Ipinadala ng Babaeng Maraming Tigyawat sa Mukha ang Litrato ng Ate Niya sa Ka-Chat Niyang ‘Kano; Gulat Siya Nang Bisitahin Siya Nito
“Ate, sige na, bibilhan kita ng bagong damit o sapatos o kahit ano pang gusto mo! Parang awa mo na, kahit isang piktyur lang,” nagsusumamong sabi ni Mayumi sa kapatid niyang si Ditas.
“Ano ka ba? May sarili ka namang mukha, eh, bakit mo pa gagamitin ang mukha ko?” tanong nito sa kaniya.
Gusto niya kasing gamitin ang litrato nito dahil iyon ang ipapadala niya sa nobyo niyang Amerikano, si Greg. Walong buwan na rin silang magkakilala at nag-uusap pero palagi lang sa selpon. Ayaw niya ng videocall dahil ikinahihiya niya ang sarili. Paano ba naman, tadtad ng tigyawat ang buong mukha niya kaya ayaw niyang ipakita rito. Baka mawalan ng gana ang ‘Kano. Hulog na hulog na kasi siya sa lalaki. Mabait kasi ito, may respeto, may magandang trabaho at higit sa lahat ay napakagwapo pa.
Isang mahusay na arkitekto sa Amerika si Greg na nakilala niya lang sa peysbuk. Sa una ay palagi lang silang magka-chat at kung anu-ano ang napagkukuwentuhan tungkol sa travel, mga paborito nilang pagkain, mga hilig at iba pa hanggang sa nagkapalagayan na sila ng loob. Alam niya naman na nag-iilusyon lang siya, na imposibleng matipuhan ng isang guwapong lalaki ang gaya niyang hindi naman kagandahan, puno pa ng tigyawat sa mukha. Pero pinababayaan niya nalang ang sarili para sa panandaliang kaligayahan, libre lang naman ang mangarap, ‘di ba? Kahit kailan ay hindi pa siya nagkakaroon ng nobyo. Hindi naman kasi siya ligawin kahit na lagpas trenta anyos na siya.
“Diyos ko naman, tingnan mo nga itong mukha ko, pinutakti ng mamula-mula at malalaking tigyawat! Baka i-block ako agad ni Papa Greg. Sige na, ate, pagbigyan mo na ako. Gusto niya kasing makita ang mukha ko,” pangungulit niya.
“Teka, ‘di ba, sabi kamo niya, maski ano pa ang hitsura mo ay mahal ka niya? Bakit hindi ka magtiwala sa kaniya? At bakit hindi ka magtiwala sa sarili mo?” sagot ni Ditas sa kaniya.
Saglit na natahimik si Mayumi, ‘di alam kung ano ang itutugon sa sinabi ng kapatid niya.
“Sige na, minsan lang akong humiling sa iyo, ngayon mo pa ba ako ipapahiya?”
Ilang pilit pa ay napapayag din niya si Ditas. Nagpadala siya ng piktyur sa lalaki sa pamamagitan ng messenger at nireplyan naman siya nito ng…
“Oh, okey!”
Ano? Sa ganda at kaseksihan ng Ate Ditas niya ay iyon lang ang reaksyon ni Greg? Paano pa kaya pag nakita na nito ang totoong hitsura niya? Baka laitin at pagtawanan pa siya nito.
“Sweety, I badly wanna see you. I am so tired,” sabi ng lalaki nang tumawag ito sa selpon niya.
“Don’t worry. Time will come and we’ll be together. How’s your day? How’s your work?” tugon niya.
“Bad, I am exhausted. But hearing your voice makes it better, I love you, Mayumi,” wika ng ‘Kano na hirap pang bigkasin ang pangalan niya.
Kinilig naman siya, pero kasunod noon ay bigla siyang nalungkot. Paano kaya kung malaman nito na hindi naman talaga siya maganda at marami pang tigyawat?
“I love you too, Greg,” aniya.
“I just want to run away with you,” wika pa ng lalaki sa kabilang linya.
Ang lungkot ay napalitan ng ligaya sa mukha ni Mayumi sa sinabing iyon ng lalaki.
