Ayaw Niyang May Nangingialam sa Kaniyang mga Gamit; Umusok ang Ilong Niya nang Biglang Ipamigay ng Kaniyang Ina ang Ilan sa Kaniyang mga Damit
Ayaw na ayaw ng dalagang si Berna na may gagalaw o kukuha sa kaniyang mga gamit. Nanay, tatay, o kahit sinumang kakilala niya ang gumalaw lang sa kahit anong gamit na mayroon siya, agad siyang nagagalit. May pagkakataon pa ngang nakakasakit siya ng tao o ilang buwan bago mawala ang galit na mayroon siya kapag may gumalaw o kumuha sa kaniyang pinakaiingatang mga gamit.
Lahat kasi ng gamit niya ngayon, mapadamit man o alahas ay mula lahat sa dugo’t pawis niya. Lahat ito ay matiyaga niyang pinundar mula sa iba’t ibang raket na mayroon siya simula pa lamang noong siya’y nasa kolehiyo.
Kaya naman, kahit ang nanay niyang gustong-gustong ayusin ang magulo niyang silid na punong-puno ng mga gamit na karamihan ay hindi naman niya ginagamit, palagi niya itong pinagbabawalan.
Sa katunayan, dahil sa halos araw-araw na pangungumbinsi ng kaniyang ina na ipaayos niya rito ang silid niya, naisipan na niya itong ikandado upang hindi talaga ito magkaroon ng pagkakataon na magalaw ang kaniyang mga gamit.
Ngunit isang araw, habang sila’y sabay-sabay na nag-aalmusal, may isa itong pakiusap sa kaniya.
“Anak, nanghihingi ng tulong ‘yong isa kong kumare. Nadamay kasi ang bahay nila sa sunog kagabi roon sa kabilang barangay. Pupwede bang ibigay mo na lang sa anak niyang babae ‘yong mga damit na hindi mo na ginagamit?” pakiusap nito sa kaniya.
“Wala akong oras maghalukay ng damit, mama. Alam mo namang halos buong maghapon ako sa trabaho. Pag-uwi ko naman, pagod na pagod na ako,” masungit niyang tugon dito saka nagmadaling ubusin ang kaniyang pagkain.
“Ayos lang naman sa akin, anak, kahit ako na lang ang maghanap sa damitan mo. Alam ko naman ‘yong mga damit na hindi mo na sinusuot,” sabi pa nito na ikinainis na niya.
“Ayoko, pasok na ‘ko,” tugon niya saka agad nang lumabas ng kanilang bahay at dire-diretso nang pumasok sa kaniyang trabaho.
Katulad ng kaniyang nakasanayan, pagkadating niya sa kanilang opisina, agad na rin siyang nagtrabaho. Siya’y nakipag-usap sa sandamakmak na kliyente, dumalo sa isang pagpupulong at kung anu-ano pang gawain ng isang sekretarya ang kaniyang ginawa nang araw na iyon.
Habang nasa daan siya pauwi, pagkalipas ng ilang oras, bigla niyang naalala na hindi niya pala nakandado ang kwarto niya!
“Diyos ko, baka mamaya, pumasok na doon si mama! Ang mga gamit ko!” pag-aalala niya dahilan para siya’y magmadaling umuwi.
Katulad ng kinakatakutan niya, pagbukas na pagbukas niya sa pintuan ng silid niya, sobrang ayos na nito.
Maayos nang nakasalansan ang kaniyang mga libro, damit, sapatos, alahas at kung ano pang gamit. Ngunit imbis na matuwa, siya’y labis pang nagalit sa kaniyang ina.
“Sabi ko naman sa’yo, ayokong may nangingialam sa mga gamit ko, ‘di ba?” galit niyang sigaw sa inang nagtatahi ng butas niyang paboritong pantalon.
“Ay, pasensya na, anak. Nakabukas kasi ‘yang pintuan mo, eh, kaya akala ko, payag ka na sa pakiusap ko sa’yo kaninang umaga,” kamot-ulo nitong sabi.
“Huwag mong sabihing kumuha ka ng mga damit ko?” tanong niya rito.
“Oo, ‘yong mga luma lang naman, anak! Tuwang-tuwa nga ‘yong anak ng kumare ko, eh. Huwag ka nang…” hindi na niya pinatapos ang sinasabi nito at siya’y agad na nagdesisyong magpunta sa kumareng tinutukoy nito upang bawiin ang kaniyang mga damit.
Ngunit, pagdating niya roon, halos nadurog ang puso niya nang makitang ang barangay na dati ay kilala dahil sa naggagandahang bahay ay isa na ngayong nakakaawang barangay dahil lahat ng bahay ay natupok na ng apoy.
Halos mapaiyak siya nang makita kung paano namumulot ng mga bagay na mapapakinabangan pa ang mga tao roon at kung paano ng mga ito isalansan ang mga bagay na pupwedeng maibenta sa junk shop.
Pero biglang tumaba ang puso niya nang makitang suot ng anak ng kumare ng kaniyang ina ang luma niyang damit. Agad pa itong tumakbo patungo sa kaniya ang dalagita saka sinabing, “Ate, gustong-gusto ko po ang mga binigay niyong damit! Alam niyo po ba na wala ako ni isang naisalbang damit? Akala ko nga po, wala na akong pagkakataon na makapagpalit ng damit dahil wala rin kaming natirang pera para makabili ng bago. Kaya, salamat po talaga, ate, ha? Sobrang saya ko po talaga! Ikaw ang bahaghari matapos ang delubyong naranasan namin!” na talagang nga namang nakapagpabagsak sa kaniyang mga luha.
Hindi niya mawari kung bakit biglang nawala ang galit na nararamdaman niya. Ang tanging alam niya lang ngayon, masarap pala ang pakiramdam nang tumulong at maging parte ng kasiyahan ng iba.
Pagkauwi niya, bumungad sa kaniya ang ina niyang alalang-alala. Todo hingi pa ito ng tawad sa kaniya.
“Huwag ka nang humingi ng tawad, mama, gusto ko ngang magpasalamat sa’yo dahil ikaw ang gumawa ng paraan para maging mapagbigay ako. Ang saya palang makakita ng isang taong naging masaya dahil sa’yo,” nakangiti niyang sabi saka ito niyaya sa kaniyang silid upang humanap pa ng mga bagay na hindi na niya nagagamit na pupwede niyang ibigay sa mga nasunugan.
Simula noon, hindi na niya muling ikinandado ang silid niya. Unti-unti niya na ring hinayaan ang kaniyang ina na hawakan o pakialamanan ang kaniyang mga gamit basta’t may permiso niya na labis nitong ikinatuwa.