Nang Mangailangan Siya ng Tulong ay Biglang Nawalang Parang Bula ang Kaniyang mga Kaibigan; Hindi Inaasahang Tao Pa ang Tutulong sa Kaniya
Isa si Flora sa miyembro ng mga estudyanteng ito na kilala sa kanilang eskuwelahan na siyang nang-aapi sa mga kapwa nila estudyante na alam nilang wala namang laban sa kanila. Palagi siyang kasama sa bawat kalokohan ng mga ito, kahit pa hanggang sa magkaroon sila ng records sa guidance office sa tuwing may mga magulang na magrereklamo sa kanila tungkol sa mga ginagawa nilang mali. Akala kasi ni Flora ay ‘cool’ o ‘astig’ ang maging ganoon. Hindi rin naman niya gustong mapabilang sa mga taong inaapi ng mga ito kaya naman mas pinili na lamang niyang siya ang mang-api.
Isang araw, hindi inaasahang nagkaroon ng problema sa pamilya si Flora. Maghihiwalay na kasi ang kaniyang mga magulang at ni isa sa mga ito ay walang gustong maging responsable sa kaniya. Baon sa utang ang kaniyang ama dahil sa pagsusugal nito, habang may kinahuhumalingan namang ibang lalaki ang kaniyang ina. Walang ibang kapatid o pinsan si Flora, dahil parehong nag-iisang anak lang din naman ang mga magulang niya habang ang mga lolo’t lola niya naman sa magkabilang partido ay pawang mga namayapa na.
Sinubukang tawagan ni Flora ang kaniyang mga kaibigan upang may makausap man lang siya, ngunit ni isa sa mga ito ay wala man lang gustong sagutin ang kaniyang mga tawag. Animo biglang naglaho ang mga ito sa kaniyang buhay. Kinabukasan, pagpasok niya sa eskuwela ay animo siya may nakahahawang sakit na nilalayuan ng mga ito!
“Alam na namin ang nangyayari sa family mo, Flora, at ayaw naming madamay sa kamalasan mo. Kaya please lang, kung puwede ay layuan mo muna kami,” mataray na sabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga kaibigan na agad namang ikinainit ng ulo ni Flora.
Dahil doon ay tinaasan niya rin ito ng kilay. “Okay, fine. Hindi ko rin naman gustong isiksik ang sarili ko sa mga pangit na kagaya n’yo,” ganting aniya rito, ngunit bigla siya nitong sinabunutan!
Dahil doon ay nagkagulo sa hallway ng kanilang eskuwelahan hanggang sa maya-maya pa ay sinita na sila ng ilan sa kanilang mga guro at ipinatawag sila sa opisina ng guidance counselor nila.
“Si Flora po ang nag-umpisa, ma’am. Bigla na lang siyang nananakit kahit wala naman kaming ginagawa sa kaniya!” pagsisinungaling ng nakaaway niyang si Hailey.
“Anong ako? Hindi ba’t nakita n’yo ang buong pangyayari? Si Hailey ang unang nanakit sa akin!” katuwiran naman niya na sinubukan pang kunin ang panig ng iba pa sa kanilang mga kaibigan ngunit ang mga ito ay kumampi lamang kay Hailey.
Madidiin na sana si Flora, kung hindi lamang sana pumasok sa loob ng guidance office ang isa sa kanilang mga kaeskuwela—si Demi—upang ipakita ang video nito ng buong pangyayari na kuha mula sa cellphone nito.
“Sina Hailey po ang nag-umpisa, ma’am. Ang totoo po ay sila rin ang nagpakalat sa nangyayari sa pamilya ni Flora ngayon kaya maging ang ibang mga estudyante ay pinagtatawanan siya,” paliwanag nito na ikinagulat ni Flora.
Si Demi ay isa sa mga naging biktima noon ng pambub*lly niya, kasama ang mga kaibigan niyang ito. Hindi niya inaasahan na ito pa ang magiging kakampi niya at tutulong sa kaniya sa oras ng pangangailangan!
Dahil sa ginawa ni Demi ay naparusahan tuloy sina Hailey at ang kaniyang mga dating kaibigan, habang siya naman ay kinausap ng kaniyang mga guro upang matulungan siya ng mga ito tungkol sa nangyayari sa kaniyang pamilya. Inilapit nila siya sa iba’t ibang institusyon upang manatili siya sa pag-aaral kahit pa wala na ang suporta ng kaniyang mga magulang.
“Demi, maraming salamat sa tulong mo at patawad sa lahat ng nagawa ko sa ’yo. Hindi ko akalaing darating ang araw na ikaw pang inapi ko ang tutulong sa akin para mailigtas ako,” umiiyak na sabi niya kay Demi, isang araw na nakita niya itong mag-isang kumakain sa canteen.
“Alam ko kasi ang pakiramdam na pinagkakaisahan kaya hindi ko maatim na pabayaan ka na lang, Flora. Sana lang ay huwag mo nang ulitin pa ang mga ginawa mo noon para hindi ka na ulit nalalagay sa sitwasyong katulad nito,” payo naman nito sa kaniya na agad naman niyang tinanguan.
Iniabot ni Flora ang kaniyang kamay at inalok ito ng handshake. Mabilis naman iyong tinanggap ni Demi, bilang tanda ng isang bagong pagkakaibigang mamumuo sa pagitan nilang dalawa. Sa wakas ay nakahanap din si Flora ng tunay at totoong kaibigang magiging maganda rin ang impluwensya sa kaniya.