad ang balitang dumating na ako, a. Ano’ng ginagawa mo rito? Manghihingi ka ba ng tsokoleyt?” sarkastiko naman nitong bungad sa kaniya na bagama’t hindi nagustuhan ni Aling Berta ay minabuti na lamang niyang hindi na pansinin pa.
“Naku, hindi. Hindi ako manghihingi sa ’yo ng pasalubong. Talagang dumiretso agad ako rito nang malaman kong dumating ka, kasi gusto ko sanang singilin ’yong kinse-mil na inutang mo sa akin noon bago ka mangibang bansa. Pasensiya ka na. Kailangang-kailangan ko kasi ng pera ngayon dahil halos wala na kaming makain. Kapapasok lamang ng kumpare mo sa trabaho, e,” maayos pa ring pananalita ni Aling Berta na agad namang sinuklian ng ngiwi ni Aling Perly.
“Anong utang? Ang tagal-tagal na no’n, ngayon ka lang naningil!” kunot-noong anito sa kaniya na para bang kasalanan pa niya na hindi ito nagbayad sa loob ng dalawang taon.
“Pasensiya ka na, Perly, pero hindi mo ba natatandaang b-in-lock mo ako sa Facebook noong sinubukan kong singilin ka sa utang mo? Kaya nga inabangan ko na lang na makauwi ka na rito sa ’Pinas,” tugon naman ni Aling Berta na may himig na ng pagkainis dahil sa inaasta sa kaniya ng kumare.
“Ewan ko sa ’yo!” ngunit imbes ay sigaw muli ni Perly. “Hindi ko na babayaran ’yang utang na ’yan dahil napakatagal na n’yan!” katuwiran pa nito.
Agad na umakyat sa ulo ni Aling Berta ang inis. “Kung ganoon ay magkita na lang tayo sa barangay,” mariing banta niya na muli ay sinagot lamang nito ng ngisi.
“Bakit? May ebidensiya ka bang may utang ako sa ’yo?”
“Oo,” mabilis na tugon ulit ni Aling Berta bago niya itinaas ang isang notebook na dalawang taon din niyang iningatan kung saan sila nagkapirmahan noon tungkol sa utang ni Perly sa kaniya. Akala yata ng kumare niyang ito ay itinapon niya na ’yon dahil sa tagal ng panahong tinaguan siya nito.
Hindi na nakaimik ang utangera niyang kumare. Nang magkita sila sa barangay ay yuyuko-yuko siya nitong hinarap, dala ang kinse-mil na pambayad nito sa utang nito sa kaniya. Bukod doon ay nakatikim pa ito ng sermon sa kanilang kapitan kaya naman lalong napahiya si Perly.
Sa mga sandaling ito kasi ay kalat na rin sa kanilang barangay ang ginawa nito kina Aling Berta, kaya naman nang sumunod na nangailangan ito ng pera ay wala nang gusto pang magpautang dito. Tila nakarma ito dahil hindi na rin ito nakabalik pa sa ibang bansa!
Isang patunay na hindi talaga tinatagalan ng swerte ang mga taong hindi marunong magbalik ng utang na loob.