Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Dalaga sa Kaniyang Ina na Labis Kung Maghigpit; Nang Siya ang Maging Ina ay Nagbago nang Labis ang Pananaw Niya

Nagalit ang Dalaga sa Kaniyang Ina na Labis Kung Maghigpit; Nang Siya ang Maging Ina ay Nagbago nang Labis ang Pananaw Niya

Nakatingkayad na naglakad si Coreen papasok sa kanilang bahay. Pilit niyang iniiwasan na makagawa ng kahit na anong ingay, takot na magising ang kaniyang ina. Sabado kasi ng gabi ngayon, dapat ay nag-aaral siya pero mas pinili niyang pumuslit palabas at sumama sa mga nag-aayang mga kaibigan.

Tahimik ang paligid. Madilim. Mukhang tulog na ang lahat. Mukhang hindi siya napansin ng ina kaya’t wala siyang maririnig na sermon mula rito. Lihim siyang nagdiwang.

“Saan ka galing?”

Halos mapatalon siya nang marinig ang tinig. Kasabay noon ay bumukas ang ilaw at bumungad ang kaniyang ina na nakaupo sa sala. Halata sa mukha nito ang tinitimping galit, mukhang kanina pa siya hinihintay.

“Sagutin mo ako, Coreen. Saan ka galing?” ulit nito.

“Diyan lang po, Mama. Kasama ko po ang mga kaibigan ko. Gumawa lang kami ng project sa school,” paliwanag niya.

Mukhang hindi ito naniwala sa paliwanag niya dahil lumapit ito sa kaniya. Halos pigilan niya ang paghinga lalo na’t aminado siyang may alak at sigarilyong kasama ang katuwaan nila.

“Project sa school? Pero amoy alak at sigarilyo ka! Ito na nga ba ang sinasabi ko kung bakit ayaw na ayaw kong sumasama ka mga barkada mo! Masama ang impluwensya nila sa’yo!” galit nitong sigaw.

“Hindi naman po ganoon iyon. Nagkatuwaan lang naman kami,” pagtatanggol niya sa mga kaibigan.

“Anong hindi? Kita mo nga’t hindi lang bisyo ang natutuhan mo, pati na rin pagsisinungaling! Nagawa mo pang tumakas kahit na dapat nag-aaral ka! Mula ngayon hindi ka na sasama sa kanila, maliwanag?” anito.

Nabuhay ang inis niya sa ina. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ito kahigpit sa kaniya mula pa noong bata pa siya.

Sa lahat ng ginagawa niya, lagi itong may komento. Hindi niya tuloy magawa ang lahat ng gusto niya.

Pwes, hindi siya papayag!

“Lahat na lang bawal! Sa tingin niyo ba gagawin ko ito kung hindi kayo ganito kahigpit sa akin? Hindi na ako bata! Kaya ko na ang sarili ko kaya hindi ko na kayo kailangan!” sigaw niya saka nag-martsa papunta sa kwarto at pinagbagsakan pa ito ng pinto.

Magmula noon, iyon na ang madalas na tagpo sa kanilang bahay. Palagi silang nauuwi sa mainit na pagtatalo. Sa huli, hindi rin siya nito matiis kaya palagi niyang nakukuha ang gusto niya.

“Hindi ka ba naaawa sa nanay mo sa tuwing nagkakasagutan kayo? Baka naman ayaw ka lang talaga niyang mapahamak kaya ganoon na lang kung pagbawalan ka,” komento ng isang kaibigan niya isang gabi habang nasa inuman sila.

“Protektahan saan? Kaya ko naman ang sarili ko. Hindi pwedeng habang buhay na lang na siya ang masusunod!” nakairap na sagot niya.

Lumipas ang maraming taon at isa na siyang ina. Ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi siya gagaya sa kaniyang ina, hindi niya didiktahan ang buhay ng anak at hangga’t maaari susuportahan niya ito sa lahat ng bagay. Alam niya kasi ang pakiramdam na parating limitado ang kilos at galaw.

