Ibinigay Siya ng Kaniyang Madrasta sa Isang Mayamang Pamilya Kapalit ng Utang Nito sa Kanila; Manlulumo Ito sa Magiging Ganti Niya
“Aunty, please, huwag n’yo naman po akong ibigay sa kanila!” umiiyak na ani Katrina sa kaniyang madrasta habang nakaluhod siya at magkasalikop ang mga kamay na nakikiusap dito, ngunit imbes na maawa ito sa kaniya ay tila lalo pa yata itong nainis. Bigla itong napangiwi bago nito hinithit ang natitira nitong sigarilyo.
“Tumahimik ka! Kailangan mong sumama sa mga ’yan para mabayaran ko ang lahat ng utang na iniwan sa akin ng ama mo noong nagkasakit siya!” sagot pa nito bago itinapon sa kaniyang mukha ang mga damit niya, pagkatapos ay isinunod na rin nito ang isang maleta.
Walang nagawa si Katrina nang araw na ’yon kundi sundin na lamang ang utos ng kaniyang madrasta. Alam niyang hindi niya pa rin naman ito magagawang kumbinsihin kahit pa anong gawin niya, lalo pa at nakikita niya ang nakangising mukha ng mga anak nitong siguradong natutuwang mawawala na siya sa buhay nila.
Ngunit alam ni Katrina na may karapatan siya sa bahay ng kaniyang ama, lalo pa at siya ang lehitimo at tunay na anak nito. Hindi rin naman kasi ito kasal sa madrasta niya dahil nagkasakit na ito noon bago pa man maituloy ang kanilang planong pag-iisang dibdib. Nang araw na ’yon ay nagpaalam siya—pansamantala—sa bahay na kaniyang kinalakhan, dahil ipinangako niya sa kaniyang sarili na darating ang araw na babawiin niya ang lahat ng dapat ay para sa kaniya, mula sa masasamang mag-iinang ito.
Ipinambayad siya ng kaniyang madrasta sa utang nito sa amo ng kaniyang ama, kung saan ito nagtatrabaho noon bilang driver. Noon kasi ay ito ang gumastos nang magkasakit ang kaniyang ama, kaya naman nang mawala na ang kanilang padre de pamilya ay nagsimula na rin silang singilin ng among isa palang abogado.
Ang buong akala pa nga ni Katrina ay kinuha siya nito upang alipinin, ngunit laking pagtataka na lamang niya nang sa pagdating niya sa tahanan nito ay dinala siya nito sa sarili niyang kwarto, na isang magara at napakagandang silid, at sinabi nitong hindi siya naroon upang magtrabaho.
“Ibinilin ka sa akin ng ’yong ama bago siya mawala, hija,” anang dating amo ng kaniyang ama, si Sir Facundo. “Kaya naman simula ngayon ay maninirahan ka na rin dito sa amin at ituturing ka naming kapamilya,” dagdag pa nito na agad namang ikinatuwa ni Katrina, lalo na nang malaman niyang maging ang asawa’t nag-iisa nitong anak na lalaki ay kasing buti rin ng kalooban nito.
Pinakain, binihisan, minahal at pinag-aral siya ng pamilya ni Mr. Facundo, hanggang sa dumating ang araw na naging isa na siyang ganap na abogado katulad nito, habang ang anak naman nitong lalaki na si Christopher—na kalaunan ay naging kaniyang nobyo—ay naging isang ganap na arkitekto.
Maganda na ang buhay ni Katrina, ngunit may isang bagay pang hindi nagpapatahimik sa kaniya. Iyon ay ang pangako niya sa kaniyang sarili noon na muli niyang babawiin ang tangig ala-alang iniwan ng kaniyang mga magulang na noon ay inangkin na ng kaniyang madrasta at mga anak nito…ang kanilang tahanan.
Dahil doon ay agad na inasikaso ni Katrina ang lahat ng kakailanganin niyang dokumento upang magawa ang kaniyang ninanais. Mabilis naman niya itong nakuha, dahil siya lang ang tunay na may karapatang halungkatin ang mga dokumento ng yumaong ama’t ina, ’di ’tulad ng kaniyang madrasta.
Maingay na paligid ang naabutan ni Katrina nang dumating siya sa kaniyang tahanan. Paano kasi, sa kanilang bakuran ay nagkalat ang mga taong may hawak na iba’t ibang klase ng barahang pansugal na siyang pinangungunahan naman ng madrasta niya at mga anak nitong pawang mga sugarol, dahil hindi rin sila nakapagtapos ng pag-aaral.
Nahinto ang kaniyang madrasta sa ginagawa nang mapansing nililinga-linga niya ang paligid. Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata nito nang makilala siya.
“A-ano’ng ginagawa mo rito?” animo kinakabahang tanong nito sa kaniya.
“Nandito lang naman ako para bawiin sa inyo ang bahay ko.” Binigyang diin niya pa ang huling kataga upang ipamukha ritong siya lang ang may karapatan sa tahanang inaangkin nito.
Akma sanang magrereklamo pa ang kaniyang madrasta nang bigla niyang ihayag sa harapan nito ang mga dokumentong nagsasaad na siya nga ang bagong nagmamay-ari ng naturang ari-arian. Sa huli, walang nagawa ang mga ito kundi ang umalis na lamang na luhaan sa bahay na iyon, na matagal din namang pinakinabangan ng mga ito. Ngayon ay wala na silang mapupuntahan pa at hindi rin siya nagpakita ng ni katiting na awa sa mga ito, tulad ng ginawa nila sa kaniya noon. Sa wakas ay natupad din niya ang kaniyang pangako at nagkaroon din ng hustisya ang ginawa sa kaniya ng pamilya ng kaniyang madrasta noon.