Unang Gabi Niyang Makakasama sa Pagtulog ang Asawa; Imbes na Ligaya ang Maibigay Nito sa Kaniya, Ito’y Humagulgol sa Kaniya
Hindi mapantayan ang kasabikang nararamdaman ng bagong kasal na si Jomarie sa unang gabi nila ng kaniyang walong taong nobyo bilang mag-asawa. Kahit nga ayaw pa silang paalisin ng kani-kanilang pamilya mula sa reception ng kanilang kasal, siya’y labis na nagpumilit.
“Pagbigyan niyo na naman ako, walong taon ko itong hinintay! Matagal ko nang pangarap na makasabay matulog ang napakaganda kong nobya na ngayon ay asawa ko na!” pabiro niyang sigaw sa mga kaanak nila ng kaniyang asawa na ayaw pang magsiuwian.
“Naku, gusto mong agad na ma-solo ang anak ko, eh! Umayos-ayos ka, Jomarie, ha! Baka sa unang araw ng pagsasama niyo, may bukol ka sa mukha!” tugon ng ama ng kaniyang asawa na labis niyang ikinatawa.
“Si daddy, naman! Mapagbiro talaga! Pagod na rin kasi ako, daddy, saka, sigurado naman pong mas pagod sa akin ang anak niyo na punong abala sa buong selebrasyon ng kasal namin!” paliwanag niya rito habang hinihimas-himas ang malaki nitong tiyan. Wala namang ibang magawa ang kaniyang asawa kung hindi ang tumawa nang tumawa sa kanilang mag-biyenan.
“O, siya, tama na ang paliwanag! Ingatan mo maigi ang anak ko, ha! Sige na, magpunta na kayo sa hotel na nirentahan niyo at magpakarami kayo! Lalaki ang gusto kong apo, ha, galingan mo, Jomarie!” sabi pa nito saka silang dalawa ay pilit na pinasakay sa kanilang sasakyan.
“Makakaasa kayo, daddy!” tugon niya pa dahilan para siya’y mabatukan nito na labis nilang ikinatawang mag-asawa.
Pagdating nila sa hotel, agad niyang tinulungang mag-ayos ng sarili ang asawa niyang pagod na pagod na.
“Ako na ang magtatanggal ng ipit mo sa buhok, mahal, halika rito,” sabi niya rito habang nagtatanggal ito ng make-up sa mukha.
“Napakaswerte ko talagang ikaw ang napangasawa ko,” matamis nitong wika saka siya mariing na niyakap, “Pasensya ka na kung hindi ko mabibigay ang sarili ko sa’yo ngayong gabi, ha? Sobrang pagod na kasi ako, mahal,” bulong nito sa kaniya.
“Walang problema, marami pa namang darating na araw para sa ating dalawa,” nakangiti niyang wika rito.
Maya maya rin, agad na ring bumagsak sa kama ang kaniyang asawa. Ni hindi na nga nito nagawang makapagsipilyo dahil sa labis na kapaguran.
At dahil wala na rin siyang maaaring gawin doon bukod sa panuorin kung paano mapayapang matulog ang asawa, nagdesisyon na rin siyang matulog sa tabi nito.
Kaya lang, pagsapit ng alas tres ng madaling araw, nagising na lang siya sa ingay na nagagawa ng kaniyang asawa.
“Tama na po, mama! Tama na po! Ayoko pa pong mawala sa mundong ito! Ayoko pong sumama sa inyo!” sigaw nito dahilan para siya’y mapabalikwas at ito’y gisingin.
“Mahal, gising, binabangungot ka!” sigaw niya habang tinatapik-tapik ito.
Nang magising ang diwa nito, agad niya itong tinanong, “Anong nangyari, mahal? Bakit parang takot na takot ka? Hindi ba’t ilang taon nang namayapa ang nanay mo? Ginagambala ka pa rin ba niya?”
“Tinapos niya ang buhay niya sa harap ko, mahal. Gusto niya nga noon na pati ako ay magb*gti katulad niya pero ayaw ko. Nang humingi ako ng tulong kay daddy, doon na niya tuluyang tinapos ang buhay niya,” hagulgol nito.
“Tiyak na sobrang hirap para sa’yo na kalimutan ang pangyayaring iyon,” wika niya, gulat na gulat man siya sa nalaman, pinili niyang intindihin ang asawa.
“Sobrang hirap, mahal. Kahit na walang sumisisi sa akin sa pagkawala niya, sinisisi ko ang sarili ko,” kwento pa nito, “Pero nagtataka ako sa panaginip ko ngayon. Dati lagi siyang nakasimangot sa akin tuwing nagpapakita siya sa panaginip ko, pero ngayon hindi ko alam bakit ngiting-ngiti siya sa akin. Gustong-gusto niya pa akong yakapin,” dagdag nito na ikinangiti niya bigla.
“Siguro, mahal, gusto na ng mama mo na makawala ka sa paghihirap na itinali niya sa’yo noon pa man. Paniguradong sobrang saya niya dahil lumaki kang matapang at ngayon, kasal ka na,” pangaral niya sa asawa na talagang ikinabuntong-hininga nito.
“Siguro nga, mahal, at maswerte akong ikaw ang napangasawa ko. Sobrang sakit man ng nakaraan ko, natabunan iyon lahat ng pagmamahal pinaparamdam mo sa akin,” nakangiti nitong sabi saka muli na ring bumalik sa pagtulog sa kaniyang mga bisig.
Simula nang pag-uusap nilang iyon, hindi na kailanman muling nanaginip nang hindi maganda ang kaniyang asawa. Nag-umapaw pa ang biyaya nila simula rin noon dahil biglang nakilala ang kanilang bagong tayong grocery. Dagdag pa rito, paglipas ng ilang buwan, napag-alamanan din nilang nagdadalantao na ang kaniyang asawa na talagang ipinagdiwang nilang lahat.
“Salamat sa pag-aalaga at pagmamahal sa anak ko,” bulong sa kaniya ng biyenan niyang lalaki na talagang ikinatuwa niya.