Magkasundo naman sila ng kaniyang ina, ngunit kalaunan ay kapansin-pansin ang malaking pagbabago nito.

Malamig ang pakikitungo nito sa kaniya. Puro cellphone ang inaatupag nito at panay ang pagsama sa mga barkada kaya’t hindi niya mapigilan ang mag-alala.

“Aalis ka na naman? Hindi ba napapadalas ang paglabas-labas mo?” tanong niya rito isang gabi nang makita niya itong paalis ng bahay.

“Mag-aaral po kami ngayon. ‘Wag po kayong mag-alala,” sagot nito saka walang lingon-likod na umalis.

Hindi siya makatulog. Bilang ina, labis ang pag-aalala niya dito. Wala siyang magawa kundi ang hintayin ang pagdating nito.

Madaling-araw na ito nakauwi, at halos hindi na ito makatayo nang maayos sa sobrang kalasingan.

Naghalo ang amoy ng usok ng sigarilyo at alak. Nanlaki ang mata ni Coreen. Menor de edad pa kasi ang anak niya, ay hindi ito dapat nagbibisyo!

“Ang sabi mo sa akin mag-aaral ka, pero ito pala ang inaatupag mo? Bisyo? Ang bata-bata mo pa!” galit na sermon niya sa anak kinaumagahan.

Ngunit tila nagalit pa ito sa nangyari.

“Kaya ko na ang sarili ko kaya ‘wag niyo na akong pakialaman! Hindi ko na kayo kailangan!” pabalang na sagot nito saka ibinalibag ang pinto ng kwartong pinasukan.

Natulala siya sa narinig. Hindi niya akalain na maririnig niya iyon sa anak gayong nag-alala lang naman siya dito bilang ina.

Dahil sa labis na bigat ng dibdib ay kinuwento niya sa kaniyang ina ang nangyari. Sa gulat niya ay ngiti ang isinagot nito.

“Manang-mana sa’yo ang anak mo. Iyon ang eksaktong salita na sinabi mo sa akin noon,” pahayag nito.

Natahimik siya dahil sa wakas ay naiintindihan niya na rin ito dahil pareho na sila ng sitwasyon.

“’Wag kang mag-alala anak, sigurado akong magiging ayos din ang lahat. Araw-araw akong nag-aalala sa’yo noon pero lumaki ka naman nang maayos, hindi ba?”

“Hindi ko lang maiwasang isipin kung tama ang pagpapalaki ko sa kaniya,” aniya.

“Wala namang perpektong ina, anak. Hindi ito inaaral pero natututuhan. Isa pa, sigurado akong tama ang pagpapalaki mo sa kaniya. Tingnan mo na lang ngayon,” turo nito sa paparating.

Nang lingunin niya ang tinuturo ng ina ay nakita niya ang anak na papalapit sa kanila. Yukong-yuko ito, umiiyak.

“Sorry sa nangyari kagabi, pati na rin po sa mga nasabi ko. Hindi ko na po ito uulitin. Alam ko naman na nag-aalala lang kayo sa’kin,” paghingi nito ng dispensa.

Hindi niya mapigilan ang maiyak habang niyayakap ang anak. Pagkatapos ay binalingan niya ang sariling ina.

“Sorry rin sa mga nasabi ko noon, Mama. Akala ko noon ay mali ka sa paghihigpit sa akin. Pero tama ka. Marahil ay napariwara ako noon, kundi dahil sa paulit-ulit mong paalala,” pahayag niya sa ina, na sinagot nito ng marahang tapik sa kaniyang balikat.

Napabuntong-hininga na lang si Coreen.

Tunay nga na may mga bagay na hindi mo agad maintindihan, maliban na lang kung naroon ka na sa kaparehong sitwasyon.

Dalangin niya na nawa ay gaya niya noon, lumaki pa rin ang anak niya nang maayos.

Advertisement