Minaliit Niya ang Estudyanteng Raketera; Mas Magiging Matagumpay Pa Pala Ito Kaysa sa Kaniya
Mainit ang ulo ng propesor na si Amari ngayong araw. Bukod kasi sa hindi siya nakaligo dahil walang tulo ng tubig sa kanilang barangay, naglakad pa siya patungong paaralan dahil wala siyang masakyang tricycle sa hindi malamang dahilan.
Lalo pang nag-init ang kaniyang ulo nang madatnang niyang sobrang ingay at gulo ng unang klaseng kaniyang tuturuan ngayong araw.
Para mga batang ngayon lang nakawala sa kweba ang mga estudyante niyang ito. Ang iba’y naglalaro ng bola sa loob ng silid-aralan, ang iba’y nagkakantahan na para bang walang ibang tao sa paligid nila, at ang iba nama’y naglalagayan ng make-up kahit wala namang pupuntahan na talagang labis niyang ikinainis.
“Mga estudyante ba kayo ng elementarya, ha?! Napakaingay niyo! Malayo pa lang ako kayo na ang naririnig ko!” sigaw niya dahilan para magsibalikan sa kani-kanilang upuan ang mga naturang estudyante pwera na lang na isang dalagang panay pa rin ang pagtitirintas sa buhok ng kaklase dahilan para rito niya ibunton ang lahat ng inis niya, “Hindi mo ba ititigil ‘yan, Stephanie? Nakita mo nang galit ako, patuloy ka pa rin d’yan sa pag-aayos ng buhok ng kaklase mo! Parlor ba ‘to, ha?” bulyaw niya rito.
“Saglit na lang po ito, ma’am, matatapos na po ako. Kailangang-kailangan ko lang po talaga ng pera, may bayad po ito, ma’am!” ngiti-ngiting tugon nito.
“Ibang klase ka rin, eh, ‘no? Kung hindi ka nagbebenta ng mga lipstick o kahit anong pipichuging make-up sa silid-aralang ito, nagtitirintas ka naman ng buhok ng mga kaklase mo! Wala ka bang kahihiyan?” galit niya pang sabi rito saka kinalas ang tirintas na ginagawa nito sa buhok ng kaklase.
“Hindi po uso ang salitang hiya sa mga estudyanteng kailangan kumita habang nag-aaral katulad ko,” seryoso nitong tugon saka agad ding binitawan ang buhok ng kaklase.
“Pwes, panigurado ako, hindi ka magtatagumpay sa buhay! Dapat siksikan mo muna ng kaalaman ang ulo mong walang laman bago ka kumita ng pera!” sigaw niya sa tainga nito na ikinaiyak na lamang nito, “Kung iiyak ka, ‘wag dito, doon ka sa sementeryo!” dagdag niya pa saka agad na nagsimulang magturo na para bang wala siyang nasaktang estudyante.
Buong akala niya, pagkatapos ng panenermon niyang iyon, hindi na muling raraket ang naturang estudyante sa loob ng kanilang silid-aralan ngunit, doon siya nagkamali. Mas dinagdagan pa nito ang mga panindang make-up at naglilinis na rin ito ng kuko ng ibang estudyante!
Araw-araw man niya itong ipahiya, saglit lang itong iiyak saka muling magtitinda o magseserbisyo sa mga kaklase kapalit ng pera.
“Hindi ka ba titigil sa ginagawa mo? Iniinis mo ba talaga ako? Gusto mo bang ibagsak kita sa klase ko?” sunod-sunod niyang tanong dito.
“Dumidiskarte lang po ako para makapagpatuloy sa pag-aaral. Tumitigil naman na po ako kapag nandito na kayo, bakit nagagalit pa rin po kayo sa akin?” tanong nito dahilan para siya’y bahagyang mapahiya sa harap ng ibang estudyante.
Dahil sa pagkahiyang iyon, wala na siyang ibang magawa kung hindi hayaan ang dalaga hanggang sa tuluyan na nga itong makapagtapos ng pag-aaral.
“Salamat, wala na ang estudyanteng nagpapainit ng ulo ko,” sabi niya sa sarili saka nagpatuloy sa kaniyang trabaho.
Wala nang papantay sa kasiyahang mayroon siya simula nang mawala sa paaralang pinagtatrababuhan niya ang buong klase na kinabibilangan ng dalagang iyon. Wala nang sobra kung mag-ingay sa kanilang paaralan at higit sa lahat, nabawasan na ang mga pasaway doon.
Kaya lang, paglipas ng dalawang taon, muli na naman niyang nakita ang naturang dalaga. Tila may hinihintay itong tao sa gate ng unibersidad. Wala na sana siyang balak na pansinin ito ngunit siya’y labis na nagulat nang lapitan siya nito.
“Ano na namang sadya mo sa akin? Tumahimik na ang buhay ko nang mawala ka. Wala akong balak na bumili ng mga paninda mo o kahit magpaserbisyo sa’yo!” sigaw niya rito.
“Gusto ko lang po kayong imbitahan sa bagong bukas kong mall,” nakangiting sabi nito saka siya binigyan ng isang brochure. “Anong pinagsasasabi mo riyan?” pagtataka niya.
“Sabi niyo po kasi hindi ako magtatagumpay sa buhay, eh, ayan tuloy, mas ginanahan po akong magnegosyo. Kaya ito po, sa loob lang ng ilang taon, may sarili na po akong mall. Hindi man kasing laki ng mga mall sa Maynila, pero lahat po ng kailangan niyo, nandoon na!” sabi pa nito na talagang ikinabigla niya.
“Kapag may oras po kayo, magpunta po kayo, ha? Alis na po ako!” wika pa nito saka sumakay sa isang mamahaling sasakyan dahilan para ganoon na lang siya sabay na humanga rito at makonsensya sa mga sinabi niya rito.
“Pinatunayan mo sa akin ang galing mo sa pagdiskarte, Stephanie,” sabi niya habang pinagmamasdan ang brochure na binigay nito.
Noong araw ding iyon, nagtungo nga siya sa naturang mall at siya’y lalo pang napahanga nang makitang halos lahat ng estudyante niya’y doon nagtatrabaho.
Doon niya labis na natutuhan na hindi niya kailangang mangmaliit ng estudyante dahil hindi niya kontrolado ang buhay na mayroon ang mga ito.
Wala na rin siyang sinayang na oras at agad siyang humingi ng tawad sa naturang dalaga. Tanging yakap at matatamis na ngiti ang sagot nito sa kaniya saka siya nilibre sa isang restawran doon na labis niyang ikinatuwa.