Matapos ang ilang oras ay natapos na ang pag-uusap nila. Nagpaalam si Greg na limang araw itong hindi makakatawag dahil magiging abala ito sa trabaho. Naintindihan naman niya ito at sinabing tumawag na lang kapag libre na ito.
Makalipas ang ilang linggo, nasa simbahan sila noon ng ate niya. Malapit nang matapos ang misa pero sulyap pa rin siya nang sulyap sa kaniyang orasang pambisig, nagtext kasi si Greg na tatawag ito sa kaniya. Grabe, ilang araw niyang hindi narinig ang boses nito. Miss na miss na niya ito.
Pagkagaling sa simbahan ay diretso agad siya sa bahay at inabangan ang pagtawag ng lalaki. Naiwan naman si Ditas sa labas dahil hinihintay nito ang pinadeliber nilang pizza. Nagutom kasi sila kaya naisipan nilang umorder ng meryenda.
Maya maya ay narinig niyang sumigaw ang ate niya.
“Diyosmiyo! Mayumi!”
Agad siyang napatakbo palabas. “Ate, napaano ka?”
Magsasalita pa sana siya, pero natulala siya nang makita kung sino ang nasa harapan ng kapatid niya na parang napako na sa kinatatayuan.
Mas guwapo ito sa personal, matangkad, maganda ang mga mata, may kaunting bigote at balbas sa mukha at malaki ang katawan, as in napakamacho! Ang lalaking dumating ay walang iba kundi si Greg.
Tatakbo na sana siya at yayakapin ito nang bigla siyang napatigil. Malungkot na ngiti ang kasunod noon, dahil sa oras na iyon ay kailangan na niyang ipagtapat ang totoo. Na hindi siya ang nasa litrato na ipinadala niya rito. Na niloko lang niya ito.
“Hello,” nakangiting bati nito kay Ditas. Lalong nadurog ang puso ni Mayumi dahil mukha ng ate niya ang ginamit niya. Sabagay, bagay naman ang dalawa. Mas bagay kumpara sa kanila ni Greg. Diyos ko, ang sakit!
Nilapitan ito ni Ditas, niyakap at binulungan. Nagbulungan ang dalawa at nagtawanan pa sa harapan niya. Hindi na kaya ni Mayumi ang sakit na nararamdaman niya kaya tumalikod na siya. Papasok na siya sa loob ng bahay nang mapatigil dahil narinig niya ang lalaki.
“Thanks, Ditas. And where are you going, Mayumi, my sweety?” anito na hirap bigkasin ang mga pangalan nila ng ate niya.
Napalingon siya. “T-teka, nanaginip ba ako? Tinawag niya ang pangalan ko?”
“O, nice to meet you my gorgeous,” nakangiting sabi ni Greg na hinila siya sa braso papalapit sa katawan nito.
Nang mapatingin siya kay Ditas ay kinindatan siya nito at halatang kinikilig.
“I know everything, Mayumi. You don’t have to hide, I actually felt bad that you didn’t trust me enough. The moment that you sent me your sister’s photo, Ditas also messaged me telling me how you feel. So I knew it, even before I came here. Mayumi, you are so beautiful inside and out. I love you for all that you are,” wika nito at hinalikan pa siya sa pisngi.
Maya maya ay lumuhod ang lalaki at inilabas ang isang mamahaling singsing.
“So, will you marry me?” tanong nito.
Walang pagsidlan ang kaligayahan ni Mayumi. Naluluha siyang tumango.
“Yes, Greg. I will marry you.”
Binuhat pa siya ni Greg sa sobrang tuwa sa isinagot niya sa proposal nito.
Kaya pala ilang araw itong hindi tumawag sa kaniya ay dahil inasikaso nito ang nalalapit nilang kasal at ang pagpunta nito sa Pilipinas. Sa ngayon ay masaya na silang namumuhay kasama ang dalawa nilang anak. Sa Pilipinas na rin nanirahan si Greg at nagtrabaho.
Tandaan na ang pag-ibig ay walang pinipiling hitsura, edad, estado, at kasarian, dahil ito ay para sa lahat na nilikha ng Diyos.