Inday TrendingInday Trending
Balak Pagnakawan ng Lalaking Ito ang Malaking Tahanang Iyon; Isang Pangyayari ang Magpapaatras sa Kaniya

Balak Pagnakawan ng Lalaking Ito ang Malaking Tahanang Iyon; Isang Pangyayari ang Magpapaatras sa Kaniya

Pawis na pawis si Jackson bago pa niya marating ang tuktok ng bubungan na ’yon ng isa sa pinakamalaking bahay sa isang subdibisyon na malapit din sa kaniyang tinitirhan. Kung papaano siyang nakapasok doon, ’yon ay dahil kilala siya bilang manggagawa sa isa rin sa mga bahay na kasalukuyang ipinaaayos doon kaya naman madali lamang siyang nakalalabas-masok sa naturang subdibisyon.

Halos isang linggo ring pinag-isipan ni Jackson ang kaniyang gagawin. Isang linggo niya ring tiniktikan ang bahay na kaniyang inakyat ngayon, at doon ay napag-alaman niyang ang tanging nakatira lamang dito ay isang matanda at ang alaga nitong mga pusa. Dahil doon ay lalo tuloy lumakas ang kaniyang loob na gawin ang masamang plano niya…ang pagnakawan ito, upang may maibayad siya sa ospital nang makalabas na rin sa wakas ang kaniyang asawa’t bagong silang nilang anak.

Hindi na kasi alam ni Jackson kung saan siya kukuha ng pera. Wala na siyang maisip pang paraan kundi ito na lang kahit na ang totoo ay labag ito sa kaniyang kalooban. Ayaw man niyang gumawa ng masama ay napipilitan na lamang siyang gawin ’yon dahil sa sobrang hirap ng kanilang buhay buhat nang matanggal siya sa dating pinagtatrabahuhang kompaniya. Pagkatapos kasi no’n ay hirap na siyang makahanap ng trabaho kaya naman nagkasya na lamang siya sa paekstra-ekstrang kita sa kaniyang mga sideline.

Sa wakas ay tuluyan nang napasok ni Jackson ang bahay na ’yon, na pagmamay-ari pala ng isang matandang nagngangalang Aling Barbara. Napag-alaman ni Jackson na isa ito sa mga naging biktima noon ng isang sakuna na siyang dahilan kung bakit mag-isa na lamang ito ngayon sa buhay. Kaya lang ay huli na nang malaman niya ’yon dahil nakahanda na ang lahat ng gagamitin niya sa gagawing panloloob sa bahay. Makonsensiya man siya’y wala nang atrasan ito.

Dahan-dahan ang naging paglalakad ni Jackson sa bahay na ’yon, hanggang sa makarating siya sa kwarto ng matanda. Mag-aalauna na ng madaling araw kaya naman inaasahan niyang tulog na ang nasabing ale, ngunit ganoon na lamang ang gulat niya nang makitang nakaupo pa ito sa kaniyang higaan at umiiyak, habang hawak ang ilang piraso ng mga litrato ng iba’t ibang mukha…iyon ang kaniyang pamilyang nawala sa sakuna.

Nakaramdam ng kirot sa puso si Jackson, dahil sa nakitang tagpo. Pakiramdam niya, ang bawat hikbi ni Aling Barbara ay karayom na tumutusok sa kaniyang puso. Alam niya ang pakiramdam na mawalan ng mahal sa buhay dahil ganitong-ganito rin ang naranasan niya nang mawala ang kaniyang ina, kaya nga saka lamang siya nakabawi mula sa pagkalugmok nang makilala niya ang kaniyang asawa at nagkaroon sila ng pamilya.

Dahil doon ay muling nagdalawang isip si Jackson na gawin ang kaniyang pinaplano. Bigla siyang napaatras. Nabahag na naman ang buntot niya, dahil hindi naman likas na masama siyang tao. Sadyang kinakailangan niya lamang kumapit sa patalim kaya nagawa niya ang ginagawa niya ngayon—na napagpasiyahan niyang huwag na rin talagang ituloy.

“Siguro ay makakahanap ako ng ibang paraan. Hindi ko talaga kaya ito,” sambit niya sa kaniyang sarili. Gusto niyang maiyak sa sobrang inis niya dahil nagawa niyang mag-isip na kumapit sa patalim dahil sa pangangailangan.

Akmang aalis na sana si Jackson sa bahay na ’yon, nang bigla niyang masagi ang mesang katabi ng pintuan ng silid ni Aling Barbara. Dahil doon ay nakuha niya ang atensyon ng matanda at huli na para magtago pa siya.

Kitang-kita ni Jackson ang takot sa mga mata ni Aling Barbara nang makita siya nito. Agad itong dumiretso sa kaniyang tokador at doon ay kumuha ng pera upang ibigay kay Jackson…

“Huwag mo akong sasaktan, hijo. Ibibigay ko sa ’yo lahat ng gusto mo at hindi rin ako magsusumbong sa pulis. Pakiusap, hindi ko pa nahahanap ang katawan ng isa pa sa aking mga anak at umaasa pa akong nabubuhay siya,” umiiyak na pakiusap nito sa kaniya.

Upang mawala ang takot ni Aling Barbara ay naisipan ni Jackson na yakapin ito bago siya magsalita, “Pasensiya na po sa tangka kong paggawa ng masama sa inyo, Aling Barbara. Hindi ko lang ho talaga alam paano ilalabas sa ospital ang asawa’t anak ko. Hindi ho ako kukuha ng kahit na ano sa inyo. Paalis na ho talaga ako, sa totoo lang,” paliwanag pa niya sa matanda.

Maya-maya ay nakalma na si Aling Barbara kaya naman nagpasiya na rin si Jackson na iwan ito at bumalik sa ospital upang dalhan ng pagkain ang kaniyang asawa, ngunit bigla siyang pinigilan ni Aling Barbara at inabutan ng pera…

“Naniniwala akong mabuti kang tao, hijo. Tanggapin mo ito upang hindi ka na ulit makaisip na gumawa ng masama at mailabas mo ng ospital ang mag-ina mo. Pagkatapos ay bumalik ka rito bukas dahil kukunin kitang driver ko sa tuwing magtutungo ako sa aking mga negosyo,” sabi pa nito sa kaniya na agad namang ipinagpasalamat ni Jackson. May-ari kasi ng mga negosyo si Aling Barbara sa palengke at iba pang establisyimento sa bayan.

Tinupad ni Aling Barbara ang sinabi nito at binigyan nga ng trabaho ang lalaki. Ibinalik naman ni Jackson ang kabutihan ng ginang sa pamamagitan ng tapat na paninilbihan dito at pagmamahal sa kaniyang bagong trabaho.

Advertisement