Inday TrendingInday Trending
Napansin Niya ang Tila Pader sa Pagitan ng Kaniyang Anak at Asawa; Nagimbal Siya nang Malaman ang Dahilan sa Likod Noon

Napansin Niya ang Tila Pader sa Pagitan ng Kaniyang Anak at Asawa; Nagimbal Siya nang Malaman ang Dahilan sa Likod Noon

Napailing na lang si Gina habang minamasdan ang papalayong bulto ng anak niya na si Andie. Ang sabi kasi nito ay kakain daw ito ng umagahan, ngunit nang makita nito ang ama na nakadulog sa mesa ay biglaan na lamang itong nagdabog palabas.

Ang asawa naman niya ay nanatili lamang na nakatutok ang mata sa cellphone nito na tila hindi man lang napansin ang nangyari.

“Meron ba kayong hindi pagkakaunawaan ni Andie? Napapansin ko na kakaiba ang kilos niya kapag narito ka sa bahay,” untag niya sa asawa.

Nanatiling nakapako ang tingin nito sa hawak na cellphone, tila hindi siya narinig. Takang tinapik niya ang asawa.

“Ben,” mas malakas na tawag niya sa lalaki.

Noon niya lamang nakuha ang atensyon ng asawa.

“Ano? May sinasabi ka ba?” gulat na tanong nito.

Pinigil niya ang mainis sa asawa.

“Mukhang nag-away kayo ni Andie. Parating masama ang timpla ng anak mo kapag nariyan ka. Hindi mo ba napansin?” ulit niya sa sinabi kanina.

Napakunot-noo ito, nag-iisip, bago marahang umiling.

“Wala akong natatandaan. Baka pagod lang ang bata. Alam mo na, teenager, marami silang drama sa buhay,” tila balewalang turan nito.

Nang tumunog ang cellphone ni Ben ay agad itong tumayo at nagpaalam na aalis na.

Naiwan si Gina na nag-iisip. Subalit hindi siya makaisip ng maaaring dahilan ng hindi pagkakasundo ng dalawa. Hindi niya rin maisip kung kailan nagsimula ang hindi pagkakaunawaan ng dalawa.

Noong mga sumunod na araw ay sinubukan niya na paglapitin ang dalawa, ngunit hindi siya nagtagumpay. Mukhang malaking bagay ang pinagtalunan ng mga ito.

Isa pa, mukhang hindi handa si Andie na sabihin sa kaniya ang nangyari. Sa t’wing binabanggit niya ang ama nito ay umiiwas ito sa usapan. Mukha itong may kung anong kinatatakutan, bagay na labis niyang pinag-aalala.

Isang gabi ay nasangkot sa isang malaking pagtatalo ang kaniyang mag-ama.

Habang kumakain sila ng hapunan ay nagtanong ang asawa niya.

“Andie, kailan ang bayaran ng matrikula n’yo? Sabihin mo nang maibigay ko ang pambayad,” anito.

Nanatiling kumakain si Andie, nakapako ang tingin sa kinakain nito. Tila hindi nito narinig ang ama.

Nagkatinginan silang mag-asawa. Pawang nagtatanong ang mga tingin.

“Andie, hindi mo ba narinig ang tanong ng Papa mo?” marahang untag niya sa anak.

Sinulyapan siya nito, nakasimangot, bago bumaling sa ama nito.

“‘Wag niyo na hong abalahin ‘yun, ako na ho ang gagawa ng paraan,” malamig na tugon nito sa ama. Nakasimangot ang dalagita.

Tila hindi makapaniwalang napatayo ang asawa niya sa kinatatayuan nito. Mukhang nasagad na ang pagtitimpi nito sa anak.

Sa totoo lang, maging si Gina ay hindi maunawaan ang pinagdaraanan ng kaniyang anak. Sa tuwing tinatanong niya kasi ito kung may problema ay hindi naman ito nagsasabi.

“Anong problema mo sa akin, Andie? Bakit ka nagkakaganyan?” mataas ang boses na kompronta ni Ben sa anak.

Nang hindi magsalita ang dalagita ay pumagitna siya.

“Andie, kausapin mo nang maayos ang Papa mo,” udyok niya sa anak. Ayaw niya na kasing lumalim pa ang hidwaan ng dalawa.

Matalim na irap lang ang isinagot ng dalagita bago lakas-loob na sinagot ang ama.

“‘Wag na ho kayong magpanggap na mabuting ama sa akin dahil alam ko ang totoo!” sigaw nito sa ama.

Maging si Gina ay nasagad na ang pagtitimpi. Walang sabi-sabi siyang lumapit sa anak bago ito sinampal nang malakas.

“Wala kang respeto sa Papa mo!” galit na sigaw niya.

“Ilang beses na kitang tinanong, para magawan natin ng paraan kung may problema ka man. Wala kang sinasabi. Bakit bigla kang nagkaganito sa Papa mo? Ano ba ang tunay na problema? Lahat ginagawa namin para sa’yo, ito ang isusukli mo?” sigaw niya sa anak.

Umiiyak na tumayo ito habang sapo ang namamagang pisngi.

“Hindi ako nagsasalita dahil ayokong masaktan ka, Mama! Nakita ko si Papa, may iba siyang pamilya. Niloloko ka niya!” masamang-masama ang loob na sumbong nito.

“Pumunta ako sa bahay ng kaklase ko… Kapitbahay nila ang ibang pamilya ni Papa. Matagal na niya tayong niloloko, Mama…” kwento ng dalagita.

Tila may bombang sumabog sa harap ni Gina. Hindi niya inakala na magagawa iyon ng asawa niya.

Tigagal na napalingon siya sa asawa. Namumutla ito, tila nakakita ng multo.

Sa labis na gulat ay hindi na nakapagkaila ang asawa niya. Halos maglumuhod ito habang humihingi ng tawad.

Ang anak niya ay nakatayo lang, patuloy ang pagbuhos ng luha. Nilapitan niya ito ay sinapo ang pisngi nitong basang-basa ng luha.

Napaluha siya. Alam niya kasi na napakabigat ng sikreto na sinarili nito.

“Anak, bakit hindi mo sinabi sa akin? Bakit dinala mong mag-isa ang lihim na ito?” naiiyak na usisa niya sa nasaktang anak.

Yumakap ito sa kaniya.

“Ayaw ko po na masaktan kayo… Alam ko na mahal na mahal mo si Papa. Pero hindi ko rin kaya na pakitunguhan siya nang maayos matapos ang nangyari. Sorry po, Mama… Sana hindi ko na lang sinabi…” patuloy ang pag-iyak nito, na para bang ito ang may kasalanan.

Ngunit hindi. Dahil isa lang ang dapat sisihin. Ang walanghiya niyang asawa.

“Tama ang ginawa mo, anak,” alo niya kay Andie.

Dahil sa nangyari ay naghiwalay silang mag-asawa. Gaya ni Andie, hindi niya rin kayang ignorahin ang kataksilan ng kaniyang asawa. Kahit anong iyak nito ay hindi niya ito pinatawad.

Hindi man maganda ang kinahinatnan nilang mag-asawa, nagpapasalamat pa rin siya rito. Binigyan siya nito ng isang mabait at mabuting anak.

Bilang ina ay gagawin niya ang lahat para sa kaniyang anak. Ngunit masaya siyang malaman na gagawin din iyon ng anak para sa kaniya. At alam ni Gina na iyon ang tunay na regalo ng pagiging isang ina.

Advertisement