Ipinahiya Niya ang Kaibigan na Hindi Yata Marunong Magkawanggawa; Sa Huli ay Pinagsisihan Niya ang Nagawa
“Cel, kumusta ka na? Ang tagal mo rin hindi nagpakita. Iba na talaga kapag boss,” natatawang bati ni Alea sa kaibigan.
Sa kanilang lahat, masasabi niya na ito ang pinaka-successful. Mataas ang posisyon nito sa isang kompanya. Nakabili na rin ito ng sariling bahay at kotse. Bali-balita na mayroon din daw itong negosyo, ngunit walang nakakaalam sa kanila kung totoo ba ‘yun dahil sadyang malihim ang kaibigan niya.
“Sorry, ha. Medyo naging busy lang. Maraming trabaho, saka may pinagkakaabalahan kasi ako kapag walang pasok,” nahihiyang sagot nito.
“Ano namang pinagkakabalahan mo? ‘Yan ba ‘yung naririnig kong negosyo mo raw?” usisa ng kaibigan nila na si Jamie.
Tila naasiwa si Cel, ngunit sinagot pa rin nito ang tanong.
“Naku, hindi. Wala pa sa isip ko ang pagnenegosyo. Alam niyo naman na mahina ang loob ko sa mga ganyan, hindi ba?” anito.
Napailing na lang si Alea mula sa kaniyang kinauupuan. Mula noon, hanggang ngayon ay napaka-malihim talaga ni Cel.
Kung hindi pa sila magtatanong ay hindi pa ito magbabahagi ng kung ano tungkol sa buhay nito. Kung minsan ay bahagyang nakakadismaya, pero nang tumagal ang nasanay na lang sila sa kaibigan.
Nagpatuloy ang kwentuhan nila hanggang sa napunta ang usapan sa kawanggawa.
“Kaming mag-asawa, regular kaming nagdo-donate sa simbahan sa lugar namin. Tiyak naman na maayos ang kapupuntahan noon dahil madalas na may feeding program ang simbahan. Kaya ‘yun ang napili namin,” kwento ni Jamie.
“Ako, noong nag-birthday ako, namigay ako ng mga school supplies sa mga mahihirap na bata doon sa lugar namin. Nagbalot din ako ng mga pagkain para naman busog ang mga bata,” pagbibida niya.
Isa-isa ring nagbida ang lahat bawat isa ng mga kawanggawa nila para makapagbahagi ng biyaya.
“Ako, bilang guro ay hindi naman kalakihan ang sweldo ko, kaya wala rin akong masyadong pambigay sa iba. Pero sa t’wing may libre akong oras ay nagbo-boluntaryo akong magturo nang libre sa mga batang kalye na gustong matuto mag-isa,” kwento ni Cheryl.
Napangiti si Alea sa kwento ni Cheryl. Mula kasi noon pa man ay ito na ang may malambot na puso. Natutuwa siya na nakakatulong ito sa iba sa sarili nitong paraan.
Naabot ng tingin niya si Cel na tahimik na nakikinig. Hindi mapigil ng kilay niya na tumaas.
“Ikaw, Cel, anong kawanggawa mo?” usisa niya.
Hindi ito makapagsalita, tila naasiwa.
“‘Wag na nating usisain pa si Cel, hindi siguro siya kompor–”
“Naku, Cel, ha. Dapat, sa ating lahat, ikaw ang tumutulong sa iba, lalo pa’t may kakayahan ka na magbigay. Tingnan mo naman si Cheryl, kakarampot ang kinikita, pero nagagawa na tumulong sa iba,” hindi mapigilang litanya niya.
“Ako, kahit gaano kaabala sa trabaho, nagagawa kong tumulong sa iba. Hindi mo naman siguro gagawing dahilan iyon, ‘di ba?” dagdag niya pa.
Matagal na namayani ang katahimikan.
“Kung interesado ka, may alam akong pwede mong tulungan. Gusto mo ba na ipakilala kita kay Sister? Pwede ka siguro d’on mag-donate ng pera,” suhestiyon niya.
Tila napipilitan na tumango ito.
“Sakto, doon na lang tayo magsimba,” aniya, na sinang-ayunan naman ng lahat.
Gaya ng usapan ay tumungo sila sa simbahan ng San Roque. Dumalo sila ng misa. Matapos ang misa ay matagal-tagal pa ang hinintay nila bago nila makaharap ang kakilala niyang madre na si Sister Carol.
Inaasahan na niya ang mainit na bati nito sa kaniya. Ngunit ang ikinagulat niya ay ang biglaan nitong pagyakap kay Cel, na tila ba matagal nang magkakilala ang dalawa.
“Magkakilala ho kayo, Sister?” takang usisa niya.
Ngiting-ngiti na tumango ang madre.
“Naku, ito pa bang si Cel? Halos linggo-linggo ay nasa ampunan ito, tumutulong. Nahihiya na nga kami sa kaniya,” anang madre.
Nanlalaki ang matang sinulyapan niya si Cel, nasa mukha nito ang pagka-asiwa.
“Isa si Cel sa mga nagpapadala ng donasyon sa amin buwan-buwan. Kaya malaki ang pasasalamat namin sa kaniya. Alam ko na pagpapalain siya ng Diyos at bibigyan ng umaapaw na biyaya,” wika pa ng madre.
Nang makaalis ang madre ay pinukol niya ng nagtatanong na tingin ang kaibigan.
“Hindi ko alam na dito mo ako dadalhin, Alea. Matagal ko nang kilala si Sister. Sa ampunan ako naglalagi kapag wala akong pasok,” paliwanag nito.
Iyon pala ang sinasabi ni Cel na ginagawa nito kaya wala itong oras.
“Bakit hindi mo sinabi? Kung ano-ano tuloy ang nasabi ko sa’yo…” nahihiyang wika niya sa kaibigan.
Ngumiti ito.
“Hindi naman kasi kailangan isapubliko ang pagtulong, hindi ba?” anito.
Siya naman ang napahiya. May punto ang kaibigan.
“Ang mahalaga sa akin ay nakatulong ako. Diyos na lang ang bahalang humusga sa akin, Siya naman ang nakakakita ng lahat,” pahayag pa nito.
Tuluyan nang natameme si Alea. Tama si Cel. Sa huli ay ang Diyos lang ang tunay na nakakakita ng ating pagtulong sa iba—palihim man o pampubliko, tunay man o balatkayo.