Inday TrendingInday Trending
Bigla na Lamang Hindi Nagparamdam sa Kaniya ang Kasintahan; Ito Pala ang Nangyari Rito

Bigla na Lamang Hindi Nagparamdam sa Kaniya ang Kasintahan; Ito Pala ang Nangyari Rito

Magtatatlong buwan nang nakakulong sa kaniyang sariling silid ang binatang si Kalo. Wala siyang ibang ginagawa roon kung hindi ang manuod ng pelikula, maglaro ng mga video games, at kung anu-ano ang pupwedeng paglibangan na talagang ikinapag-aalala na ng kaniyang mga magulang.

Nagsimula siya sa ganitong klase ng gawain nang bigla na lang hindi nagparamdam ang pinakamamahal niyang dalaga. Sinubukan man niya itong hanapin sa kahit anong paraan, hindi niya pa rin ito makita. Huli niyang balita, base sa kapitbahay ng dalaga, ang buong pamilya raw nito ay umalis at hindi na bumalik pa.

Bilang isang binatang walang ibang ginawa kung hindi ang mahalin ang dalaga, patuloy siyang nanghihina habang dumadaan ang mga araw. Sa katunayan, ilang beses na niyang binalak na tapusin ang kaniyang buhay dahil sa problema niyang ito. Mabuti na lang talaga, maya’t maya siyang tinitingnan ng kaniyang mga magulang kaya palagi siyang napipigilan.

Pilit man niyang kalimutan ang dalaga ay hindi niya magawa dahil kahit saan siya mapatingin, may alaala itong binibigay sa kaniya.

Isang araw, habang abala siya sa paglalaro ng video games, bigla na lang siyang inabutan ng kaniyang ama ng isang napakalaking lambat.

“Ano namang gagawin ko rito, papa?” inis niyang tanong sa ama.

“Halika, mangisda tayo sa laot kagaya ng ginagawa natin noong bata ka pa!” yaya nito na agad na ikinakunot ng kaniyang noo.

“Ayoko ngang lumabas, papa. Maaalala ko na naman ang babaeng nang-iwan sa akin nang walang paalam, eh,” tanggi niya.

“Kaysa naman magkulong ka rito habambuhay! Harapin mo ang sakit, anak! Huwag mong takbuhan o taguan!” sigaw nito habang hinahampas-hampas pa ang kaniyang balikat.

“Oo na, oo na, ang ingay-ingay mo na naman, papa!” tugon niya na talaga nga namang labis nitong ikinangiti.

Wala na itong sinayang na oras, agad na siya nitong pinagbihis at sapilitang isinakay sa kanilang sasakyan.

“Sigurado ka ba, papa, na marunong ka pang mangisda at mamangka? Baka naman mamaya, wala na nga tayong mahuli, maligo pa tayo sa dagat!” pangamba niya.

“Edi mas masaya!” tatawa-tawang sagot nito na ikinabuntong-hininga niya na lamang.

Pagkarating nila sa lugar kung saan ito nangingisda dati, dali-dali itong nanghiram ng bangka sa mga mangingisdang kakilala nito roon saka na rin sila agad na namangka patungong laot.

“Ibaba at ikalat mo na ang lambat, anak!” utos sa kaniya nito nang matagumpay silang makapunta sa laot.

“Ilang oras tayo maghihintay, papa, bago natin iangat ang lambat?” tanong niya rito.

“Basta! Huwag ka nang maraming tanong, pagkatapos mong ikalat ang lambat, umupo ka rito sa tabi ko. Sabay nating pagmasdan ang ganda ng tanawin!” sigaw nito.

Uupo pa lang sana siya sa tabi ng kaniyang ama nang mapansin nilang tila may huli na agad silang isda.

“Kapag sinuswerte ka nga naman, o!” sigaw ng kaniyang ama saka nagpatulong sa kaniya na maingat ang lambat.

Kaya lang, pagkahango nila sa lambat, imbes na isda ang kanilang makita, katawan ng dalawang tao ang bumungad sa kanila na talagang ikinataranta nilang mag-ama!

Pero imbes na siya’y patuloy na matakot, hindi niya mawari kung bakit gustong-gusto niyang makita ang mukha ng dalagang walang saplot at manas na dahil sa tubig sa katawan.

“Mahal!” natataranta niyang sigaw nang makilala niya ang dalaga.

“Diyos ko! Anong nangyari sa kanila? Ito ang tatay niya, hindi ba?” nanginginig na sabi ng kaniyang ama.

“Papa, tumawag tayo ng tulong! Baka may pag-asa pa silang mabuhay! Pakiusap, papa, gumawa ka ng paraan!” pagmamakaawa niya sa ama habang yakap-yakap ang dalaga.

“Anak, iba na ang kulay nilang dalawa, tiyak, wala na sila. Ang tanging magagawa na lang natin ngayon, mabigyan ng hustisya ang pagkawala nila,” mahinanong tugon ng kaniyang ama saka pinakita sa kaniya ang isang plastik na sumama na rin sa kanilang lambat na naglalaman ng damit ng kaniyang nobya, ilang patalim, at isang ID ng isang opisyal sa kanilang lungsod.

Oramismo, sila’y humingi ng tulong sa pulisya. Halos lumuhod na siya sa harap ng mga pulis upang imbestigahan ang naturang kaso at wala naman siyang pinagsisisihan doon dahil paglipas ng ilang araw, habang binuburol ang labi ng mag-ama sa kanilang bahay, napag-alamanang kaanak ng pamilya ng babae ang isang mataas na opisyal sa kanilang lugar at mayroon silang away sa mga ari-ariang pamana ng kanilang lolo.

Base rin sa imbestigasyon, at sa kwento ng ibang kapatid ng dalaga na nakita ng mga pulis sa isang kubo sa gitna ng dagat, pinagsamantalahan daw ang dalaga ng naturang opisyal sa harapan nilang lahat. Dito na umalma ang kanilang ama na naging sanhi ng pagtapos ng buhay nito.

“Makukulong po ang may sala kahit may katungkulan siya, hindi ba?” mangiyakngiyak niyang tanong sa hepe ng pulisya.

“Opo, sir, sigurado po kami roon,” tugon nito na talagang ikinaluwag ng dibdib niya.

Ilang araw pa ang lumipas, kasabay ng libing ng kaniyang nobya at ama nito, nabalitaan nilang nasintensyahan ng habambuhay na pagkakakulong ang naturang opisyal pati na ang mga tauhang kasama nito.

“Salamat, hijo, binigyan mo ng hustisya ang pagkawala ng mag-ama ko. Hindi talaga ako nagkamali na sa’yo ko pinagkatiwala ang anak ko,” iyak sa kaniya ng ina ng dalaga dahilan para yakapin niya ito nang mahigpit.

Hindi kalaunan, nakuha rin ng pamilya ng dalaga ang mga ari-ariang para naman talaga sa kanilang pamilya at bilang pabuya, siya’y binigyan din ng mga ito na talagang kaniyang ikinapasalamat.

Hindi man niya makasama ang dalaga sa matagal na panahon, masaya siyang nabigyan niya ito ng kapayapaan at malamang hindi siya nito iniwan, bagkus ito’y nakipaglaban para sa sariling pamilya.

Advertisement